ni Karla Lorena

Kaya ka madaling iwan kasi maiintindihan mo.

Kasi alam nilang ngingiti ka sa gitna ng paalam.

Alam nilang hihintayin mo muna ang kanilang paglayo bago ang iyong pagluha. Hindi nila maririnig ang iyong hikbi’t hagulhol kaya akala nila mahimbing ang iyong pagtulog.

Alam nila kung paano ka lunurin ng lungkot, at pagod na silang sagipin ka. Alam nilang hindi mo isisisi ang kanilang pag-ahon, at iisipin mo lamang na ikaw ang rason. Kaya nang saglit kang nadala ng mga alon, sinamantala nila ang pagkakataon upang makatakas. Agad agad silang lumangoy patungong dalampasigan. Alam nilang mas pipiliin mong isipin na katulad mo ay natangay din sila at kasalanan mo ang biglaang pagbitaw- kaya’t namanhid ang iyong mga kamay sa paghingi ng tulong at namaos ang iyong boses kakasigaw ng kanilang pangalan. Kay lawak ng karagatan kaya paano mo nga ba malalaman kung nawawala sila o sadya ka nilang iniwan?

Kaya ka madaling iwan kasi maiintindihan mo.

Ngunit hindi mo naiintindihan.

Wala kang maintindihan.

At wala kang kasalanan.

At kung sisihin mo man ang iyong sarili sa kanilang paglisan, kasalanan ba ng langit ang paglubog ng araw? Anong ginawa ng umaga’t nawala ang buwan?

Hindi kailangan ng dahilan upang patuloy na umikot ang kalawakan.

May dumarating at umaalis.
Lilisan ang lilisan kahit ilang beses natin pigilan ang paalam.

Ngunit hindi mo ito kasalanan.
Wala kang kasalanan.
Sugal ang pag-ibig na pananatili ang itinataya, at tanging duwag ang sumusuko sa taong handang magparaya.

Buti nalang pala madali kang iwan.

Dahil sa gano’n, alam mong pinipiling manatili ng mga nananatili.

At hindi mo sila dapat pinipilit.