ni Khristian Ross Pimentel

Gabi pa lang, napagkasunduan na naming mag-asawa na gigising kami nang maaga para mura ang bayaran namin sa Grab pauwi ng Antipolo mula sa tinutuluyan namin sa Marikina. Kinabukasan, tanghali kami nagising. At nag-aya pang magpunta sa parke ang lintek. Dahil mabait akong asawa, nagpaubaya na lang ako. Pumunta kami. Minsan lang din naman kami maglakad-lakad sa mapunong lugar. 

Pagdating sa bahay, hindi ko nakitaan ng pagmamadali ang asawa ko kaya sinabihan ko siya na bilisan naman niya. Bigla kong nakita ang histura ng nabuhay sa ikalawang digmaang pandaigdig. Nanlisik ang tingin niya sa akin na ang ibig sabihin ay huwag na akong magsalita. Iyon naman ang ginawa ko. Kapag nasa ganitong pagkakataon, mas mainam ang manahimik. Kapag sinabayan mo, baka mahati ang lupa o bumagsak ang kisame. 

“Kung bilisan mo kaya mag-impake,” ang sinabi niya sa akin. Aba! Hindi na nga ako nagsalita may sasabihin pa. Sinabihan niya na ako na mag-book na sa Grab. Ayoko naman mag-book nang hindi pa ako ayos. Nakakahiya naman kung dadating yung drayber na ‘di pa kami handang umalis. Sa madaling sabi, tinapos ko mag-impake bago ako nag-book. Ang masaklap ay wala akong makuhang sasakyan. Minsan ganoon talaga ‘no. Kapag nagmamadali tayo, saka tayo pahihirapan ng mga bagay na kadalasan ay mabilis naman. Lumabas pa ako para mag-book baka kasi sa signal. Ang problema ay halos kalahating oras na ako sa cellphone ko at kung nilakad na namin baka nakauwi na kami sa Antipolo. Parang lumalabas na ang diyablo. 

Mabuti’t nakapara ako ng taxi at nagpahatid sa tinutuluyan namin. Tinawag ko ang asawa ko na kanina pa nakasimangot. Kampon ata ito ni Belia Flores o alagad ni Odette Khan. Ah basta yung hitsura na hindi mo kakalabanin.

Sumakay kami sa taxi nang walang imikan sa isa’t isa. Kinandong ko si Beybi, pero maya-maya ay umiyak agad kaya ibinalik ko rin sa kaniya. Aaluhin ko rin sana siya pero ayaw magpalambing. Wala rin akong ganang manuyo. Aba! Naiinis din kaya ako. Sino ba ang sumira sa plano? Sino ba ang nagsabing gumising nang tanghali at pumunta pa sa parke? Matinde! Mabuti’t mabilis naman ang biyahe. 

Pagdating sa Francia, pinatigil ang taxi. Alam ko na ‘to. At nang huminto ang sasakyan, saka ko nakumpirma na tama ang hinala ko. Pero hindi pala. Mas masahol pa sa iniisip ko. 

Araw ng panghuhuli ng LTO, LFTFRB, at kung ano pang ahensiya na nagsanib-puwersa ang may operasyon sa labas. Noong una, hindi ko alam ang paglabag. Hindi naman kasi kami nahuli sa buong 2 taon ng pandemya. Kung hindi Grab ang sasakyan namin, taxi. Hindi kami mayaman. Wala nga kaming sariling sasakyan, pero kung may pinakamurang ligtas na sasakyan na puwede naming gamitin—doon na kami sa taxi o Grab. Ayun pala, nagkamali si Kuya Drayber. Kolorum daw maituturing ang pagpasok niya sa Antipolo na hindi parte ng Metro Manila na nakalagay sa prangkisa niya. Patay kang bata ka!

Nakalimutan ko na na nagmamadali kami, pati ang inis ko sa asawa ko. Inisip ko agad ang anak ko kaya nga kami nagtaxi ay para makaiwas kami sa exposure kaysa nag-commute kami sa jeep. Nakailang bukas din ng bintana si Kuya Drayber at kinausap ang mga nakauniporme. 

Lumabas na ako at sinabing may dala kaming sanggol. Sa akin kasi, makita mo lang na may sanggol dapat naunawaan mo na. Sinabi ko rin na kagagaling lang sa operasyon sa opsital ng anak ko ngunit hindi pa rin sila nahabag. Sinabihan ako na mag-antay. Panay interrogation pa rin ang ginawa kay Kuya Drayber. 

“Nakametro ba kayo, Sir?” tanong ng nakuniporme. 

“Opo, Sir,” magalang na tugon ng drayber. Kung mabait na siya kanina sa biyahe, mas lalo pa siyang bumait magsalita. Mala-anghel!

Hindi talaga nahabag ang opisyal. Sa akin lang, ayaw ko rin naman mapahamak si Kuya. Isa pa, parang guardian anghel kaya namin siya, nang panahong wala kaming masakyan, siya ang ipinadala ng langit. Ayaw ko naman na patawan siya ng kaparusahan sa pagiging anghel. Kumulo ulit ang dugo ko kaya napakapit na nang mahigpit ang asawa ko.

Ayaw talagang patinag ng opisyal at binuksan ulit ang pinto at ipinaliwanag ng mas detalyado ang paglabag ng drayber na tila ba mas importante pa ito kaysa sa aming pag-uwi. 

“At para po ma-serve ang purpose niyo, ipapahatid ko po kayo sa drayber,” sabi ng nakauniporme. 

