ni Nique Jade Tarubal

Nasipngeten (Madilim Na)

Nu nasipngeten, lukatam ta silawen
Madalas itong sabihin sa’kin ng aking lola noon
Sa Ilocano, ibig sabihin, kapag madilim na’y dapat nang buksan ang ilaw
Na tila ba hindi dapat natin hinahayaan ang katiting na segundo
Na maging puwang upang makagapang ang dilim sa mga silid
Pero sa araw na ito, sa pagsapit ng alas sais
Ay hindi ko binuksan ang anumang ilaw
Hinayaan ko ang dilim na yakapin at hagkan ang paligid
Hinayaan kong magpahinga ang mga pahina ng aklat
Pinabayaan kong nagkukumpulan ang mga kalat
Hindi ko tinapos ang listahan ng mga takdang-aralin
Humiga ako sa sahig, sa piling ng mga katulad kong alikabok
At iniratay ang labi ng mga naglalaho kong pakiramdam
Baka naman hindi laging kailangan na itaboy ang dilim
Dahil pakiwari na nati’y hudyat ng pag-ilaw
Ang pagpapatuloy sa naiwang gawain
Baka tayo’y nagiging isa nang alipin
Sa paniniwalang lagi tayong makakaaninag sa liwanag
Baka kailangan din nating makipagtipan sa dilim
Dahil pinakakawalan nito ang ating mga lihim
Dahil hindi nito huhusgahan ang ating mga panaghoy
Dahil kinikilala nito ang ating mga nararamdaman
Makapaghihintay naman siguro sa’tin ang liwanag
Tulad ng buwan na nakadungaw sa’kin habang ako’y lumuluha

Kumusta?

Mahirap isilid sa kahon
Ang kap’rasong tanong na ito
Oo nga’t nagtutulakan ang gustong makipagharap sa tandang pananong
Ngunit halos lahat kumakalas din sa pila

Naiiwang tikom ang bibig ng mga bantas at salita
Umuurong ang dila
Dahil sa tahimik na pagitan ng paghihintay ng tugon
Kumusta ka?

Saang bahagi ba ng kabanata dapat magsimula?
Nabalitaan mo na bang pumanaw na si Lola?
Alam mo na ba ang tungkol sa hirap kong matulog sa gabi?
Baka hindi pa

Tuldok ba o tandang padamdam ang gagamitin kong bantas
Isisiksik ko ba sa isang mahabang talata
O pagkakasyahin sa iilang parirala?
Nakakapagod ayusin ang salita’t bantas
Kumusta ka?

Ayos lang.

L.A. Piluden

Masikip ang mga pasilyo ng Zoom
Siksikan ang kaba at takot sa pagpasok
Ngunit magaan ang pakiramdam ko sa klase ni Ma’am L.A.
Pakiramdam ko’y naroon pa rin ako sa isa mga silid sa UP Baguio
Masaya akong matuto
Mula sa isang mambabasa, mula sa isang manunulat
Mula sa isang nakakapagpamulat
Sa mga bagay na dating hindi pinagtutuunan ng aking mga mata
Alam kong malabong maglakbay ang tulang ito sa’yo
Pero salamat Ma’am L.A.,
Sa isang semestre
Dahil sa’yo’y mayroon akong mga napagtanto
Malawak pa pala ang maaari kong maging paksa
Kaya ko po palang hagkan ng panulat ang ating kultura
Kaya palang yakapin ng aking papel ang ating kasaysayan
Nawa’y magkita pa rin tayo sa tunay na klase
Magkakitaan ng walang sinisinding kamera
Magkadinigan nang walang binubuksang mikropono
Kasama na ang iba pang mga propesor at instruktor
Si Ma’am Bayquen, Ma’am Balmores, Ma’am Ides, Sir Benj
Ma’am Floresca, Sir Thedd, Sir Dennis, Ma’am Jeraiah
Mga guro na hindi hinangad na ipedestal ang kanilang mga sarili
Kung hindi tunay na maialay ang kanilang kaalaman
Para sa mga estudyanteng nakatakdang maglingkod sa bayan