Lance Romulus Dayrit

Noon ko lamang lubos na naunawaan ang kahulugan ng namugad na hilahil at dahambâng

ayaw nang lumisan sapagkat

natuto ng mamahay sa pamilyar na buntonghininga ng distritong hindi natutulog pagsapit ng dilim.

Ayaw mamaalam sapagkat nasanay ng mamuhay katuwang ang hilik at halak ng makipot na eskinita sa lungsod na lulong sa imbing pangako

ng matatayog na mga gusali’t pangarap.

Nagpupumilit na manatili sapagkat

namihasang mamalagi sa marupok na kantong lango sa paglagok ng nakalalasong sapantaha at pag-asa.

Taimtim na nakatanghod ang marusing mong mukha sa aking hubo’t hubad na pagkatao habang

ika’y aking masuyong tinitingala

tulad ng isang birheng mangingibig —

walang muwang na naniniwalang dalisay ang bawat binibitawang halik; na busilak ang bawat pagtatagpo ng mga palad;

at sukdulang dakila ang maging martir

sa ngalan ng walang kahulilip na pagliyag.

Musmos ako na inosenteng nakamasid sa paparating na sigwang

mababakas sa makulimlim na laot ng iyong langit.

Mula sa itaas ng walang-imik na estante, inip kang nakatunghay sa iyong paanan habang sinserong hihintay

ang banayad na paglipas ng oras.

Sabik na nag-aabang kung kailan muling dadalawin at gagambalain ng munting mga gagambang maghahabi ng sapot na magsisilbing saplot

ng iyong inaagiw na pag-iral at limot na presensya.

Masusi mong minamatyagan ang pagparoon at pagparito

kapwa ng iyong mga kakilala at kinikilalang mga estrangherong sumasakop sa espasyo na minsan mo ring inangkin.

Walang pag-iimbot mo itong ginagawa araw-araw.

Hindi ka makakilos. Hindi ka makapagsalita.

Nasanay ka na sigurong makipamuhay at makisama kapiling ang mga pinong alikabok na pihadong nakikisalo sa sanlaksa mong luksa, luha, lunggati, at paninibugho tuwing pinagmamasdan mo ako

sa aking pinakaiingatan, pinakamaseselan, at pinakabulnerableng mga sandali.

Subalit, kahit sila ay iyong kaniig

kailanman ay hindi mo sila tinuring na kaibigan.

Walang duda, batid mo ang aking mga pinakatatagong lihim.

Ang aking pinakamalalim na mga sumpa.

Ang aking pinakamababaw na mga ligaya.

Hindi ko kailanman maikukubli sa’yong paningin ang hulagway ng aking pagkakakilanlan;

ang pilat ng aking sinuong na mga digmaan; ang hulma at hugis ng aking

mga agam-agam.

Akala ko noon, hindi ka marunong makiramdam. Manhid na saksi ng aking kapos na kapalaran.

Ngunit tuwing marahas na bumubuhos ang ulan sa aming pinabayaang barong-barong

ay hindi mo maampat

ang malayang pagtulo ng mala-butil na mga patak ng iyong kinikimkim na kirot

na tumatagas mula sa iyong sugatang dibdib

at marahang bumabalong sa nangingitatang sahig na lumilikha ng kilapsaw

sa pusod ng aking naluluoy na puso.

Nasabi ko ngayon, sa araw at oras na iyon,

“Marunong ka palang tumangis.

Marunong ka palang masaktan.

Marahil, baka, siguro, sana. Sana nga — nauunawaan

mo rin ako.”

Photo credit: Sahara Reporters