ni Angelina Patricia Bondad

Marahan ang pagdaplis ng hangin sa aking balat. Marahan, ngunit nanunuot. Nakatayo ako ngayon  sa isang tulay ilang kilometro lamang mula sa aming bahay. Kasabay ng mga dahon at sanga ng mga  punong nasa paligid ko ay ang pagsayaw ng mga hibla ng aking buhok ayon sa ihip ng hangin. Saglit akong  napapikit at sinamantala ang haplos ng simoy ng hangin. Iniangat ko ang aking ulo, at nang idilat ko ang  aking mga mata’y sumalubong sa akin ang milyun-milyong mga bituing nagsisikislap. Pinaliliwanag nila  ang kadilimang bumabalot sa mundo. Ipinaling ko sa bandang kanan ang aking ulo at doon ay masiglang  ngumiti sa akin ang buwan. Mabuti pa siya, nakangingiti. 

Kamakailan lamang nang pumanaw si Mama dahil sa Leukemia, at nag-a-adjust pa rin kami sa  mabigat na pangyayaring ‘yon. Hindi madali, syempre, lalo na’t tumatakbo rin sa isip ko ang mga gastusin  sa bahay at sa pag-aaral. Pa-sideline-sideline lamang si Papa sa construction working, at sa ngayon, wala pa  siyang proyekto ulit. Tatlo kaming magkakapatid at ako ang panganay. Kasalukuyan akong nasa 3rd Year  College, habang ang sumunod sa akin ay Grade 12, at ang bunso ay Grade 10. Bilang panganay, ako ang  inaasahan na pinakamakatutulong sa pamilya, kaya kumakayod na rin. Crew ako sa Jollibee. Part-time lamang kaya mas mababa ang kita, ngunit mas mainam na ‘yon kaysa wala. Kung sa usaping pag-aaral  naman ay hindi rin gaanong pumabor sa akin ang tadhana. Bagamat arkitekto ang gusto ay sa larangan ng  edukasyon ang naging bagsak ko. Dahil sa kahirapan, isang patay na pangarap na lamang ‘yon. 

Napakuyom ang aking kamao. Patay na pangarap. Mas pumait pa ang aking panlasa kasabay ng  pagsikip ng aking dibdib nang maalala ang nangyari kanina sa bahay. Sinong matutuwa kung pagod na  pagod ka sa pagtatrabaho pantulong sa mga gastusin sa bahay at pag-aaral ngunit may ibang gagasta  lamang ng mga kinikita mong pera? Hindi lamang ako basta trabahador, mag-aaral din ako, kung kaya’t  doble ang hirap. Nakasagutan ko kanina si Papa nang malaman kong malaki na naman ang ibinawas niya  sa nakabadyet naming pera. Mahirap ‘yon para sa akin, sapagkat inani ko pa ‘yon mula sa pagbabanat ko  ng buto kaakibat ng pagluha ko ng dugo sa pag-aaral. Ginasta niya lamang ‘yon pang-inom. Sobrang  makasarili lamang pakinggan. Habang pinagpipiyestahan ako ng mga personal kong problema,  nagpapalamon lamang siya sa mga luho niya na hindi naman sa sarili niyang bulsa nagmumula ang panggastos. Pinipilit ko na lamang magtrabaho at mag-aral, ngunit sa loob-loob ko, sukong-suko na ako.

Kung Sisipa Muli ang Liwanag 

Pakiramdam ko’y nilalamon ako ng lungkot at hindi maintindihang kawalan ng pag-asa sa buhay. Tuwing  sinusubukan kong iangat sa putik ang aking paa, lalo itong lumulubog — lalo akong lumulubog. Pakiramdam ko tuloy, bilang lalaki, anghina-hina ko. 

Tumingin ako sa buwan. “Ikaw, kung mabibigyan mo ako ng senyales na may pag-asa pa — kung  sisipa muli ang liwanag — hindi ang gabing ito ang magmamarka ng katapusan ko.” 

