Balwender P. Venezuela

Hawak ang blade sa kaniyang kanang kamay, nakatingin si Arturo sa harap ng salamin sa kaniyang banyo. Tahimik ang paligid, ang tanging madidinig lamang ay ang patak ng tubig mula sa gripo sa lababo na hindi masiyadong naisara at ang kaniyang mabigat na paghinga.

Kaya niya ba?

Sa napanonood niya sa mga series sa Jejflix mukhang kaya naman at mabilis lang ang ganitong proseso, ngunit ngayon kinakabahan siya.

Pero wala siyang magagawa, ito ata ang naka-tadhana sa kaniya. Pumikit siya ng mariin at ginalaw ng daliri ang hawak na blade.

Malungkot siya. Pero hindi niya magawang umiyak, ewan niya ba kung bakit. Malungkot siya, malungkot na malungkot. Sagad, said, wasak, siksik, liglig, at umaapaw. Pero hindi niya magawang umiyak.

Hindi siya umiyak ng may client siya na nag-cancel ng drawing kung kailan patapos na niya. Hindi siya umiyak nung nag-post siya sa fbdotcom ng tungkol sa commission niya pero puro react lang, wala man lang nag-share o nag-comment o nag-message sa kaniya. Walang interesado. Hindi siya umiyak nung kinakain na niya yung huling pancit canton na nakita niya sa cabinet. Mas lalong ‘di siya umiyak ng mapansin na paubos na ang mga art materials niya. At hinding-hindi siya umiyak nung makita niya ang pera niya sa wallet na tatlong daan na lang at mangilan-ngilan na bariya counted na ang mga token mula sa timezone. At siyempre lalong hindi siya umiyak ng biglang nag-lockdown at walang pwedeng lumabas, lahat sa kaniyang paligid nahinto, hindi man lang siya handa. Wala siyang kapera-pera at wala na siyang stock ng pagkain.

At nope. Hindi siya umiyak,kalmado lang.

Pero habang tumatagal, kahit na papaano ay nakagawa siya ng paraan para makakain nitong mga nakaraang araw ngunit hindi na sapat. At sa panahon na ganito, nag-iisa siya at wala man lang magawa para libangin ang sarili bukod sa panonood niya ng kung ano-ano sa social media. Wala na siyang ibang alam na gagawin, ni wala ngang nagpapa-commission sa kaniya ngayon dahil lockdown at walang ganap ang mga tao.

Kinakain siya ng emosiyon niya at ng mga pag-iisip gabi-gabi. Naisip niya nga na sa sobrang yummy niya pati thoughts niya gusto siyang tikman.

Joke niya yan sa sarili, kaya kung may makakikita sa kaniya baka akalaing nababaliw na siya kase natatawa talaga siya sa sariling niyang joke. Seryoso.

Gayunpaman, minsan hindi niya maiwasang tanungin ang sarili kung tama ba ang desisyon niyang pag-alis sa kanila. At patunayan sa kaniyang Tatay at mga judgemental na relatives na may mararating siya sa arts. Tama ba na pinagpatuloy niya ang pag-guhit? Hanggang saan ba siya kayang dalhin ng sining? Masasalba ba siya nito?

Ngunit kahit siya sa sarili hindi niya masagot ang mga tanong.

Baka tama sila…o baka hindi. Walang nakakaalam. Pero alam niyang dapat siyang lumaban. Alam niya e, hindi dapat siya huminto, kase sa araw-araw na pag-scroll niya sa mga social media at sa ilang libro nababasa niya. Busog na busog na siya sa mga motivational and inspirational quotes na pinanghahawakan nalang niya, pero di niya alam kung paano gamitin at gawin.

Kapag pala nandoon ka na sa mismong laban. Na sa gitna ka na, tapos nagbabatuhan na sila ng bala, bomba, at pana. Wala ka ng magagawa kun’di ang lumuhod sa gitna at hintayin na tamaan ka ng bomba para tapos na, kase hindi ka handa e. Wala kang dalang armas. Kung meron man hindi sapat para makalaban pa.

Hindi biro ang paggawa ng sining. Kapag naguumpisa ka palang, nakakataba ng puso na pinupuri ka ng mga tao. Halos lahat sasabihin na mas magaling ka pa sa batikan o di kaya sa mga sikat. Lahat iche-cheer ka para mas lalo mo pang pagbutihin at galingan. Ayos lang kapag may nagpapa-drawing ng libre kase masaya ka naman at kinikilala mo palang ang sarili mo sa pagguhit at doon ka din nahahasa. At ang pinaka-point doon, oks lang kasi palamunin ka palang naman ng magulang mo.

Hindi ka pa gumagastos.

