ni Kane L. Blancaflor

Asul na Ilaw
Nakadawdaw ang paningin ko sa liwanag
ng teleponong kanina ko pa kaniig.
Umaahon na ang araw habang
lumalangoy pa rin sa hinagap
ang mga salitang aanurin sa umaga.
Sa paglalayag ng bukas, sana’y maiahon ang sarili
sa daluyong ng antok na dinadalaw ang katawang
buhat ng alon ng kawalang katiyakan.
Sa higaan sasadsad ang katawan, dito
hihintaying dumilim at lunuring muli
ng liwanag.

Punda
Nais kong isilid ang sarili sa punda
kasama ang samyo ng iyong buhok
na iniwan ng basang ulo sa iyong pagtulog.
Alam kong wala nang puwang pa
sa kulob na amoy nito, ngunit
susubukan kong makipagsiksikan dito,
kahit hanggang mga daliri lamang ng paa.

Nais kong maligaw sa iyong gunita
hawak ko ang mapa na bakas
ng iyong laway sa gabing pagod ka.
Ang mga naiwang hibla ng buhok mo’y
pipitasin, ihihiling ang iyong pagbabalik,
kasama ang hilik, na dinuduyan ako
hanggang tayo’y mahimbing.

‘Di alintana ang katabing mga amag
kung ito na lamang ang labi ng pagsasama.

Nagliliyab
ang tahanang napipi ng init.
Sa muwebles sumisingaw
ang nakapapasong mga bulong.
Ang dila ng apoy ay hinihintay
lumapat sa bibig, mata, at taingang
nagpupuyos sa katahimikan. Ako’y
tuluyang inuubos ng bagang
kayakap ko sa isang madilim
na lagablab. Walang init sa balat
dahil tahanan na ang apoy
na gumigising sa akin tuwing gabi.

Hango sa “Burning House” (2021)
ni Ahrtiles

Image