ni Arnold Tristan Buenaflor

Walang sibuyas.  Kung mayroong sibuyas sa sari-sari store nila Tatang Totel, hindi na sana nagkaproblema sa online grocery ang magkapatid na Istan at Andeng. 

“Mayroon naman sa palengke sa labas.” banggit ni Andeng sa kaniyang kuya. 

“Bawal lumabas.” simpleng paalala ni Istan, dikit pa rin ang mata sa laptop screen.

Nagugutom na ako, kuys.” hawak ni Andeng sa kaniyang tiyan at padabog na umupo sa kanilang kawayang bangko.

Wala naman nang hard-lockdown, pwede na muli pumunta nang pisikal sa mga tindahan. Ngunit dahil apat na taong gulang pa lamang si Andeng, hindi siya maiwan basta-basta ni Istan. Silang dalawa ang magkasama sa bahay tatlong taon na ang nakalilipas. Hindi pa nakakauwi ang kanilang ina mula Canada simula nang pandemya. Noong unang panahon, B.C (Before Covid), iniiwan na lang ni Istan ang kapatid kina Tatang Totel bago siya lumuwas papuntang Diliman mula sa kanilang maliit na barangay sa Sto Tomas, Batangas. Ngunit lumiit lalo ang mundo, lumiit lalo ang barangay nang magsuot ng face masks ang mga tao. 

Plano sana magluto ni Istan ng lomi para sa kanilang dalawa habang nakikinig sa online classes. Sa loob ng dalawang taon, naging expert na si Istan sa pagbalanse ng paghiwa at Zoom, pagprito at Google Classroom, at pagbaga ng uling at VLE. Pero para maging matagumpay ang pang-arawang balanseng ito, kailangan munang kumpleto  ang mga rekado na kakailanganin ni Istan. Para mabilis. Tuwing Linggo siya namamalengke sa Sto Tomas Public Market ngunit naging dehado sa oras nitong mga nakaraang araw dahil sa pag-aasikaso sa pag-enroll kay Andeng sa kinder at sa mga gawain sa gradwadong pag-aaral. Hindi rin kumportable si Istan na may mga sundalo na sa palengke. Bukod sa virus, nagkalat rin ang mga ito sa mga kinalakihang mga lugar. Natatakot si Istan na baka isipin ng kapatid na normal lang makakita ng baril at batuta sa paligid.  “Ngayon lang yan ah.” Paalala ni Istan nang isama ang kapatid mamalengke isang beses. 

Buti sana kung sibuyas lang ang kulang, wala ring miki noodles at manok. Hay. Hindi kayang tiisin ni Istan ang kaniyang bunsong kapatid. Pangako kasi ni Istan sa sarili na aalagaan niya nang mabuti ang kapatid. Kadalasan, kumpleto naman ang mga binebenta sa sari-sari store nila Tatang Totel.

“Nako, Istan titigil ko na siguro ang pagbenta ng mga gulay, mahal kasi ang delivery dahil sa oil price hike.” banggit ni Tatang Totel nang tumakbo sa kanila kaninang umaga si Istan. Tindahan lang nila Tatay Totel ang nagbebenta ng gulay sa loob ng pinagtagpi-tagping Sitio Caterina Siena. Liban sa kanilang tindahan, yelo, at piratang mga cd lamang ang binebenta sa kanilang masikip na barangay.

“Mr. Flor, nandiyan ka pa ba?” 

Nagulat si Istan sa banggit ng kaniyang pangalan, sinenyalesan ang kapatid na tumahimik sabay sagot, “Opo, sir.”

“Mukhang ang lalim ng iniisip ah.” pribadong mensahe sa kaniya ng kaklaseng si Dara.

“Iniisip ko kasi ano lulutuin, wala nang pagkain sa bahay.” reply ni Istan

“Hm, natry mo na ba mag-online grocery?” suhestyon ng kaibigan.

Hm, online grocery? Hanggang Shopee at Lazada pa lang ang nararanasan ni Istan.Hindi niya pa kahit kailan nasubukan ang online grocery. Inisip niya na para lang ito sa mayayaman. At mapapatunayan niya siguro ito sa mga susunod na oras. Nang i-type ang ‘online grocery Sto Tomas, Batangas’, ang lumabas lamang sa Google ay Waltermart at SM Calamba. Mas malapit sa kanila ang SM Calamba ngunit nang usisain ni Istan ang page, nalaman niyang may 5km vicinity for delivery rule kaya sa WalterMart Tanuan na lang ang pinili ni Istan. Unang bumungad sa page ay ang paalala na “Order from 8 am -10 am and get your order today at 2:00 pm- 5:00 pm”, tiningnan ni Istan ang oras sa laptop: 9:30 am. Puta. Nakakalito rin ang lay-out ng page malayo sa orginasadong mga pwesto sa palengke. Noong una, iniisa-isa pa ni Istan ang tabs sa ‘Shop by categories’ na opsyon pero nang mapansin na dumadami ang mga naa-add to cart, minabuti ni Istan na diretsang i-search na lang sa Find tab ang mga kailangan para sa lomi. Ang dali pa lang malunod sa mga ilusyong opsyon. Sa pagpili ng manok natagalan si Istan. May litrato lamang ng manok sa page at sa baba nito, pipili ka kung ilang kilogram. Nakakalito dahil hindi makita ni Istan gaano kalaki ang multong manok na binibili. Ganito rin sa sibuyas. Litrato lamang at kung ilang kilo. Mayroong opsyon din na “Call first if item not available” sa check-out na siyang pinili ni Istan. Sa huli, naka P400 si Istan at P100  para sa delivery. Mahal na ito para sa kanilang budget. Nilagay ni Istan ang kanilang address at tuluyang nagcheck-out. Umabot sila sa 10:00 am na cut-off.  Patapos na ang klase ni Istan sa Special Topics: Food Literature nang narinig niyang tumunog ang kaniyang cellphone. Pinindot niya ang mute sa Zoom at sinagot ang tawag:

“Sir, wala ho kaming sibuyas. Replace po ba natin? On the way na rin ho kami. Kaso sir, pwede ho ba sa palengke magmeet? Makipot pala daan sa inyo.”

Sa inis, sinarado ni Istan ang kaniyang laptop, tumayo, at lumapit sa kapatid. “Tara, kailangang lumabas para sa sibuyas.” 

Dibaleng may sundalo sa palengke. Dibaleng maghabol na lamang sa klase. Kailangan pa rin talaga lumabas. Para sa pagkain. Lumabas.