ni Karylle Oval

Sa kagitnaan ng malamig na gabi, dumadampi ang init ng pighati sa mga mukhang hindi maipinta ng anumang lapis at pintura. Naglalakbay sa dalampasigan habang binibigyan ng liwanag ng bilog na buwan. Hinahanap ang isang babaeng mayroong kakaibang kinang sa mukha dahil sa kanyang matatamis na ngiti—si Estrella. 

Noon ay madalas siyang makikita sa dalampasigan, nakamasid sa makinang na tubig at niyayakap ang mga alon habang tanaw ang hugis suklay na buwan. Nangingibabaw ang kanyang angking gandang hindi masungkit ninuman at talagang nakagigiliw kung pagmamasdan. 

Sa paglipas ng araw, ang dating hugis suklay na buwan ay unti-unting parang nagiging hugis plato ngunit kagaya ng dati, nariyan si Estrella at taimtim pa ring pinagmamasdan ang pagsayaw ng mga alon sa karagatan at pinakikinggan ang mga huni nito. Sa kabilang banda, matatanaw sa mukha ni Estrella ang unti-unting pagkakabasag ng mga matatamis niyang ngiti habang bumubuntong hininga. Nilapitan ko siya at tinanong ng “Kumusta ka?” Agad siyang lumingon sa akin at dala pa rin niya ang blangkong ekspresyon sa mukha. Aniya, para siyang niyayakap ng kalungkutan habang siya’y taimtim na nakatingin sa dalampasigan. Traydor umano ang kasama niyang ito dahil habang siya ay kinagigiliwan ng mga nakamasid sa kanya, siya ay niyayakap nito, hinahabol, at hindi tinatantanan na siya umanong bumabasag sa kanyang kapayapaan. Sa mga panahong iyon, hindi ko siya maintindihan dahil hindi ko kilala kung sino ang tinutukoy niya kaya tumayo na lamang ako sa kanyang tabi at siya ay taimtim na sinamahan sa pagmasid sa buwan at karagatan. Matatanaw sa kanyang mga mata ang kanyang pagsigaw ngunit hindi ko marinig ang kanyang mga sinasabi dahil sa lakas ng huni ng mga alon.

Sa gabing ito, buo ang buwan. Ito ay bilog na bilog at kay ganda kung pagmasdan. Ngunit hindi katulad ng mga nakaraang araw, mayroong kulang. Nasaan si Estrella? Wala na siya sa dalampasigan. Napakaingay at nakabibingi ang katahimikan sa gabing ito. Siya ba ang kinain ng Bakunawa sa halip na ang buwan? Ako ay lumingon sa kanan at kaliwa, ngunit ni anino niya ay hindi ko makita. Sinuyod ko ang paligid, at sa bandang puno ng buko ako ay mayroong natanaw na kakaibang bagay. Isang bituing nahulog mula sa langit, nakasabit habang yakap-yakap ng tinutukoy ni Estrella na kalungkutang nakasunod sa kanya. Mukhang nahanap ko na si Estrella. Mukhang siya ay sumama na at tuluyang nakipagkaibigan sa kalungkutang madalas na nakabuntot sa kanya—paalam Estrella. Pasensya na kung huli na noong makilala ko ang tinutukoy mong kalungkutan, pasensya na hindi ko narinig ang mga taimtim mong sigaw. Tama ka, traydor siya dahil para siyang isang dagat ng lason na nakalulunod at mahirap takasan… nakamamatay at hindi lamang basta-bastang nakababasag ng mga ngiti at ng kapayapaan.