ni Rochel Ellen Bernido

“Nauubos na ata mga black kong damit, a,” biro ko sa isang malapit na kaibigan habang mugto ang mata, tuloy-tuloy pa rin ang paghahalungkat ng maisusuot sa aparador. 

Naisuot ko na ang isang black na pantaas noong sumama kami sa isang pagkilos; nahiram ko na rin pati ang itim na turtleneck ng isang kakilala nang tumungo kami sa isang lamay; itim din ang isinuot ko noong nagkaroon ng candle-lighting protest; at ngayon, naghahanap ulit kami ng tig-isang itim na pantaas para sa panibagong lamay.  

“’Yan ulit ‘yung last week, a.”  

“Wala namang iba, e.”  

Hindi naman required na magsuot kami ng itim, maiintindihan naman siguro ng namayapa kung nagkataong nasa labahan na ang mga itim naming mga t-shirt o kung mag-ibang kulay kami sa lamay nila. Hindi na rin naman kami naniniwala na “nakakakilabot” ang pagsusuot ng pula dahil “sumisimbolo ito sa kasiyahan,” iba na rin ang ibig sabihin ng kulay na ito sa amin.

Pero sa mga panahong iyon, parang alam ko na ang pakiramdam kapag ginugustong mag-itim ng mga tao sa panahong may namamatay – labas pa sa pamahiin ng lamay.

Mabilis kaming nagbihis para abutan pa ang a las siete’ng programa. Papunta na rin ang iba pang kakilala, magsasapatos na lang kami nang mga panahong ito nang matanggap namin ang isang text: “positive daw si papa, close contact ako.”  

Ang ending, paralisado ang buong bahay.  

Hindi rin pala kami makakapunta sa lamay.  

Walang ibang magandang tugon sa isa na namang disgrasya kun’di, “putangina.” Napa-putangina na lang ako. Nagluluksa pa lang kami noong nakaraang linggo, nakahanda na kami para sa panibago ngayong araw, tapos, eto,  mayroon na namang bagong kailangang ipag-alala.  

“Putangina,” kinuha ko ang cellphone ko at naghanap ng pupuwede naming gawin kahit alam ko naman na ang sagot. “Wala ka namang nararamdaman, ‘di ba? Ubo, sipon, wala?”  

“Wala,” tinanggal na niya ang sumbrero niya at lumapit sa akin. Kita ko sa mukha niya ang hitsurang nagsasabi na naghahanap na lang ako ng excuse at paraan para malusutan ang isang bagay na pareho naman naming alam na walang patutunguhan. Alam kong hinihintay na lang niya akong kumalma. “Kaso two-weeks pa rin ang quarantine period, ‘di ba?”  

“May bago nang guidelines, ang alam ko.”  

Nakahinga ako sa isang nakitang headline ng CNN: hindi na kailangan ang COVID-19 test para sa mga close contact na walang sintomas. Wala nang maglalabas sa amin ng P900 hanggang P2, 000 para sa kapritsuhang ito. Hindi na rin two-weeks ang quarantine period, hindi na mahaba ang pagkaantala ng mga bagay-bagay. 

Ang kaso, pitong araw pa rin ang isolation period para sa mga bakunadong indibidwal. Hindi pa rin kami makakapunta sa lamay o makakatungo sa ospital, alinman sa dalawang ‘yan.  

Putangina.  

Ninakaw na nga ng gobyerno ang dalawang taon natin para sa isa’t isa, ninakaw pa rin ng kagaguhang tugon nila sa pandemya ang huling sandali na kasama sana natin, kahit sa simpleng parangal man lang, ang mga taong mismong kinuhanan nila ng buhay.  

“Gusto mo, manood na lang tayo sa TV?” tanong sa akin ng kasama habang pinapanood niya ang livestream sa cellphone.  

Livestream. Facebook livestream. May comments, heart, like, laugh, at angry reax. Nakakatawa na nakaka-gago, parang napakanormal na lang ngayon ng ideya nang makiramay sa panonood ng birtuwal na lamay.  

Wala na kaming nagawa, nagkasya na lang kami sa panonood at pakikinig sa kulob na tunog ng speakers ng telebisyon habang nagkakanya-kanya sa pagpunas ng luha.  

Ilang oras din ang makalipas, nag-cut ang livestream. Agad akong nag-chat sa isang kaibigan. 

“Anong nangyari?”  

“Wala na, tapos na.”  

Ganun-ganon na lang, tapos na. Ni hindi namin nayakap ang mga kaibigang nagluluksa rin o nakapagbahagi man lang, kahit sa kuwentuhan, ng mga maliliit na bagay tungkol sa mga kakilala’t kaibigan na nawala.  

Pero sa gitna ng galit at lungkot, isang bagay lang ata ang nanatili sa akin sa gabing iyon. Tama ang isang tagapagsalita, 

May panahon ng pagluluksa at may panahon ng pagtutuos.  

Sa mga sumunod na araw matapos naming makalaya sa pagkaka-quarantine, agad kaming lumarga para sa iba pang pagkilos. Hindi pa ito pagtatapos, may panahon pa ng paghaharap at may panahon pa kung saan maniningil tayo sa mga inutang na buhay ng gobyernong ito.

Pero sa ngayon, wala na sana akong kasunod na puntahang lamay. Masyado pa ako — masyado pa tayong — bata para umabot sa higit limang tao ang ipinagluluksa. 

Ayoko nang maghalungkat sa aparador ng malinis at itim na damit. Quota na ako sa unang kwatro ng 2022, ayoko nang maubusan ulit ng black t-shirt sa dalawang magkasunod na linggo.