Mark Anthony Pedere

REBELASYON ANG HUNI NG KORO-KORO para sa aswang na tinutunton ang puntirya nito. Unang beses na rumehistro sa katinuan ko ang onomatopeyikong ngalan ng nilalang na iyon nang minsan kong mapakinggan ang talakay ni Dr. Allan Derain hinggil sa relasyon ng mito at akustika. Ayon sa kaniya, ito ay itim na ibon mula sa Bikol na nagsisilbing signos ng nagbabadyang kamatayan mula sa pagsibad ng aswang. At sa pag-iisa nilang dalawa, dumadaluhong ang rurok ng kanilang kaaswangan. Ironiko pa nga sapagkat kung malakas ang huni nito, ibig sabihin ay malayo pa ang kaulayaw na aswang. Subalit kung ito ay mahina, nagpapahiwatig na siya ay nariyan na.

Nasa ganoong hitsura ng pagtatagpo umaalagawa ang takot ko sa panahon ng pandemya: ang pakiramdam sa gitna ng hindi matiyak na posibilidad na atake at hindi pag-atake. Bagaman batid kong dalawang taon na itong namemeste sa bansa, nananatili pa rin itong nakatiwangwang na sugat-sariwang danas, lalo na sa tulad kong parte ng kabataan.

Magdadalawampu na kasi ako sa buwang ito. Ngunit sa kasamaang (o pinasamang) palad, pakiramdam ko ay hindi pa ako handa. Mayroon pa ring puwersang lumalagaslas at nagbibigay babala na kulang pa ang aking buwelo sa pagpasok ng bagong ikot ng kalendaryo. Ganito rin naman ang kumulatibong emosyon ng mga kaedaran kong kaibigan. Paskil nga nila sa kanilang Facebook account tuwing nagdaraan ang kanilang espesyal na araw: “Pandemic birthdays are not counted!” Siymepre, biro lamang ang mga pagpapalagay na iyon—mga pasaring sa lilim ng pagkakasadlak sa isang krisis na kumikitil sa saya sanang dulot ng pagdiriwang ng nagpapatuloy pang pag-iral.

Datapuwa’t hindi ko maisasawalang-bahala ang pagbubunton na iyon. Tunay na may salimuot sa pagpasok ng 20s nang hindi man lang lubusang natututuhang namnamin at tahiin ang salimbayan ng tawa, iyak, kilig, duda, takot, at pangamba mula sa mga nakasama sa pagbibinata. Suliranin ang pagpasok sa 20s, lalong sa panahon ng pandemya, sapagkat bukod sa pagkawala ng ilang mga minamahal na kasama, sa estado kong ito ay marapat na pinatatatag ko na ang salalayan ng aking hinaharap: pakikipagkapuwa, pagtatapos ng kolehiyo (kung kakayanin pa), pagtatrabaho (kung makahahanap), pagmamasterado o

duktorado (kung nanaisin pa), pagsisilbi sa masa, pag-iipon, pagtulong sa pamilya, pangingibig (kung makatatagpo), panginginom (kung maiimbitahan), muling pangingibig (kung sakaling iwan), at iba pa.

Nakatatawa at nakababahala nga na kung haharayahing kami naman ay nasa posisyon ng mga aswang, ang pagkawala o pagtraydor sa amin ng sarili naming mga “koro-koro” na silang pumapatnubay at gumagabay sa aming tatahakin gabi-gabi ay tiyak na sila pang magtutulak para maabutan kami ng mga kuko ng bukang-liwayway.

Sa kasalukuyan, pinagsasabay ko ang gampanin ng pagiging isang mamamahayag-estudyante, anak, at ama ng dalawang alagang aso. May grabedad ang mga tungkuling ito sapagkat bukod sa mental, emosyonal, at pisikal na bagabag, bumabalagbag din ang kahingiang pampinansiyal batay sa nangangayayat na konteksto ng aming pamilya. May mga ilan na rin naman akong tinanggap na ekstra gaya ng komisyon sa pagsulat ng mga papel pang-akademya o pagkontribyut sa publikasyon, subalit hindi ito sumasapat. Minsan ko na ring sinang-ayunan ang hikayat ng kaibigan na pag-aralan ang isang trabaho kung saan tutulungang “patalinuhin” ang Google searching memory ng bagong silang na AI o artificial intelligence ng isang BPO company, subalit ako ay nahirapan sa pagmamando nito—na para bang ang tangkang iyon ay lumandas pa pabalik sa akin bilang isang tulisan na nakipagbuno (o nang-asar) sa kasalukuyan kong intelektuwal na kapasidad na inaasahang mapagtatagumpayan man lang ang basikong istrukturalismo ng pixilated na mga imahe’t titik sa internet.

