ni Alec Joshua Paradeza

Malakas na hampas sa hita ni Jang ang gumising sa kanya. Tanghali na, sabi ng Nanay, may diin sa salita. Matagal na niyang natutunan na dito sa kanila, ang tanghali ay hindi katirikan ng araw kundi sapat na liwanag sa dagat para makita ng mga isda ang lambat na nakaladlad sa tubig.

Kagabi sa inuman, nalaman niyang may karera daw ngayon, sponsor ni Auntie Ising. Ang premyo, bagong makina ng motor. Kantyawan, big time na talaga kapag nakapag-abroad. Si Kuya Junie raw malamang ang makakasungkit nito dahil bangka niya ang pinaka-mintinado. Pero luma—hiyaw ni Bert, pinsan nila—mas matanda pa sa anak ko. E yung akin isang taon pa lang, di pa dispalinghado. Bert, sa bigat mong yan, kahit yung bagong makina pa ang gamitin mo, kulelat ka pa rin. Si Junie na ang nagsalita, bago tumagay. Tawanan. Basta itong si Jang, patuloy ni Junie, abangan niyo, magpapa-karera rin sa atin pagka-graduate. At ang premyo, kahit limang makina pa! Hiyawan, abot ng alak. Gaya ng mga alon, matatabunan ng tawanan nila ang sigaw ni Tata Ambo mula sa malapit na bahay, nagagalit sa ingay ng mga lasing. 

Sa kusina, naabutan niya ang Nanay na nagtatakal ng dilis. Aalis ito maya-maya, sakay ng tri-bike na kinabitan niya noon ng malaking payong na iba-iba ang kulay. Nakatabi ang mga balde at batya na may isda. Hindi tinignan ng Nanay si Jang, magkape ka muna tapos puntahan mo na si Junie. Utos, hindi pakiusap. Uminom ng tubig si Jang, mineral, hindi yong maalat-alat na galing sa poso, bago gumayak.

Marami nang tao sa pampang. Una niyang nakita si Bert kasama ang anak nito, kinakalikot ang makina ng bangka. Inabangan ni Jang na makita siya ni Bert para kumaway pero abala ito sa pagkukumpuni. Ang anak nitong si Daday, tunay na pangalan ay Tracy, ang tumingin sa kanya at kumaway. Sa di kalayuan ay nakita niya rin si Kuya Junie, handa na sa karera. Lumingon ito kahit di pa tinatawag ni Jang at nang magtagpo ang mga mata nila ay kumaway ito, sinigaw ang pangalan niya. Tumango si Jang at kumaway pabalik.

Nakaupo si Auntie Ising sa pinatayo nitong gazebo. Noong isang taon, wala pang ganoon sa buhanginan, mga kubo-kubo lang na pwedeng tambayan kung hindi sila nagbabakasyon sa probinsya. Kapag nandoon sila, wala halos tao sa parte nila ng dagat. Siya ang naghudyat ng simula ng karera. Tulong-tulong muna ang lahat na ibaba ang mga bangka sa tubig at sabay-sabay na tumungo sa unang pulang flag na simula ng karera. Nang halos pantay-pantay na ang mga bangka sa dagat, nilabas ni Auntie Ising ang megaphone at buong lakas na sinabi ang go! Hindi sabay-sabay na sumulong ang mga bangka. Si Emil ang nauna, pulang-pula ang banka sa tubig, pero mabilis na nakahabol ang mga bangka ni Bert at Junie, parehong may dilaw na linya sa gilid ng banka dahil silang magpinsan din lang naman ang nagpintura nito. Sumisigaw ang mga tao, halo-halong pangalan. Halos gahibla ang pagitan ng dalawa pero sa dulo, nanaig ang bangka ni Bert.

Sa pampang, sinalubong ng iba pang mga kabarangay ang mga papalapit na bangka. Sinalo nila ito bago sumayad sa buhangin, sabay-sabay na bubuhatin hanggang maidala sa di naaabot ng tubig. Sinalubong naman si Bert ng yakap at halik mula kay Daday, na siya namang kinarga at pinaupo sa balikat nito, panalo si tatay, panalo si tatay! Unti-unti ring lumapit ang iba pang kasama sa karera, binabati si Bert, tinatapik sa balikat, hinahampas sa braso, magpainom naman daw mamaya, magpapansit para sa bagong makina. Sige, sige, sabi niya, nawawala rin ang boses sa dami ng tawa ng mga tao. Ang galing mo, sigaw naman ni Auntie Ising mula sa pinatayo nitong gazebo sa buhanginan. Kahit si Junie ay nandoon, naki-apir, kinurot ang pisngi ni Daday, bago tabihan si Jang na nakatayo sa gilid.

Di kinaya ng makina natin e, nakangiting sabi ni Junie bago akbayan ang kapatid, pero okay na rin para may dagdag panggastos para kay Daday, malapit nang bumalik sa eskwela. 

Basa ka Kuya, at inalis ni Jang ang braso ni Junie. 

Sorry, sorry, sagot nito, lumayo bahagya saka nagpatuloy, baka magsalo-salo mamayang tanghalian kila Bert, alam mo naman si Nana Auring, kahit most punctual na award ni Bert nung high school agad magse-celebrate.

Tignan ko Kuya, sabi ni Jang. May ilan lang akong gagawin sa bahay, may mga requirements pa akong kailangang tapusin. Bago pa muling magtanong si Junie ay sumagot na si Jang, ngayong mahal na araw lang kasi ako may oras, hindi pwedeng magpahinga.

Sige, sabi ni Junie. Masarap ang menudo ni Aya, asawa ni Bert. Baka sana matuwa si Jang sa luto nito, mahilig pa naman sa mga ulam na may tomato sauce. Tinapik ni Jang ang balikat ni Junie, mauuna na raw pauwi at baka nakaalis na rin si Nanay, wala nang naiwang nagbabantay doon.

Sige, sabi ni Junie. Uuwian na lang kita ng ulam. Tumango si Jang at naglakad palayo, iwas na malagyan ng buhangin ang tsinelas.