Vincent John Racoma

“Thank you sir.” Pindot sa ‘Leave Meeting’. Tanggal sa suot na puting uniporme. Balik sa higaan. Tulog muna ng tatlumpung minuto. Pero hindi umaabot sa isang oras. Maraming kailangang gawin.

Hindi rin nakakatulog agad. Napapaisip pa kung kumusta ang klase kanina. Salamat sa Google at nakasagot nang tama kay prof. Kapag nagtatanong at walang nakakasagot agad, “sige i-google niyo muna.” Pero minsan, hindi nakukuha sa mabilisang paghahanap sa internet. May mga katanungan na nangangailangan ng kritikal na pag-iisip. At kung hindi mabilis ang utak, gagamitin ang intro na  “Doc, I’m not sure po pero…” 

Maraming bersiyon ‘yan sa aking mga kaklase. Try ko lang po… Doc, is it possible… Sir, tama po ba na… Pwede ring gamitin ang post-COVID brain fog na rason kung wala na talagang maisasagot. Sabi ng isa naming propesor, bakit daw tuwing sumasagot kami, parang hindi kami sigurado at walang kumpyansa. Naranasan na raw niyang magturo sa mga estudyante ng Harvard at ganoon din ang kaniyang naging obserbasyon. Napangiti kami. Pwede na palang pang-Harvard?

‘Yung uniporme ko, isang beses sa isang linggo lang siguro nalalabhan kahit halos araw-araw ko siyang suot. Okay lang naman sa akin kasi pinapatong ko lang naman sa pambahay na pang-itaas habang naka-shorts lang sa ibaba. Hindi pa naman siya nangangamoy. Siguro maalikabok pero mukha pa namang malinis. Buti kasya pa kasi hindi ko na naisasara ang butones ng ilan sa mga pantalon ko (ilang lakad lang ba naman ang kusina mula sa aking study table). Ang uniporme na iyon ang ginagamit ko lang sa apat na pares na mayroon ako na magdadalawang taon na rin palang nakatiklop lang sa aparador. Sana madaling matanggal ‘yung amoy ng mothballs kapag gagamitin ko na ulit sila. Bakit ba kasi uso pa rin sa nanay ko ang mothballs?

Siyanga pala, naphthalene ang pangunahing kemikal sa mothballs. Bawal iyan sa mga may sakit na G6PD-deficiency dahil pwede itong maging sanhi ng pagkasira ng RBC at tuluyang magdulot ng anemia. May naaalala pa pala ako sa hematology kahit mahigit isang taon nang tapos ‘yung klase. Madalas kasi, nakakalimutan din agad ang mga pinag-aralan kapag tapos na ang exam.

Kaya tuwing may exam, lumalabas ang joke naming magkaklase – ang paglalagay ng libro at mga reviewer sa unan bago matulog. Umaasa na magkakaroon ng diffusion ang mga impormasyon at para hindi makalimutan ang mga inaral. Sa totoo lang, tinuro iyan ng nanay ko sa akin noong bata ko. Ginagawa ko siya tuwing sasali ako sa mga kompetisyon noong elementarya tulad ng science quiz bee at spelling bee. Baka nga epektibo sa akin ang tinuro niyang teknik kasi madalas kami umaakyat noon sa stage. (Siyempe, hindi ko na ito ginagawa ngayon.)

Ngayong nandito ako sa bahay at wala sa dorm, akala ata ng nanay ko nakabakasyon lang ako. Wala namang problema sa paggawa ng mga gawaing-bahay. Sa tamang oras. Pero totoo naman din na mas una ang pagiging anak ko kaysa pagiging estudyante. Dito sa bahay, kailangan sa alas-singko ng hapon nagtatapos ang pagiging estudyante ko. 

Kailangan nang maghanda para sa susunod na klase. Pero hindi ko maiwanan ‘yung amoy ng bagong palit na punda. Nakaka-relax. Madalas akong magpalit ng punda ng unan kasi umiiwas ako sa alikabok o dumi na pwedeng dumikit sa mukha ko. Hindi ko rin alam kung bakit simula noong sa bahay na ako nag-aaral, tinutubuan na ako ng taghiyawat. Nako, parang bumalik ulit ako sa pagbibinata. 

Naipakita ko na itong unan ko sa mga kagrupo ko sa isa naming online activity. Tungkol ito sa tamang posisyon ng pagdinig ng heart sounds. Itong unan ang naging pasyente ko. May nakadikit lang na chest cage na gabay kung saan itatapat ang stethoscope. Sa maliit na bahagi ko sa screen ng kompyuter ng aking propesor, umaasa na lang ako na nakita niya nang maayos ‘yung ginawa ko.

Lub dub. Lub dub. “Hanggang kailan pa kaya ito?”

Hindi talaga nagtatagal ang pagtulog sa mga ganitong pagkakataon. Sa pagtitig sa kisame nasasayang ang oras. Ilang butiki na nga ba ang dumaan?