Lampas sa mga iyon, ang kabuuang hamon pa sa pagpasok sa 20s sa panahon ng krisis ay marahil ang danasin at mapakinggan ang pingkian ng mga isyung panlipunan na lumilikha ng, sa salita ng kompositor na si Raymond Murray Schafer, “soundscape.” Kung ang tambalan ng koro-koro at aswang na rumuronda sa paligid ay umuukit ng topograpiyang awditoryal sa lipunan at memorya ng taumbayan, marahil nakabibingi para sa tulad kong kabataan ang soundscape ng kasalukuyan: suliranin sa bakuna, pamomomba mula sa tunggalian ng mga imperyalista, pagsirit ng presyo ng mga basikong pangangailangan, pamamaslang at pagdakip sa mga kritiko’t manggagawang nagsisilbi sa minorya, pag-alingawngaw ng nagpupumiglas na kasinungalingan sa nagiging karnabal na halalan, at iba pang pagpalahaw at pagsigaw mula at para sa mga hindi matamasang karapatan ng masa.

Lahat ng mga iyon ay hindi sumasaglit, bagkus ay nananatili—sumisiyap, papalakas nang papalakas, hanggang sa maging dagundong na nagbababala sa paparating pang mga kapahamakan.

Sa isang bahagi ng talakayan ni Dr. Derain nabanggit niya ang tunggalian sa pagitan ng dokumentaryong pagmumuni ng dayuhang filmmaker na nag-imbestiga sa tunog ng hindi umano’y wakwak sa isang komunidad sa Visayas at ng pagsasalaysay ng mismong mga nananahan at nakaririnig nito. Ayon sa taga-“labas,” ang kanilang mga naulinigang “wak wak” ay posibleng tunog na nagmumula sa katutubong salagubang. Subalit para sa mga taga-“loob,” malakas ang rehistro ng pag-unawa at pakiramdam nila na ito ay tunog ng umaaligid na panganib mula sa naturang aswang.

Sa buwang ito, ang pagtuntong at pagtatanong ko sa napipintong karanasang 20s ay isang pagiging saksi sa paanyayang patalasin pa ang aking sensibilidad at pag-unawa sa lohika ng “lapit” at “layo” sa aspekto ng mga tunog. At kung panghahawakan ko ang metapora na kahit tayong mga tao ay tila may sari-sarili ring koro-koro, nakatatakot ngang sa paglalakbay ay hindi ko ito maririnig, sa malakas man o mahina nitong huni. Ibig sabihin ay maaaring maligaw ako—maging puntirya ng sariling paghamon sa mahiwagang relasyon ng espasyo at tunog. Subalit gaya ng mga taga-looban sa dokumentaryo, silang mga nakaririnig lamang ang makaiintindi at silang mga makaiintindi lamang ang makaririnig ng tunay na pag-iral ng kamalayang nagmumula at tumutungo sa atin.

Araw-araw, kaharap ang nakapatay pang iskrin ng aking selpon na gagamitin sa muling pakikilahok sa birtuwal na mundo ay nababanaag ko ang nanlalabong sariling repleksyon. Tunay na sa krisis na ito ay may mga sandaling may kahirapan pa rin ako sa pagtiyak kung anong dapat na uunahing asikasuhin. Magbebente na ako. Hindi ko pa rin alam ang unang tataluntunin. Hindi ko alam kung malayo o malapit na ba ako o kung saan nga ba talaga ako tutungo. Wala pa rin kasing imik ang koro-koro sa loob-loob ko. Subalit may iba pang ingay. Batid at dinig ko ang tunog ng paligid—ang ingay-ingay. Mga rebelasyon. Nagpapaunlak.