ni Jhio Jan Navarro

Ang Alayan ng Elehiya

Asul at pula,
walang tigil sa pag-ikot ang bombilya,
di alintanang mga anino’y lagi’t laging itim
mag-iba man ang kulay ng ilaw,

Sirena’y umaalingawngaw, ngumangawa,
nagluluksa habang ginadawat ang mga lawas –
mga bisig na minsan din nanghila sa mismong
munting silid ng mga naghihingalo’t pumanaw.

Hindi maipinta mga tuldok, guhit at kurba
sa noo’t mata ng mga doktor at nars
na nag-aabang sa pasilyong minsang binagtas
ng mga talampakang ngayo’y pantay sa noo’t
hila’t hatak sa de gulong na kama.

Sa pasilyo, habang nililito ng asul at pula
ang salamin ng mga bintana,
wala silang magawa kung ‘di magtinginan
sa likod ng faceshield na unti-unting
nilulukob ng hamog

Sa pasilyo, habang dahan-dahang nalulusaw
ang mga anino sa sahig at pader,
wala silang magawa kung di umusal ng Oratio Imperata
sa likod ng N95 na unti-unting nababasa:

sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo,
hindi nawa kami ang sa kinabukasa’y ibalita,
hindi nawa kami ang sunod na alayan ng elehiya.

Elehiya sa Talisain

Gumuguhit sa pisngi ng tari ang mga plumahe
mong nagaagaw sa abo’t dilaw.Giyagis ang iyong tuka.
Tututok sa itay, tuturo sa langit, lilingon sa akin,
bago tuluyang bumaling sa nakataob nang dulang –
paulit-ulit lang itong galaw sa saliw ng tilaok na imbes
umaga’y, nagbabadyang katapusan ang pinasisinayaan.

Sa higpit ng aking pagkakahawak dama ko
ang tulin ng tibok ng iyong dibdib, pagpintig na tulad
noong ganito ring nakapiit ka sa aking palad habang
itinatali ang tari sa iyong tahid – di igigilit sa iyong leeg.
Sa nagsagupa, ikaw ang pinagpala ng Kristo noon,
ang hinango ng sentenciador sa naghalong alabok at dugo,
ang inilabas sa rueda na hindi isinalang sa baga’t apoy.

Ngunit ngayon, walang pangako sa iyong tahid pagkat bawal
mga pintakasi, walang soltada. At dahil walang nangangailang
magising nang maaga, ganoon rin ang iyong tilaok.
Nasigaan na ang kalan, naisalang na ang kaserola kaya
narito tayo. Sana ay maunawa mo. Gutom man ay katuwiran din
ngayon na walang Kristo.

Room 2S11

Kung ilang buntong-hininga na
ang napatid sa silid na ito’y
lihim ng kisame’t dingding.

Lamig at katahimikan
ang tangi nating hiwatig.

Tumatagas ang gripo sa kubeta.
Walang tigil ang patak
na noong una’y inakalang mula
sa ilalim ng sahig, luhang lamig
na nanuot sa mga siwang
at naimbak sa mga guwang

na aapaw, sasambulat sa sandaling
di mapahid, matuyo ng facemask
at pumatak, kumayat sa mga bitak
ang pinipigil ng talukap habang
lulan ng de gulong na kama, ang awang lawas
ay hinihila palabas at dahan-dahang
naglalaho sa katahimikan
ang mga yabag.