ni Leo Baltar

Kay ingay ng paligid gayong halos patay na ang bahaging ito ng bayan. Niyayakap ng hamog ang lahat. Hirap makakilos ang bawat isa dahil, bukod sa tambak ng putik ang bawat daan, nagkalat ang nagsitumbahang mga puno at nagkandapulupot na mga kable ng kuryente, gayundin ang mga lata’t gulong ng sasakyan. Abala ang lahat sa paglilinis. Walang tigil ang walis-kuskos-buhos. Pilit na isinasalba ang lahat ng maaaring isalba. Nariyang may nagkukutkot sa tira-tirang parte ng wasak nang appliances, umaasang puwede pang pakinabangan. May ilang nagpapatuyo ng mga bagong librong kabibili pa lamang. May ilang walang humpay sa kahahanap ng signal upang makatawag sa kung sinumang malayong kamag-anak. Pero mas aligaga ang lahat na humanap ng makakain lalo pa’t hindi namin alam kung ilang araw pang tatagal na ganito ang sitwasyon. Kahit nga expired na de lata ay goods na sa akin sa mga panahong gaya nito.

Isang ale ang napansin kong tulala’t nakamasid lamang sa nilalamig na katawan ng isang sirang refrigerator na nakahandusay sa harap niya. Sa tabi nito, ang sangkaterbang poster ng mga politikong tumatakbo sa eleksiyon. Tila nananadya pa ang abot-langit nilang mga ngiti gayong hindi mo sila mahahagilap sa ganitong mga oras. Mabuti nga’y tigmak na rin sa putik.

Maging ako’y kanina pa nilalamig. Naaalibadbaran na nga ako, e. Pero wala naman akong ibang magawa kundi magmasid at mag-abang kung may darating. Nakakabuwang ang maghintay pagkaraan ng unos. Hindi mo alam kung naghihintay ka ba ng tulong o himala, o kung talaga bang mayroon kang inaasahan.

Sanay naman kami sa ganitong paulit-ulit na pagtama ng bagyo sa aming lugar. Wala pa nga ito kung ihahambing sa Yolanda noong 2013. Halos masiraan kami ng bait noon. Ngunit gaano man kalakas o kahina ang pagkawasak, ito’y pagkawasak pa rin. Talaga yatang sinusubok kami ng diyos. Biruan mo, hinagupit kami ni Agaton ngayong hindi pa kami lubos na nakakabuwelo sa krisis na dulot ng pandemya. Buena mano pa dahil unang bagyo ito ng taong 2022. Kung minamalas nga naman. Double whammy nga raw sabi sa balita noong nakaraang linggo kahit di ko naman alam kung anong ibig sabihin nun. Mas lalo pang dehado dahil wala kaming kamalay-malay kung ano ba talagang plano ng gobyerno (kung mayroon man) sa pananalasa ng bagyo, sa pandemya, at sa mga tulad naming di pa rin tiyak kung paano muling babangon. Paano nga ba muling magsimula sa wala? Ito ba ang tinatawag ng lahat na “bagong normal”? 

Sa gitna ng panlalamig at panginginig, bigla ko na lamang naalala ang madalas na paglilibot namin ni Joaquin sa lawak nitong kalyeng kinahihimpilan ko ngayon. Uma-umaga kaming naglalakad at nag-eehersisyo rito lalo na kung wala siyang trabaho sa talipapa. Magtatatakbo ako nang magtatatakbo sa buong kalye na para bang minsan lang ako makatikim ng kalayaan, na para bang wala nang bukas. Magtatatakbo hanggang biguin ng sariling lakas at mauhaw. Sa ganoon lang kasi napapanatag ang aking loob. Sa ganoon lang napapakawalan ang lahat ng ligalig sa aking dibdib. Sa ganoon lang natutuklasan ang hindi pa kilalang bahagi ng sarili. Hindi ko mabakas ang mga umagang iyon sa sandaling ito.

Kapitbahay namin si Joaquin. Kinse anyos pa lamang siya at maagang naulila. Palagi niya akong hinahatiran ng pagkain sa tuwing makakaligtaan ng kasama ko sa bahay na mag-iwan para sa akin. Ngayon lamang niya ako hindi nadalhan ng anuman. Ayon kay Aling Delia, bumigay daw ang bubong ni Joaquin kagabi. Papaano’y gawa lamang din sa magagaang materyales ang bahay. Mabilis daw na pinasok ng abot-dibdib na baha ang loob. Winasak ng matinding hampas ng hangin ang buong balangkas nito. 

Kanina’y sinubukan kong hanapin si Joaquin sa evacuation center. Gaya ko, hindi lahat ay nanatili roon. Maliit lamang kasi ang lugar. Parang mga sardinas na nga kung magsiksikan sa loob ang ni wala pang isandaang pamilya. Hindi ko natagpuan miski anino ni Joaquin doon. Kaya’t narito ako sa gitna ng di matimplang umaga, sa piling ng di matimplang mga tao, tinitiis ang kumakapit na lamig. Nakatangang naghihintay sa pagdating niya.

Nakatitig pa rin ang ale sa nakabulagtang katawan ng refrigerator. Marahil inaarok ng isip ang lahat-lahat. Walang imik na sinasagupa ang daluyong ng emosyon. Di alintana ang abalang paligid, samantalang patuloy na bumubugso ang hangin. Dahan-dahan akong lumapit sa kanya. Nais ko sanang tanungin kung ayos lamang siya kahit malinaw naman sa akin ang sagot. Isang buntonghininga’t nagpakawala ako ng mahinang kahol. Iyong kahol na animo’y humihingi rin ng kamay na sasagip. 

Sansaglit, muling bumuhos ang ulan. Ipinipintig ang nalulunod naming daigdig.