ni Larry Boy Sabangan

“Calsi”, pinaikling “Calcifer”. Ito ang itinawag ko sa kaniya. Iyan ang pangalang ibinigay ko para tunog sosyal. Nakatatalino pakinggan. Yayamanin. Ito kasi ang ipinangalan din ni Nadine Lustre sa fur baby nila ni James Red. ‘Nga lang, si Nadine na lang ngayon ang nag-aalaaga. Break na kais sila ni James. Pero sabi ko sa sarili ko, kahit anong mangyari, hindi kami magbi-break ng asong ito. Isa pa, pangalan ito ng isa sa paborito kong karakter sa Ghibli Studios. Ang Howl’s Moving Castle. Sa totoo lang, lahat ng Ghibli ay paborito ko. Astig kaya! Gaya ni Calcifer sa HMC, si Calsi ay kulay orange din na parang apoy. Kung si Calcifer ay nagbibigay buhay sa Castle ni Howl si Calsi ay nagbigay naman ng silab sa buhay ko.

Naalala ko pa noong gabing nagtagpo kami ni Calsi. Minsang naglalakad ako galing sa eskuwelahan. Madilim at wala ng masaydong tao. May curfew kasi kaya walang nagsisilabas na mga kabataan. Dahil sa pag-iingat na rin ay minabuti kong maglakad kaysa sumakay sa traysikel at baka mahawaann ako ng virus. Wala na ring mga bukas na karinderya. Napakahigpit. Ito ang mga panahong bawal lahat. Kung hindi lang siguro eskuwelahan ang punta ko baka hindi pa ako nakalabas. Buti na lang at bukod ang quarantine pass ko sa kasera namin. Mag-isa lang din naman kasi ako sa boarding house. 

Habang binabaybay ko ang madilim na daan, may kumakaluskos sa likod ko. Noong una’y nag-init ang leeg ko sa likuran. Sabi nila ito raw ang pakiramdam kapag may masamang elementong nakapaligid sa’yo. Agad ko itong nilingon. Isang aso. Matanda na. kung baga ayon sa pawtracks.com, ang isang taon sa aso ay katumbas ng labinlimang taon sa tao. Kaya kung tatayain ko ay nasa dalawang taon na ang asong sumusunod at mga nasa timbang na 50 lbs. Nakamamanghang halos nakasasabay sa tao ang pagtanda ng mga aso kaya hindi mahirap makiayon sa kanila. Noong una, inakala kong may sariling destinasyon ang aso kaya hinayaan ko siyang bumuntot sa likod ko. Baka mabilis lang ako maglakad kaya naiiwan siya sa likuran ngunit nakailang hakbang na ako, hindi pa rin nagbabago ang kaniyag ruta. Minabuti kong tumigil saglit. Namangha ako na tumigil din ang aso. Lumiko ako ng lakad, lumiko din siya. Ang tanging huli kong ginawa para makumpirma kong sinusundan niya talaga ako ay ang magtago. Binilisan ko ang paglakad hanggang sa naging pagtakbo at tinungo ang isang poste ng kuryente at upang magtago. Huminto ang aso. Suminghot-singhot sa ere at inamoy-amoy ang hangin. Tila nagtatanong sa ihip nito kung nasaan na ang sinusundan. Napagtanto ko; kanino kaya ang asong ito? Naliligaw ba ito? Kawawa naman? 

Lumabas ako at ginawa ang parehong proseso. Naglakad, lumiko, tumakbo. Tiningnan ko kung sumusunod pa rin siya. At hindi ako nagkamali. Sinusundan talaga ako ng aso kahit wala akong dalang kahit na anong maamoy na pagkain. Maliban na lang kung amoy tae talaga ako ngunit hindi rin naman sigurado.

Nangibabaw ang awa sa pagkakataong iyon at hinayaan ko siyang sundan ako hanggang sa makaabot na ako sa gate ng boarding house. Habang binubuksan ko ang gate ay matiyaga rin siyang huminto at naghihintay. Sana ganito rin ako sa kaniya. Kayang magtiyaga at maghintay kung hanggang kalian matatapos ang pandemyang ito. Sabik na kasi akong umuwi sa amin para makasama ang pamilya ko. Wala pa rin kasing biyaheng eroplano. Parehong sarado ang paliparan at mga pier. At sabay na naming tinungo ang hagdan. Nagdalawang-isip pa siyang umakyat noong una ngunit kaysa matulog at magpalaboy-laboy sa daan ay buong sigasig niya akong sinundan paakyat. 

Naisip kong pakainin ang aso sapagkat sigurong gutom na ito. Kaya ang natitirang corned beef na niluto ko kaninang tanghali na dapat ay hapunan ko na ay ibinigay ko na lang sa kaniya. Hinalo ko sa tira ding kanin, nilagyan ng kaunting toyo at suka at nilapag. Hayun, tila kidlat na naubos ang pagkain. Sa balkonahe ng 2nd floor ko na lamang siya pinatulog. Kinausap nang kaunti at saka bininyagan sa pangalang “Calsi”. 

Habang nasa magkabilang tulugan kami ay naisip ko ang magiging lagay niya kinabukasan. May pagsamba kasi kami ng madaling araw at hindi siya puwedeng iwan. Tumunog na ang alas-4 na alarm sa aking cellphone. Ginayak ko ang sarili at naghanda ng lumabas. May kumaluskos. Naalala ko, may aso pala. Tinawag ko si Calsi. Lumuhod ako sa harap niya nagtitigan kami sa isa’t isa. Masinsinan ko siyang kinausap kahit alam ko sa sariling hindi naman niya ako sasagutin. Pero kung sa mata sa mata baka maunawaan pa niya. “…isasama kita pero hanggang sa labas ka lang ng kapilya.”

Sabay kaming lumabas, sabay na kaming naglakad at hindi na siya sa likuran ko. Binaybay namin ang madilim pang kalsada patungo sa kapilya. Nakita kong masaya naman siya. Laylay ang dila at hapong-hapo. Tila nakangiti sa akin at sinasabing “salamat at may bago na akong kaibigan. Ayokong gamitin ang amo. Mas mainam na gamitin ang kaibigan sa halip na amo dahil ang aso’y kaibigan higit pa sa alaga lamang.

Nang marating namin ang kapilya. Huminto kami pareho at binilinan ko siyang huwag na huwag aalis. Isang oras lang ang aming pagsamba at babalikan ko siya. Nang sinimulan ko ng humakbang ay hindi siya umalis sa kinalalagyan niya. Ang sarap sa pakiramdam na may sumusunod sa sinasabi mo. Masarap din sa pakiramdam na may naghihintay. Minsan nga, buti pa ang aso marunong umintindi kaysa sa tao.

Natapos ang pagsamba.  Mabilis akong tumungo sa labas. Tinawag ko ang pangalang Calsi. Hindi lang isang beses, hindi lang dalawa, kundi maraming beses. Walang tugon. Walang sumunod. Walang bumuntot. May nagtanong, sino si Calsi. Sabi ko, “kaibigan ko.” Iniwan ako. Hindi ko namalayang napaluha na pala ako.