ni Jillian Lei Belaro
Babangon mula sa pagkakahiga at yayakapin ang hangin na nasa harapan ko. Hihintayin na tuluyang mumulat ang mga mata at sa pagsaksi ko sa liwanag, bubuksan ang pinto patungo sa lugar kung saan ang katawan ko ay tinatawag. Maririnig ang mga boses na halos araw-araw kong naririnig: “Paload po ng sampu na load” “mayroon po ba kayong gamot?” at ang kanang kamay ko ay iaangat sa butas upang iabot ang hinihingi ng mga tao mula sa labas. Sa madaming taon na pananatili ng halimaw sa aming baryo sanay na ang mga tao na lumabas sa kani-kanilang bahay at mamuhay na may kaba sa kanilang dibdib, at laging tinatakpan ng maskara upang hindi makita ng halimaw ang takot sa kanilang mga mukha—lagi nilang suot ito sa tuwing pupunta sa aking tindahan o lalabas ng kanilang bahay.
Paulit-ulit na pagtayo at pag-abot ng mga produkto ang aking ginagawa, nasanay na rin ang aking katawan sa mga proseso ng pagtitinda at sa paulit-ulit na gawain at boses na naririnig ko sa pang araw araw. Sa maliit na butas nakikita ko ang mga mata ng mga mamimili, tulad sa oras na ito’y nakikita ko ang malaking itim sa kanang mata ng Ali, at naririnig ko ang Ali na kinakausap ang kaniyang anak: “hindi ka muna makakapagaral dahil wala na tayong load hindi ka makakapanood ng mga leksyon” hindi na bago ang gantong usapan sa akin dahil kahapon habang bumibili ang bata na nakatira sa aking tindahan narinig ko siyang nagmakaawa sa kaniyang ina na makatapos man lang sa high school. Matapos ko iabot ang binibiling produkto ng Ali, rinig ko agad ang hagulgol na pinipilit patigilin ng bata.
Isa sa gawain ko sa pagtitinda ay ang paglilinis ng mga produkto upang maalis ang dumi dahil gusto ng halimaw sa mga madudumi na kagamitan kaya naman laging bilin sa mga tindera na tulad ko na linisin lagi ang mga produkto kahit mapudpod pa ang mga kuko sa kakakuskos. Gamit ang basahang bilog iidadampi ko ito sa mga delata at iba pang produkto. Malapit na ang pagpili ng bagong mamumuno sa aming baryo kaya naman maraming kalat na pumapasok sa butas ng tindahan ko: mga posters na may pamilyar na mga maskara ng mga tao na dati na rin namuno sa baryo na ito. Isa sa poster na nakita ko ay ang sinasabing dahilan ng pagpasok sa baryo ng halimaw at dahilan sa pagdami ng namamatay dahil sa dulot ng pananaitili ng halimaw.
Malapit na matabunan ng buwan ang araw, ngunit hindi nauubos ang kamay na naghihintay sa butas ng aking tindahan. Ilan lang kami sa baryong ito, kaya naman kabisado ko na ang mga bibilhin ng mga mamimili sa oras na marinig ko ang boses nila. Tulad na lamang ng matandang dalaga na si Aling Tesa na gabi-gabi bumibili ng gamot at madalas sa tuwing bibili siya, ibubulong niya sa butas ng tindahan ang kaniyang kwento upang marinig ko, mga kwento tungkol sa dating mukha ng baryo nung wala pa ang halimaw. “Dati hindi maliit ang butas ng tindahan hindi tulad nito, malawak ang pagkakabukas at ang mga mamimili ay laging malayang makalabas sa ibat-ibang lugar” ako naman na walang alam sa sinasabi ng matanda ay mananahimik at lalaki ang mga mata sa pagkakamangha sa kaniyang mga sinasabi. Napapaisip ako na baka hindi totoo na may halimaw, dahil wala pa namang nakakakita rito, sabi ng pinuno walang mukha o katawan ang halimaw, ito’y susulpot sa oras na hindi kami sumunod sa mga patakaran ng baryo. Kaya naman nagtataka nalang ako kung totoo ba na maaring lakihan ang butas ng tindahan, siguro hindi naman ganoon kahalaga ang butas.