Hindi ko inaasahan ang sumunod na nagyari. Sumakay ang opisyal sa taxi at sinabi niya sa drayber na ihatid kami. Tinanong ko ang pangalan niya at saan ang opisina niya. Tumugon naman siya. Itago na lang natin siya sa pangalang Sir Randy Dela Cruz sa head office ng LTO. 

“Sir Randy, hindi po ata tama na sumakay kayo dito,” bungad ko. 

Sumagot siya agad, “Kung mali po ito at hindi kayo komportable, bababa po ako. Ang gusto lang po natin, Sir, ay ma-serve ang purpose niyo sa pagsakay sa taxi na ito kaya po ihahatid ko po kayo.” Nagtataka lang ako sa paliwanag ni Sir Randy. 

Gusto kong mainis pero nagtimpi pa talaga ako. Kung tutuusin, malapit na naman kami. Kaso para akong bulkang sumabog. Nag-umpisa akong maglitanya.

“Alam mo, Mr. Dela Cruz, kaya kami nag-taxi ay nag-iingat kami. Alam mo ba, galing pa sa operasyon ang anak ko. Kung hindi kami mag-iingat, nag-commute na lang kami siguro sa jeep. Kaya nga kami nag-hire ng private vehicle para kahit papaano ay mas maging ligtas kami. Tsaka ang asawa ko, PWD.” Dinukot ko ang ID niya na nasa wallet ko pa. Ipinakita ko sa kaniya yung ID. “Ayan o. Talagang maingat kami. Tapos may sasakay na ibang tao.” 

Alam kong napagtanto na ni Mr. Dela Cruz na mali siya at humingi naman siya ng patawad agad. Hindi na siya nagrason pa. Sinabi niya na ginagawa lang daw niya ang trabaho niya. May nagtimbre raw kasi sa kanila. At may mga matang nakatingin sa kaniya kanina. Gusto ko naman siyang paniwalaan kaso nangyari na. Nanahimik na lang ako. Ang kaninang galit na asawa ko ay nakapisil na sa mga braso ko na sinasabing awat na. 

Nang malapit-lapit na kami, hindi ko talaga pinatawad. Sinigurado ko talaga na hindi niya makakalimutan ang ginawa niya sa amin sa araw na iyon. 

“Ano nga ulit ang pangalan mo, Sir?” tinanong ko ulit para makumpirma. 

“Randy Dela Cruz, Sir,” sagot niya na alam na siguro na masesermunan pa siya lalo. 

“Sir Randy, sana hindi mo makalimutan ang araw na ito,” ang sabi ko.

“Yes po, Sir. Nagsisisi po ako sa ginawa ko sa inyo,” na mukha naman talagang nagsisisisi at kung bakit ba hindi na lang niya kami inintindi kanina. Wala rin naman kaming balak mag-abot kung sakaling ganoon pala ang dapat nangyari. Labag sa kalooban ko ang mga bayaran at aregluhan sa panghuhuli. Bago pa siya magsalita ulit, tinuloy ko ang sasabihin ko. 

“Titser pala ako, at iginagalang ko ang mga patakaran natin sa bansa. Sumusunod ako sa batas at nagbabayad ng buwis. Pero alam ko rin na may mga pagkakataon na dapat ilugar din natin ang pag-intindi sa kapwa lalo na’t nasa pandemya pa rin tayo. Sinabi ko naman sa iyo ang kalagayan ng mag-ina ko at kung paano na kailangang-kailangan namin ng ligtas na masasakyan. At iyon ang ipinagkait mo sa araw na ito. Hindi ka dapat sumakay sa sasakyang ito.” Nararamdam ko na ang boses ko lang ang naririnig sa buong taxi. Kahit ang kaninang langitngit ng makina ng taxi ay hindi ko na marinig. Parang walang humihinga.

“Hindi ako magpa-file ng complaint. Nakita mo naman. Hindi kita kinuhanan ng larawan o video. Hindi rin kita pasisikatin sa Facebook. Gusto ko lang ulitin na mali ang ginawa mo at tayo na lang ang mag-usap at magkaintindihan doon. Bumiyahe kami ngayon at hindi maganda ang karanasan namin. Hindi namin ito malilimutan. Sana ikaw din.”

Sumagot si Mr. Dela Cruz at ramdam ko ang tinig niya na parang mangiyak-ngiyak na. 

“Pasensiya na kayo, Sir.” Hindi ko na mabilang kung ilang paumanhin na ang binitawan niya simula nang mag-melt down ako. Hindi naman na ako nagme-melt down sa kahit anong sitwasyon, ngayon na lang ulit. Siguro sa kaniya ko na lang din naibuhos lahat ng galit at inis ko sa asawa ko at sa sitwasiyon kanina. Gumaan naman ang pakiramdam ko dahil hindi na rin nakipag-argumento o pumalag ang opisyal. Inamin niya na nagkamali siya. 

Pagbaba namin ng sasakyan, binayaran ko ang metro at nagdagdag ako kahit na mas mahal ang metro dahil ilang minuto rin kaming tumigil sa Francia.  Inilaban ko ang drayber. Ayaw ko pa rin siyang mapahamak.  Sabi ni Mr. Dela Cruz, puwede pa rin irason ng drayber na “for humanitarian purposes.” Kaso ang akin lang, kailangan pa bang umabot sa ganoon, kung sa kanila ay puwede na magkaroon ng pagkakaunawaan? Hindi na ako lumaban, naubos na rin ang enerhiya ko. Grabe ang panlalambot ko.

Hindi ko alam kung ano ang nangyari, pero sana hindi naman maperwisyo si Kuya dahil sa pagiging anghel sa araw na ito. 

Naglakad na kami ng asawa ko papasok ng bahay habang karga niya si Beybi at habang holding hands na kami ulit.