Khristian Ross P. Pimentel

Habang nakasakay ako sa tricycle pauwi, saka ko naisip kabahan. Nakalimutan ko na ata ang pakiramdam ng kabahan. Parang ilang buwan at araw na rin na nakikiayon sa akin ang tadhana. Pero para akong sinampal ng katotohanan kasabay ng lamig ng hangin na humahampas sa mukha ko. Uso pa pala ang kaba. 

Ooperahan ulit ang anak ko na si Katniss na isang taon pa lang. Sinabi sa amin ng doktor pagkatapos ng isang buwan mula noong una siyang operahan sa mata na kailangan siyang operahan ulit. Para akong binuhusan ng kumukulong tubig. Siguro malamig. O siguro sabay sa akin binuhos. At wala akong magawa kundi damahin ang sampal ng tadhana. Hindi rin kaya biro ang pinagdaanan namin noong nakaraang taon. 

Papunta ako ng PhilHealth para ipalipat ang dependence ng anak ko sa PhilHealth ko. Nakakapagod din sa utak mag-asikaso. Ganito ba talaga kung may family emergency na kayo, dadagdaganan pa ng onting abala. Hindi kaya mapapadali ang ganitong Sistema? Yung isang click mo lang ayos na. Wala siguro talagang ganun sa Pilipinas. Kailangan pahirapan ka muna. Dapat dumaan ka muna sa butas ng karayom.  Kailangan hanapin ang xerox ng ID, birth certificate, at kung anu-ano pa. Mga bagay na di ko naman inaasikaso. Si Mama kasi ang laging naglalakad ng mga papeles ko noon. Aabutan ko na lang ng pambayad, pamasahe, at pangmeryenda. Yung tira kickback niya na. Si Mama ang literal na fixer. Nakakas-stress ng slight yung babiyahe ka, iisipin mo pa yung pila, at yung titignan ako mula ulo hanggang paa ng teller at huhusgahan ako depende sa mood niya sumasakit na yung batok ko. Marami pa namang masusungit sa mga opisina ng gobyerno. Puno ako ng kaba kahit medyo nasanay na ako ng kaunti. 

Para hindi ako pabalik-balik, pinalista ko at kinulit ko ang asawa ko para sa mga kailangan. Letter mula sa asawa na pinapayagan ang paglipat ng dependent, photocopy ng birth certificate, at ang mahiwagang form. Iyon ang sabi ng kaibigan ng asawa ko na nagtatrabaho sa PhilHealth. Dahil duda ako, nagdala ako ng mga photocopy ng IDs at pati marriage certificate namin. Sana nga puwedeng siya na ang magasikaso pero nakakahiya naman. Sana puwede yung ganoon. Umasa pa ako na puwede naming lakarin online kaso mahalaga ang oras kaya pumunta na ako. 

Kasagsagan sa pagtaas ng kaso ng COVID dahil sa Omicron. Nakakatakot din maglakad ngayon kasi pandemya. Yung parang kaaway mo lahat ng makakasabay mo sa jeep. Nagspecial na ako sa tricycle pero nagjeep pa rin ako. Ako lang naman. Hindi naman ako makapagtaxi o grab dahil maghigit 100,000 pesos  na naman ang siguradong gagastusin namin sa ospital na hindi ko alam kung saang kamay ng Diyos ko kukunin. Totoo nga yung expresyon. Mas naintindihan ko na. Oo nga naman, kahit paulit-ulit kong compute-in ang pera namin, hindi pa rin siya aabot ng 100,000 pesos. Hindi pa. Siguro isa ang PhilHealth sa magiging kamay ng Diyos. Diyos ko po!  Iniwas ko na lang ang sarili ko sa mga umuubo. Parang lahat ng makasabay ko sa biyahe ng jeep may COVID. Mahirap na. Bawal mahawa lalo na sa pnahon ngayon. Pagdating ko ng PhilHealth, ihing-ihi na ako kaso ang haba ng pila kaya dumiretso ako agad sa guard. Pagdating ko kay Manong, muntik na akong maihi. May form siya na iniabot sa akin na kailangang pirmahan pa ng asawa ko. Nagmamadali nga kami. Sayang ang pamasahe, sayang ang panahon kung babalik pa ako. Umuihi muha ako sa CR para makapag-isip. Dos ang bayad sa CR para sa pag-ihi. Kahit sa ganito, may bayad? Nagbayad na rin ako kesa magbayad ako ng pampaopera ng kidney kapag nagkasakit ako sa bato. Mas mahal pa iyon sa dos! Ito yung panahon na magbabayad ka talaga makai-hi lang at para na rin makapag-isip nang tama. 