Tila ba naintindihan ng buwan ang aking sinabi nang mas lumakas pa ang ihip ng hangin na para  itong sumisipol. Tila ba sumagot ang buwan. Madaling-araw na, pasado ala una, kung kaya’t hindi  nakapagtataka na halos wala nang dumaraan na mga sasakyan. Mapayapa ang kapaligiran. 

“May problema ba?” 

Muntik na akong mapatalon mula sa aking kinatatayuan nang may biglang sumulpot na babae  mula sa aking likuran. Mahaba ang kanyang buhok at nakasuot lamang siya ng gray na bestida at tsinelas.  Aakalain kong ligaw na kaluluwa siya kung hindi pa tumama ang kanyang balat sa braso ko nang tumabi  siya sa akin. 

“Marami.” Pilit akong tumawa. 

“Marahil ay nakatakda talaga tayong magkita rito,” aniya. “’Yan din ang sadya ko, e.” Agad na nagsalubong ang mga kilay ko. “Anong ibig mong sabihin?” 

Hindi ko inakala na sa simpleng tanong na ‘yon, magkakaroon ng dalawang estrangherong  makatatagpo ng kaginhawaan sa isa’t isa. Nagkwento ako at nagkwento rin siya. Matagal na siyang  nakararanas ng pang-aabuso mula sa kanyang ama. Wala na rin siyang ina katulad ko, at wala na sa piling  nila ang ate niya nang ikasal ito isang taon na ang nakalilipas. Bihira na rin ito kung dumalaw dahil sa layo  ng napiling lugaran kasama ang asawa. Talagang minalas siyang mag-isang naiwan sa ama niyang  lasinggero din. 

“Ano nga palang ngalan mo?”

Kung Sisipa Muli ang Liwanag 

Saglit ko siyang pinagmasdan. Oo nga pala, hindi pa namin kilala ang isa’t isa. “Vincent.” Inilahad  ko ang aking kamay saka tumango, tumutukoy sa kanya. “Ikaw ba, anong pangalan mo?” 

“Vanjie.” 

Ngumiti lamang siya, at dahil hindi niya inabot ang aking kamay, ibinalik ko na lamang ito sa aking  tagiliran. Tumindig si Vanjie sa rehas ng tulay. Makapal ‘yon at patag, kung kaya’t posible namang  maiangkla ang mga paa ng isang tao. Sumunod ako sa kanyang ginawa. 

“Masaya ka ba ngayon?” 

Sumipol muli ang hangin. Nagsilbi ‘yong instrumento upang mas mapagmasdan ko pa ang maamo  niyang mukha. Napako ang aking mga mata sa kanyang mga matang kumikislap. Nakaangat ang kanyang  ulo ngayon at binabati ang mga bituing kumakaway sa kanilang pagningning. 

Bagamat mabigat ang dinadala ay sinubukan ko pa ring ngumiti. Malabo at hindi kongkreto ang  ideya sa kung anong mayro’n sa katanungan niya, ngunit sumagot na lamang ako na para bang singklaro  ng tubig sa sapa ang mga nararamdaman, “Oo naman.” Masaya sapagkat may tainga naman pala ang  buwan. Dumidinig naman pala ito ng kahilingan para sa kapayapaan. 

Lumingon siya sa akin, at sa hindi maipaliwanag na rason, nakangiti siya na para bang totoo ang  kurba sa kanyang mga labi, kahit ramdam na ramdam ko ang krus sa kanyang dibdib. “Tara?” Inialay niya  ang kanyang kamay. 

Kaya pala hindi niya kanina inabot ang aking kamay, dito pala nakatakda. Totoo nga, sisipa muli  ang liwanag. Sisipa ito, ngunit kailangang may matapos. Kailangang may bagong simula. Sisipa ito upang  itungo kami sa kabilang dako ng mundong ito. 

Ngumiti ako bago tumango. Nagpataw ako ng tingin sa kanyang kamay saka ‘yon inabot. “Tara.” May pag-asa pa sa kabilang buhay.

Citation:Image by Robert Wiedeman via Unsplash (unsplash.com)