Rochel Ellen Bernido

Pagkagaling sa lamay, nakasanayan na namin ang mag-‘pagpag’ bago dumiretso pauwi. Kung manggagaling ka sa columbarium sa Araneta, Quezon City, sa malamang ay hihinto muna kayo ng pamilya mo sa Jollibee Philcoa. O kung sa bandang Fairview naman ang uwi ninyo, baka sa Mcdo – sa harap ng Ever Gotesco – naman kayo huminto. Basta, ang esensya, hindi puwedeng dumiretso sa pag-uwi ng bahay ang isang galing sa lamay.

“E, bakit pa nating kailangang magpagpag?” ‘ka ko noon sa nanay ko sa tuwing manggagaling kami sa patay.

“Para hindi tayo sundan ng masasamang espirito pauwi,” simpleng paliwag niya.

Ngayong matanda na ako at may muwang sa kapasidad ng siyensiya, naniniwala pa rin ako sa pagpag. Nakabuntot pa rin sa isipan ko ang pangangailangang sumuot sa iba’t ibang eskinita o huminto muna sa kung saanmang may liwanag pa ng ilaw sa tuwing manggagaling sa lamay.

Dahil minsan, hindi multo ang nakasunod sa ‘yo pag-uwi mo kun’di taong may tsapa’t may suksok ang bulsa.

Oo nga pala, bawal ang pula sa lamay.

Hindi ito Chinese New Year at mas lalong hindi okasyon ng pagsasaya, paalala ‘yan ng mga aburidong matatanda sa amin noon. Kung magsusuot ka ng pulang t-shirt o bestida sa lamay, para kang luka-lokang kontrabida sa isang lumang Tagalog film na sinadyang puntahan ang pinaglalamayan niyang kaaway na buhay naman talaga sa ending.

Pero sa lamay na sinadya naming magkakaibigan ilang gabi bago mag-Marso 2022, walang tumaas ang kilay sa pula.

Walang nagbibiro, nagpapatawa, o gustong manadya pero marami sa mga bisita ang nakapula.

“Gabi po ito ng pagdiriwang ng buhay,” aniya ng isang humaliling tagapagsalita. “Ngayong gabi ay magkakaroon po tayo ng Grand Pakain. Bilin na bilin po sa ‘min ‘yan [ng namayapa].”

Ang isang alaala ko noon kay kuya ay noong kumain kami ng McDo Chicken Fillet. Halos magdamag at gabi-gabi niya kaming pinagtitiyagaang kausapin, pakisamahan, at i-train magsalita ng iba ko pang kasama para sa kampanya.

“O, basta, ‘wag niyo nang masyadong isipin kung mananalo o hindi. Alalahanin niyo ‘yung goal natin: maipaalam sa kanila ang mga issue sa loob at labas ng campus,” ganyan ang mga linyahan niya sa tuwing nanlulumo kami sa grupo.

Malumanay lang siya magsalita, hindi bumubulyaw katulad ng mga iba ko nang mas matandang nakasalamuha. Alam niya kung paano kami aluin at kausapin. Kaya, isang gabi, ginamit ko ang P100 kong allowance na nakalaan sa isang araw at iba pang perang naisuksok sa bag para bilhan kami ng McDo Chicken Fillet.

E, kaso nalaglag.

Wala na akong pera at baka batuk-batukan ako ng kahera kapag ibinalik ko pa ang nalaglag na manok. Ang ending, pinagpag, hinipan, at pinagpalit ko na lang ang Chicken Fillet naming dalawa. “Wala pa namang 5 seconds,” ‘ka ko na lang sa sarili para hindi masyadong manghinayang.

Noong gabi ng lamay, kami naman ang binusog niya.

Give kung give hangga’t makakaya ang mga handa sa lamesa. May Dunkin Donuts, may ilang bilao ng palabok, may kaldero ng lugaw, may Red Ribbon dedication cake, may nagdala ng Popeyes, may nagdala rin ng KFC, at may McDo Fries.

“Hoy, bakla! Palabok or lugaw lang daw, hindi both,” okray sa akin ng isang kasamang kaibigan.

“Beh, iba ang rinig kong sabi nung MC,” depensa ko. “Pwede raw mag-dalawang trip basta lugaw ang pangalawang take mo!”

Pero labas pa sa tawanan, sa hagikgikan, at sa kuwentuhan ng mga dating magkakasama, dating magkakaibigan, at iba pang magkakilala na ngayon lang nagkita matapos ang limang taon ng patuloy na pagkilos sa organisasyon ng mga tao, pagtatrabaho sa BPO ng iba, at pagbabalik sa eskwelahan ng iilan, saksi kaming lahat sa gabing iyon kung paano naging mahusay at dakilang tao si kuya.

Halos anim na taon na ang nakakalipas, dapang-dapa ang morale namin kung tama pa ba ang pinaggagawa namin sa pagdada tungkol sa mga isyu sa isang pribadong paaralan. Isyu sa pagpapahinto o pagtutuloy ng pagkakaroon ng K-12 (na napatunayan na natin ngayon bilang palpak), isyu sa lupain ng mga Lumad (na patuloy pa ring isyu sa kasalukuyan), at isyu sa tuition fee and other school fees (na problema hanggang sa kasalukuyang online ang mga klase). Baka mapahamak pa nga kami, sabi ng iba. May mga nagsasabi pa ngang rekruter daw ang labas namin niyan.

Ang naging sagot niya, nasa ganitong mga linya: “sinong nagsabing org ang rekruter ng mga rebelde? Estado ang pinakamalaking rekruter! Walang mamumundok kung walang nagugutom. Tandaan niyo, sabi nga, walang mali sa paglaban, may mali kaya may lumalaban.”