ni Rey Mart Lapiña

Hindi ako takot sa pandemya.  

Halos tatlong taon na akong nasa loob ng aming bahay. Nananatili sa aking kuwarto  at tila ba hindi na alam kung paano gumagalaw ang mundo sa labas. Gusto kong  lumabas, pero takot ako. Takot ako sa mundo sa labas. 

Matagal na panahon ang aking hinintay upang maamin sa aking sarili na isa akong  trans woman. Bata pa lamang ako alam ko na isa akong babae. Ngunit sa isang  lipunang walang kalayaan ang mga tulad naming ipahayag ang tunay na sarili,  itinago ko ito. Nagkubli ako. Nanahimik. Nagkunwari. Sa pagpasok ko sa  Unibersidad ng Pilipinas Mindanaw, doon ko mas niyakap ang tunay na ako.  Pinalitan ko ang aking pangalan at nagsimulang mamuhay gamit ito. Bagaman at  hindi pa ako handang mag-transition naramdaman ko na nirerespeto ng mga tao sa  unibersidad ang aking kasarian at seksuwalidad. Sa wakas, malaya na ako.  

Kasabay ng aking pagyakap sa sarili, namulat din ako sa mga isyung panlipunan sa  loob ng unibersidad. Naging lider-estudyante at aktibistang aktibo sa pagtindig laban  sa pasistang administrasyong Duterte. Kasama sa mga pagkilos at pagbabahagi sa  danas ng mga pinagsasamantalahang sektor. Ngunit tulad ng aking pagiging trans  woman, itinago ko ito mula sa aking mga magulang. Alam ko hindi nila ako  matatanggap, bilang sila ay mga masugid na tagasuporta ni Duterte. Walang puwang  sa aming pamilya ang isang aktibistang trans woman.

Nang nagsimulang hindi na pinapayagan ang pisikal na klase, pangamba ang tangi  kong naramdaman. Hindi ko alam kung paano ko itatago ang aking seksuwalidad at  paninindigan sa aming tahanan. Tinigasan ko ang aking bawat galaw, binabantayan  kung kumekembot ba ang aking baywang sa tuwing naglalakad. Pinapalaliman ang  boses kapag nakikipag-usap, kasabay rin ang hindi masyadong pakikipag-usap  upang maiwasan ang mga politikal na paksa. Tatlong taon kong itinatago ang tunay  na ako.  

Hindi ako takot sa pandemya. 

Hindi dahil hindi ako naniniwala dito.  

Galit ako dito. Galit ako sa pandemya. 

Ibinalik ako ng pandemya sa aking dating hawla. Sa panahong nayakap ko na ang  aking pagkatao, iginapos nito ang aking mga kamay. Sa panahong nagsisimula na  akong makibaka, inagaw nito ang aking boses.  

Hindi ako takot sa pandemya. 

Mas takot akong malaman ng aking mga magulang ang aking mga itinatago. Takot  akong makita ang kanilang mga reaksyon. Takot akong lumabas sa sarili kong  tahanan. 

Ngayon magkukubli muna ako. Ipapahinga ang sarili. Mag-iipon ng panibagong  ,

lakas. At bukas kung ang mundo ay magbubukas ng muli, lalaya na rin ako.