Ako ay magsasara ng tindahan bago pumatak ang alas-otso, bago tumunog ang kampana na naghuhudyat sa mga taga baryo na manatili sa loob ng kani-kanilang mga bahay. Isasara ang butas upang hindi mapansin ng halimaw at papatayin ang ilaw sa tindahan. Isasara ko ang pinto sa tindahan at babalik sa aking upuan sa loob at bubuksan ang telebisyon at hihinaan ang volume upang hindi marinig ng halimaw
at mahuli ng mga utusan ng pinuno. Pare-parehong palabas ang nakikita ko, tulad din ng kahapon na kwento ng pamilya na nakalipad at namuhay sa itaas ng langit. Kung hindi ilusyon na pagtira sa langit o mga balita tungkol sa bagong ituturo sa mga bata at mga produkto na ipapabenta sa mga tinder na tulad ko, ang palabas ay tungkol sa mga utos ng pinuno ng baryo sa kaniyang nasasakupan. Mga batas na dati pa ay nakasanayan nang sundin—tulad na lamang ng pagbawal sa mga tindera na lumabas ng tindahan at manatili lamang sa loob at maghintay sa mga produkto na ipapasok.
Alas-otso maririnig na naman ang mga boses ng mga dinadapuan ng malubhang sakit ng halimaw humingi ng tulog na iligtas sila. Tulad ng kampana na gabi-gabi naririnig ng mga taga-baryo sanay na rin sila sa mga boses na tulad ng pagsaklolo, at tulad ng ibang araw wala silang gagawin kundi pipiliting
matulog upang maging handa sa bagong araw bukas na kanilang haharapin at maging mga bata na pipikit upang masigurado na bukas ay makakanood pa rin sila ng leksyon sa kanilang mga klase.
Tulad ng isang robot, naka-program na ang aking katawan na muling tumayo at buksan ang butas ng tindahan at maghintay ng mga bibili. Sa pagbukas ko naalala ko ang matandang si Aling Tesa sa kanyang kwentos tungkol sa butas ng tindahan noong wala pa ang halimaw. Inisip ko na kahit konting laki lang ng butas ay hindi masama, at baka mas mapadali ang aking pagtitinda. kaya naman kinuha ko ang martilyo na naiwan ng mga taga dala ng produkto habang pinpasok nila ang mga ito sa isa pang butas sa pinto ng tindahan. Kinuha ko ito at pinukpok ang kahoy na butas, pinilit lakihan ang butas. At nang makita ko na may kahit pirasong laki na ito, ako’y tumigil sa pagpukpok at tumayo sa tapat ng butas.
Sa paglaki ng butas, nakikita ko na ang mas malaking mukha ng labas. At nang bumili ang bata na bumili na rin kahapon ay nakita ko ng mas malinaw kung gaano siya kaliit at gaano kahaba ang kaniyang kulot na buhok. Sa tagal ko nang nagtitinda at pauit-ulit ginagawa ang mga bagay na nakasanayan, ngayon ko lang nakita ang kabuan ng katawan ng mga bumibili sakin, hindi lang ang mga maskara na suot nila kundi ang mga suot nilang damit, mga hawak na kagamitan, at paraan ng paglakad sa tuwing lilisanin ang tindahan na ito.
Hindi ko namalayan na ngumiti ang aking labi sa simpleng nakita ng mga mata ko, mga bagay na hindi tulad ng paulit-ulit kong nakikita dati. At matapos maka-alis ng bata pinagpatuloy ko ang pagsasaayos ng mga produkto, pagpunas ng mga ito—ngunit hindi tulad kahapon, ang aking isip ay nakalutang na sa pagiisip na makakita pa ng maraming bagay mula sa loob ng tindahan. Nais ko makita ang mukha ng mga bumibili, mga mukha sa likod ng mga maskara. Mayroon din ba silang nunal tulad ko? o kaya naman mapula rin ba ang labi nila? Maraming tumaktakbo sa aking isipan at naputol ito ng may boses na namang nagsalita mula sa butas: “Gamot po, ali” nanghihinang sambit ng lalaki, at bago ko pa man maabot ang gamot sa butas, nakita ko mula sa butas ang katawan ng lalaki na nakaratay at wala nang malay maski ang maskara niya ay nahulog na rin mula sa kaniyang mukha. Nang makita ko ang mukha ng lalaki doon ko nalaman na hindi lahat ng labi ay pula tulad ng akin: ang iba ay namumuti at nagtutuklap dulot ng halimaw.