Pero kapag sumabak ka na sa tunay na buhay at pinili mong ipagpatuloy ang sining. Kapag ito ang gusto mong bumuhay sa’yo, yung nagagawa mo yung gusto mo tapos kumikita ka. Dito, dito ka na mamumulat sa reyalidad.

Hindi na ito kagaya ng dati nung nagsisimula ka pa lamang, yung dati mong mga taga-suporta nagiiba na ang tingin nila sa mga gawa mo. At yung mga bagong taong makakikita sa mga likha mo, hindi lahat sasang-ayon sa’yo. Hindi lahat magugustuhan ito, at kailangan mo iyon tanggapin kase ayon sa mga batikan, parte naman yun ng proseso at pagkatuto mo bilang isang artist.

At ang pinakamalala sa lahat, tumatanda ka na. Oras na para matuto kang tumayo sa sarili mong paa, oras na para ikaw naman ng gumastos sa sarili mo, sa mga pangangailangan mo, at sa mga luho mo. At higit sa lahat oras na para maibalik lahat ng tinulong sa’yo ng mga magulang mo. Hindi na okay na libre na lang palagi ang pagawa nila sa’yo.

Lahat ng art materials mo, nagkakahalaga ng ginto. Hindi dapat na nagsasayang lalo na’t kung mahirap itong mapalitan dahil wala kang pambili. Nakakahiyang manghingi nang manghingi sa magulang, lalo na’t alam mong hindi sila sang-ayon sa kinuha mong propesiyon. Lahat dapat harapin mo ng mag-isa.

Kaya paano mo maliligtas ang sarili ng mag-isa? Paano??

Dumilat siya at tiningnan ang sarili sa salamin, basa ang buhok niyang kulot na hanggang leeg na ang haba. Ang tumubo niyang balbas at bigote ay kitang-kita lalo na ang kaniyang matang puyat sa ilang araw na pag-iisip. ‘Di na niya kilala ang sarili. Tiningnan niya ang blade. Matalas na matalas pa iyon, bagong bago lang, nakita niya sa pinakasulok ng cabinet niya. Hindi din niya alam kung bakit nandoon iyon. Na para bang matagal na itong naghihintay sa kaniya.

Madalas maraming tumatakbo sa isip niya, walang araw na hindi napapagod sa pag-jogging ang mga bagay-bagay sa isipan niya. Ngunit ngayon, wala na. Time out na muna.

Isang tanong na lang ang nasa isip niya ngayon.

Saan nga ba siya dadalhin ng sining?

Sinubukan niyang maghalungkat ng tamang sagot, inspirasiyon, motibasiyon, rason. Ngunit sa tagal-tagal niyang gumuguhit, nagpipinta, nagkukulay, binibigyang buhay ang dati ay wala lang sa mata ng iba. Nabuhos na niya lahat ng pwedeng ibigay sa kaniyang mga obra. Hindi niya pa rin nakikita ang dahilan kung bakit nga ba niya nagagawang magbigay buhay sa kaniyang mga likha ngunit hindi niya makita ang dahilan niya ngayon para mabuhay pa.

Unti-unti niyang inilapit ang blade sa kaniyang pulso kitang-kita niya ang ugat na lumalakad sa kaniyang kamay. At doon unti-unti niyang ibinaon ang matulis na bagay at wala pang isang segundo ay tumulo na ang dugo mula dito.

Dali-dali niyang kinuha ang garapon sa gilid ng lababo at doon inipon ang dugong pumapatak sa kaniyang pulso. At kahit nanghihina dahil sa sakit at hapdi ng sugat, lumabas siya ng banyo at kinuha ang kahuli-hulihan niyang canvas.

At doon, sa huling pagkakataon ay nagpinta siya gamit ang kaniyang dugo. Ibinuhos niya ang kaniyang isip at puso, hininga at kaluluwa. At habang unti-unting nabubuhay ang kaniyang obra ay unti-unti din siyang nauubos.

At dito nagtapos ang lahat. Ngunit dito nagsimula ang kaniyang pagsikat.

Samu’t saring mga tao ang pumupunta sa kaniyang kwarto, namamangha sa kaniyang mga obrang gawa. Bawat sining ay may kaniya-kaniya silang kwentong iniimbento sa kung bakit niya ginawa ang pinta na ito, ano ang tumatakbo sa kaniyang isip, at kung gaano kahanga-hanga ang kaniyang mga likha. At wala na siyang magawa kun’di tingnan ang mga tao na ‘di nagkamayaw sa papuri sa kaniyang mga gawa at pagaagawan mabili lamang ang bawat isa nito.

Tumulo ang luha sa kaniyang mga mata.
Ganito ang pagsikat sa sining. Kailangan mong mamatay, para mabuhay sa mundo ang iyong gawa.