Ivy Catherine Legaspi

“Sino ang gustong unang magpakilala?” sabik na tanong ng aming propesor, na bagama’t nag-iisa siyang naka-on ang camera sa Zoom meeting namin, ay tila ipinagyayabang pa rin ang kanyang mapuputing ngipin at mga matang marunong ding ngumiti.

Isa, katahimikan…dug-dug

Dalawa, isinara na ng aming propesor ang kanyang mic para makapagpokus ang lahat sa magpapakilala…ano na? dug-dug

Tatlo, nanlalamig na ang aking mga kamay at paa…dug-dug-dug-dug Apat, parang gusto ko ng mag-cr…dug-dug-dug-dug-dug-dug

Lima, hindi ko na alam kung ilang kabayo ang nagkakarerahan sa dibdib ko…dug-dug-dug-dug- dug-dug-dug-dug

Anim, nagulat ako sa pulang likidong bumakat sa dilaw kong panyo nang ipahid ko ito sa aking tuyo’t nagbabalat na labì…dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug

Wala pa ring gustong mag-volunteer? Nakakahiya, baká isipin ni Ma’am walang nakikinig sa kanya. Ako na lang kaya? Hala, ‘wag na lang, hintayin ko na lang na tawagin ako.

Pito, walo, siyam…

Mic on

“Ma’am, ako na lang po,” kunwaring masiglang sabi ko habang itinatago ang nginig ng aking boses.

Pakiramdam ko, kapag umabot sa ika-sampung segundo itong katahimikan at paghihintay, mahihimatay na ako sa kaba at sobrang pag-iisip.

“Okay, go ahead,” tila napanatag na sagot ng aming propesor.

“Puwede mo ring i-on ang camera mo, ‘nak,” pahabol niya.

Wala akong ibang nagawa kundi ang humugot ng malalim na buntong hininga habang binubuksan ang aking camera at mikropono.

Ngiti, Ivy.

Nagbukas na ang aking camera.

Pangalan. Kurso. Hobby. Expectation. Pangarap.

“Good morning po. Ako po si Ivy. Ang course ko po ay BA Psychology. Hobby ko naman po ang magsulat ng tula. Ini-expect ko po na magiging challenging itong course na ‘to pero siyempre, maraming bagong matututuhan. Sa career naman po, gusto kong mag-HR. Yun lang po.

Salamat.”

Camera off. Mic muted. Tapos na.

Uminit bigla ang pakiramdam ko. Parang napagtagumpayan ko ang pinakamalaking hámon ng buhay ko. Ngayon ko lang din naramdaman ‘yong hapdi ng labì kong kanina ko pang binabalatan, ‘yong butil ng páwis na nag-uunahang tumulo sa muka ko, at ‘yong init ng silyang plastik na kinauupuan ko.

Ang pangit ng introduction ko, d’yos ko.

Okay lang ‘yan, Ivy. At least tapos ka na. Nakapagpakilala ka na.

At tuluyan nang lumipad ang isip ko.

Tapos na ang tipikal na pakilala. Pakilala sa sarili na nakadepende sa kung paano mo gustong makita ng iba, hindi sa kung sino ka talaga. Pakilala sa sariling hindi mo na rin kilala.

Hindi ko alam kung hanggang kailan nila maaalala ‘yong mga sinabi ko. Pero okay lang.

Gano’n naman talaga, ‘di ba? At gano’n din naman ako.

Pero gusto ko ulit magpakilala. ‘Yong wala ng pag-aalinlangan. Sa panahong wala na sana ‘tong pandemya na hindi ko na rin namalayan kung sa paanong paraan ako binago.

Sa panahong normal na ang lahat, na kilala ko na ulit ang sarili ko, na may tiwala na ulit ako sa sarili ko. Kung kailan man iyon, gusto kong ipakilala ang sarili ko nang ganito…

Magandang araw. Ako po si Ivy Catherine Legaspi. Ivy na lang for short. Ang course ko

ay BA Psychology. Hilig ko naman ang sumulat ng tula at maiikling kuwento. Pangarap?

Walang kasiguruhan. Pero mahilig ako sa mga bata, natutuwa akong makihalo-bilo sa kanila.

Gusto ko ring sumulat at makapaglimbag ng libro. Gusto ko ring makinig, umunawa, at kung

maaari, ay makapagbigay ng payo sa iba gamit ang natutuhan ko sa Sikolohiya.

Tapos po…ewan…’di ko na alam.

Akala ko, kahit sa imahinasyon man lang, maipakikilala ko ulit nang maayos ang sarili ko. Pero kahit doon, walang pinatunguhan.

Binura ko sa isipan ang inaasam na pagpapakilala.

Ibinalik ko na lamang ang aking atensyon sa aming meeting. “Ivy? Nandyan ka pa?” nagtatakang tanong ng aming propesor.

Ha?

Hindi ko pa pala nabubuksan ang aking camera. May isang pagkakataon pa ng pagpapakila.

Malayo sa hinihiling kong sitwasyon—may pandemya pa rin. Kabado’t nag-aalinlangan pa rin. Pero, ito ang reyalidad. Ito na ang normal na ‘di matatakasan. Ito na ‘yong ako na tanging maipakikilala ko.

Kaya yan, Ivy. Pakilala na…ulit.