Tinawagan ko si Cathy. Pinapili ko siya kung babalik na lang ako kasi pipirmahan pa niya yung form ko o yung naisip ko. Naisip ko na ipirma na lang siya total alam naman naming mag-asawa na desisyon naming ilipat ang dependence mula sa PhilHealth niya sa PhilHealth ko. Hindi rin naman labag sa loob niya, pinilit, o ginamitan ng dahas. Nagsulat nga siya ng letter di ba, kaso ang saklap form pala ang kailangan. Doon ko napagtanto na unang pagkakataon ko pala siyang ipipirma. Nakikita ko naman ang pirma niya palagi kaso hindi ko ito masyadong pinapansin o tinititigan. Ngayon lang. Pinasend ko na lang sa kaniya ang mas malaking version. 

Ang sunod na problema ko, wala akong scratch. Puros dokumento ang laman ng bag ko. Inisip ko ang mahal ng xerox kung gagawin kong scratch yung ibang papel na siguro ay hindi naman namin kailangan. Kaso saan naman ako pipirma ng pirma ng asawa ko? Bahala na. Prinaktis ko na lang sa hangin ng dalawang beses. Kung may pagkakataong nagpamalas ako ng kakaibang tapang, isa ito sa mga pagkakataong iyon. Nilapat ko na ang ballpen ko sa form. Pagkatapos kong turuan ang kamay ko, tinignan ko ang obra ko. Hindi ko nakuha ng eksakto. May mali pero puwede na rin ito. Bahala na. Tignan na lang kung lulusot. Siyempre, huwag naman sana akong makulong. 

Ang gusto ko sa PhilHealth sa branch na ito, mahaba man ang pila pero mabilis umandar. Sana sa lahat di ba? Ilang minuto lang nasa loob na ako. Mabilis din akong kinabahan. Yung pakiramdam na nag-jogging ka sa academic oval tapos hinahabol ka ng mga leon. Hindi ko pa nararanasan iyon, pero tingin ko ganoon ang pakiramdam. Pero wala rin namang leon sa oval. Dasal agad ako, “Sana po tanggapin po. Sana maayos agad.”

Nung turn ko na, nag-good afternoon ako. Style ko yun. Kapag gusto mo na umayon sa iyo ang kausap mo, dapat maging mabait ka. Yung tipong kapatid ka ng mga anghel. Yung hindi ka mapagkakamalang demonyo para umayon ang langit sa iyo. Kunwari close kami kung maikpag-usap ako sa kanya at habang tintignan niya ang form, alam niya ang nilalaman. Tinanong lang naman niya ako kung nasa ospital pa si Katniss. 

Ang sabi ko, “wala naman. Wala pa.”

“Na-confine ba siya o naoperahan?” tanong niya ulit.

“Noong 2020,” tugon ko. “July 2020.”

Pasok naman. Tiannggap niya ang pinasa kong papel. At may inabot sa akin.

“Ihuhulog na lang namin ito sa drop box, Sir,” paliwanag niya. Balik ka na lang after 3 days o i-check mo ito online. Puwede kang magprint ng sarili mong kopya.”

Tuwang-tuwa ako nang mga oras na iyon. Pakiramdam ko tapos na ang operasyon. Ang saya-saya ng pakiramdam. Yung takot na takot ka pero bilang nasagot ang mga panalangin mo. Iniisip ko tuloy. Ako lang ba ang gumawa ng ganoon o may iba pa?

Hindi ko sigurado. Nagmadali akong ihakbang ang mga paa ko pauwi dahil may dalawang final papers pa pala akong tatapusin bago ang operasyon.