Hinihikayat ng DILG ang paggamit ng wikang Filipino sa mga opisyal na komunikasyon at korespondensiya, kung kaya ipinalabas ang Memorandum Sirkular Blg 2022-041, para sa layunin ng pagkakaisa at kapayapaan tungo sa pambansang kaunlaran. Pagtalima ito sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335, Serye 1988 na nag-aatas sa mga ahensiya ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino bílang opisyal na wika ng komunikasyon at korespondensiya sa serbisyo publiko.
Kaugnay nito, nagkakaloob ng libreng webinar at mga pagsasanay ang Komisyon sa Wikang Filipino para sa gawaing ito. Sa mga interesadong ahensiya at LGU, sumulat lamang sa KWF upang makapagtakda ng petsa at oryentasyon sa pagsasagawa ng webinar. Maaari ding mag-email sa [email protected] o tumawag sa numerong 09206512590.###