Andre Ramirez Gutierrez
EMERGENCY ROOM
Napupuno ang gabi ng mga hilik
mula sa mga pagod na asawa, anak,
at mga kaanak na kanina pang hapon
nakabantay sa pangangailangan
ng kanilang mga mahal sa buhay.
Napupuno ang gabi ng mga hikab at
yapak ng mga guwardiyang labas-
masok sa pinto; mga nars na damagang
nakatoka sa mga pasyenteng sa apelyido
at sakit lamang nila kilala.
Napupuno ang gabi ng mga pagyanig
ng lupa mula sa mga dumaraang trak
sa labas—yaring binubuhay ng barakong
kape ang mga pahinanteng naatasang
sa madaling araw magtrabaho’t bumiyahe.
Napupuno ang gabi ng mga dasal na hindi
masambit-sambit. Iba’t ibang hiling. Samot-saring
pakiusap. Sa himig ng kaba at pagod. Lahat kaming
nandirito, sang-ayon sa taimtim na ritmo. Binabasag
ng garalgal ng bentilador ang himbing ng bangungot.
19 Pebrero 2022
Lungsod Quezon
KUHA
I.
Tuwing kinukuhanan ako ng litrato, muhi
kong tinitingnan ang sarili pagkatapos
ipakita ang hitsura ng ngiting hindi matimpla.
Sa mga lumang klas piktyur at matatandang
larawan ng aking pagkabata, walang matinong
mukha ang mga dating ako na dumaa’t nagdaan na.
Sabi ng mga pilosopo, taksil raw ang mga alaala,
pagkat madali nitong malimot ang sayá’t lungkot
na nais at ninanais gunitahin ng panahon.
Mungkahi naman ng mga siyentipiko, mapanlinlang
ang pagkawing sa mga ito, pagkat pinupunan natin
ng mga bulà ang puwang sa gunitang nais at ninanais balikan.
II.
Nang magregalo ka ng kamera sa kaarawan
ng aking pagtanda, sinuway ko ang kumpas
ng dati kong mga gawi’t kinamumuhian.
Sinubok kong intindihin ang silaw sa bawat pagpitik—
sa walang katapusang pagkuha’t pagngiti. Balewala ngayon
sa akin ang kupas kong damit; ang buhaghag kong buhok;
ang bitak-bitak na ngipi’t ngiting sa galak ay alanganin.
Kahit hindi potograpo’t kahit hindi marunong sumipat
ng tamang anggulo, sinubok kong palinawin ang malabo’t
lumalabong mga kuha. Sa likod ng aking kamera, mayroong
kuwadro ang bawat kanto ng iyong mukha. Dito sa isang banda,
kahit taksil at mapanlinlang raw ang alaala’y nais ko pa ring makatanda.
9 Marso 2022
Bacoor, Cavite
KATIYAKAN
(matapos ang litratong “Missing” ni Kane Blancaflor, 2022)
Sinisisi ko ang salita
na siyang inimbento’t ginawang
sandigan ng payak na paniniwala.
Sandata raw at kalasag na kaparang
ng kapalara’t kamalasan.
Huwag ninyo akong bigyan.
Bigyan ng katiting na liwanag
sa tula. Hindi ninyo kailanman
mahahanap sa pagitan ng mga pahina
ang lumisa’t nagsilisan. Nais,
ninanais kong makalaya sa papel
na sisidlan. Sa tintang laway ng katotohana’t
kasinungalingan. Dito raw inililibing
ang mga nangasakdal at linimot ng kasaysayan?
Hindi. Hindi ko pipiliing maging inmortal.
12 Marso 2022
Lungsod Quezon