Jose Mario De Vega

Kasabay ng pagtuturo bilang Kontraktuwal na Instruktor ay kumukuha din ako ng aking Doktorado sa UP. Napakahirap pagsabayin ng dalawang larangan at digmaang ito, bukod pa dito ang iba ko pang obligasyon bilang rebolusyonaryo, pilosopo, manunulat at tungkulin din bilang isang p(k)adre de familia.

Huling yugto ng 2018 ay na-red tagged ako sa aking pinagtuturuan, kung kaya naman tunay na naging mahigpit at struggle talaga para sa amin ang buong taon ng 2019. Kung mahirap na ang 2019, ‘yon pala ay “training” at dress rehearsal pa lamang ito ng mas matinding pagsubok at hirap na aming susuungin ng aking mag-anak sa 2020.

Abril ng nasabing taon ay nilayasan ko ang napaka di-makatao at nuknukang satanistang administrasyon ng unibersidad daw sa Sta. Mesa. Mga hayop na ‘yon, pasimula ng pandemya ay pinapagawa kaming mga contractual part-timers ng mga modules at teaching materials na walang bayad. Bukod doon ay ni hindi man lamang kami binigyan ng anumang tulong o ayuda, kahit na bulok na sardinas, isang kilong bigas ni tungaw na piso!

Katwiran ng mga gago: wala daw kaming employer-employee relationship. Sa isip-isip ko, bloody hell! Kung hindi pala nila kami manggagawa, eh kanino kaming manggagawa?

Gayundin, kung hindi pala nila kami manggagawa, eh bakit nila kami pinagagawa ng mga TY na kaputahang modules at lintik na teaching materials?

Walong buwan ng 2020 ay wala akong trabaho. Dumanas ako ng samu’t-saring pangamba, hilahil, takot, depresyon at masidhing agam-agam; hindi pa para sa akin, kundi para sa kalalagayan ng aking mag-anak!

Nakalulungkot mang sabihin, ngunit ang masakit na katotohanan, wala ding naitulong ang Pey Ups sa amin. Palagi silang nagpapadala ng kalatas hinggil sa mga scholarship at financial assistance, ngunit hindi naman kami kasama ritong mga nag-PPhD. Kasalanan ko ba kung PhD level na ako? Hindi ba’t mag-aaral din naman ako? Hindi ba’t kailangan ko din ng tulong ni Sintang Paaralan?  

Ibig kong magpasalamat sa lahat ng mga kasama, kaibigan, mga kapatid, mga mag-aaral (noon at ngayon, sa loob at labas ng bansa) at sa lahat ng mga kapanalig na dumamay, tumangkilik at sumuporta sa amin sa napakahigpit at madilim na yugtong yaon ng aming buhay. Mabuhay po kayong lahat, mga minamahal.

Oktubre, 2020 ay natanggap ako sa isang unibersidad sa Maynila. Iniligtas kami ng aking trabaho roon hanggang Mayo ng 2021. Akala ko noon ay magiging mabuti na ang lahat, pero sa di kawasa ay napalitan ang aming mabuting Tagapangulo ng isang nilalang na walang dangal. Illegal ang ginawang pagtanggal sa akin (dalawang araw bago magsimula ang pasukan ng Agosto) ng impakta na yaon. Kaya naman sumulat ako sa pamunuan ng nasabing paaralan at dahil sa hindi sila tumutugon sa aking hinaing ay napilitan akong magsampa ng kasong Illegal Dismissal sa Tanggapan ng NLRC. Naka-pending ang kaso hanggang ngayon.

Ang buong buwan ng Agosto ay batbat ng pangamba. Ngunit, katulad noong Oktubre ng 2020, parang himala, sapagkat isang umaga, isang dalisay na kaibigan ang nag-refer sa akin ng trabaho sa isang pamantasan sa Mendiola. Muli, iniligtas ng trabaho ko doon kaming mag-anak mula Setyembre 2021 hanggang itong buwan na ito ng Pebrero, 2022. Ngunit tulad ng aking inaasahan, gawa ng kakaunti lamang ang teaching loads na available itong parating na bagong semestre ay sinabihan ako ng aming butihing Tagapangulo na wala siyang maibibigay sa aming mga part-timers. Ibig sabihin ay wala na naman akong trabaho!

Kahit pa “naiintindihan” ko ito, napakasakit pa rin nito para sa akin, sapagkat doon lamang kami kumukuha ng kabuhayan ng aking mag-anak. Hirap na hirap na din talaga ako sa aking kalalagayan. Every sem na lamang ay kailangan kong maghanap ng trabaho. Pagod na pagod na ako sa hindot na sistemang ito! Palagi kong sinasabi: #Maypagasa, padayon lang. Pero, paano ko pa itutuloy ang laban at pakikibaka kung ganito palagi ang aming desperadong katatayuan?

Iniisip ko, hindi kaya panahon nang lisanin ko na (muli) ang bayang ito? Isang punyetang lipunan na hindi kayang tanggapin ni i-tolerate o sikmurain ang isang isinumpang radikal na palasip na gaya ko! What a shame!Tatakbo na ba ako sa Kabul airport o magtutungo sa kabundukan ng Sierra Madre?