ni Mark Anthony Pedere

LALAMUNIN NG TUBIG ang ilang mga bayan sa Metro Manila, Bulacan, Roxas, Cebu, Iloilo, at Zamboanga sa pagsapit ng taong 2050 dahil sa patuloy na pag-angat ng lebel ng tubig sa dagat sa buong mundo. Ito ang sumisingasing na kongkretong impormasyon mula sa pag-aaral ng organisasyong Climate Central. Walang ano-ano. Rekta ang pagbabalandra ng propesiyang nakapook sa materyal na kondisyon ng bansa: malulubog

Nakapangalawang buhos na ako sa pagligo nang madatnang wala nang nakahigang sachet ng shampoo sa maliliit na tainga ng pader ng banyo. Napatapis tuloy ako at napalabas upang halughugin ang mga kabinet sa sala kung saan parati naming iniimbak ang mga sabon at shampoo. Wala. Sa mga sulok-sulok sa kusina. Wala. Napagdesisyunan kong itanong na lamang kay mama sa pagbabakasakaling may naitabi pa siya, subalit pag-akyat ko sa kaniyang kwarto ay naabutan ko siyang may kausap. 

“Maupay la it amon kabutangan didi, ‘che,” boses ni lola na iniluwa ng naka-loudspeaker na selpon. “Waray kami kaabot han tubig tikang han dagat.” May kambyo ang tono. Ilang araw na naming sinusubukang kontakin ang mga kapamilya sa Leyte nang magsimulang manalasa roon ang Bagyong Agaton, subalit ngayon lamang sila nakasagot: 

“Ginbuhat namon ang mga appliances.” 

Abot-pusod ang taas ng baha. 

“Hay ‘sus! Ayaw na iton. May makakaon pa kami didi!” 

Nalunod ang pananim at ilan sa mga manok na alaga. 

Nagtapos ang maikling tawag sa aming mga pahabol na paalala. 

Nang matipon pabalik ang katinuan, ipinaalam naman sa akin ni mama ang isa pang nakalulungkot na balita: wala nang shampoo. Saka niya ako inabutan ng pera at inutusang tumakbo pa-grocery upang bumili na ng sandosenang pakete. Napabihis akong muli. 

Sa pamilihan, tumambad sa akin ang pagkahaba-habang pila. May mga iilang may hawak na malalaking supot ng plastik ng bihon, tinapay, at asukal (maghahanda yata ngayong Semana Santa). Subalit karamihan ay mukhang mga may-ari ng sari-sari store na namimili ng mga nakakarton pang mga 

sitsirya, sabon, de lata, sigarilyo, at alak (maghahanda yata pagkatapos ng Semana Santa). Sa isang gilid ay sumiksik ako upang tuntunin ang sisidlan ng mga patong-patong na paboritong shampoo, saka maingat na bumunot ng dalawang mahabang hibla nito (sais ang bawat isa, pero P35 na lang kapag isang hibla o anim na piraso ang bibilhin). Habang nasa dulo ng pila, nadatnan ko ang sarili na nagbabasa ng mga ingredients na nakaimprenta sa likod ng pinagmamalaking “triple sachet” na shampoo na ito. Wala akong maintindihan. Ang alam ko lang—ang lalagyan nitong umaandap-andap na plastik ay hindi basta-basta lang plastik. Primarya itong binubuo ng patong-patong na aluminum foil at polymers na silang nakatutulong upang panatilihin at patagalin ang kalidad ng mga produktong nililikha partikular sa mga tropikal na bansa. 

Ngayong pandemya, naging malaki ang gampanin ng mga produktong ito dahil sa kadaliang mabili at maipamahagi sa taumbayan sa porma ng ayuda. Subalit bago pa pumutok ang naturang krisis pangkalusugan, batid kong sa syudad ay talamak na ang paggamit ng plastik. Paborito itong kaulayaw ng mga paggawaan at pamilihan na silang babalot ng mga instant food na kakainin ng mga nagmamadaling manggagawa. Gayundin, ang mga plastik na ito ay hindi lamang lumilitaw, kung hindi bumibiyahe rin patungo sa iba’t ibang lunan: bahay, kalsada, mall, kainan, paaralan, simbahan, terminal ng bus, piyer, ilog, dagat, at maging hanggang sa, halimbawa, tiyan ng natagpuang patay na balyena sa Compostella Valley noong 2019. 

Ayon sa Global Alliance for Incinerator Alternatives, 59.7 bilyon na sachet ang kinokonsumo sa ilalim ng industriya ng plastik sa Pilipinas kada taon. Ang problema: ang uri ng plastik na ito ay hindi madaling maisalang sa pagreresiklo dahil sa patong-patong na materyales na taglay nito. Sinubukan naman na itong tugunan ng mismong mga kompanya gaya ng Unilever na isa sa mga pasimuno sa paggawa ng mga nakapaketeng produkto. Noong 2012, sinimulan nila ang Sachet Recovery Program kung saan ang mga gamít na mga sachet ng produktong Surf ay maaaring ipapalit sa Cebuana Lhuillier bilang libreng 25 Smart texts. Misis Walastik program naman ang tawag sa pangongolekta at pangangalakal ng mga sachet sa bawat barangay upang magbigay insentibo at/o ilikha ang mga ito bilang mga upuan at semento. 

Gayunpaman, ang sabwatan sa solusyong ito ay nananatiling tila supot o pantapal lamang dahil sa patuloy pa ring pagtaas ng produksyon ng tinging plastik sa bansa. Pinatutunayan ito hindi lamang ng mga nakokolektang gabundok na plastik na basura sa anumang anyong tubig sa kalunsuran at kanayunan o maging ng lumalalang global warming at climate change, bagkus dahil na rin mismo sa umaalsang pinag-uugatan nito: ang mababang pasahod (humigit-kumulang P500 bawat araw) sa mga manggagawang nagtatrabaho sa ilalim ng mga malalaking kompanya. Sapagkat sa isang milyu na nahahati sa iba’t ibang uri, hindi imposibleng masaksihan ang pagtatangkang lubusin ng mga kompanya ang pagkamal ng kita sa pamamagitan ng pagbibigay kapangyarihan sa mga tao na makabili at makakonsumo rin ng kanilang produkto—mga sandaling nakapakete bilang mapagkakakitaang tingi-tinging pagkakataon. 

Sa social media, umaalingawngaw ang #LetEarthBreathe dahil sa pag-aresto sa mga siyentista na nagprotesta sa harap ng JPMorgan Chase Bank sa Los Angeles, ang bangko na notoryus sa walang-habas na pagpopondo ng mga proyektong pang-“fossil fuel.” Kasabay nito, inginungudngod din ng malalaking kompanya ang tuon ng taumbayan sa negosasyon sa pagitan nila at ng mga taong may kakayahang makatulong daw sa maliit na pamamaraan: paggamit ng Ecosia, pagbubura ng mga hindi na kailangang elektronikong mensahe, pagbawas ng pagkain ng karne, paglimita ng paggamit ng plastik, at iba pa. Tila naninisi. Indibiduwalistiko. Malayo sa pagpigil sa Open-Pit Mining sa South Cotabato, pagbibigay sa mga Pilipinong siyentista ng sapat na pondo, pagsusulong ng makamasang programa sa relokasyon, at pagtugon sa kabuuang basikong pangangailangan ng mamamayan. Sintomas ng “ecofascism.” 

Atlantis ang maalamat na islang lumubog sa tubig, ayon sa kuwento ni Plato. Kung magkataon, marahil ganito rin ang sasapitin ng ilang mga lugar sa mundo pagdating ng 2050. Subalit bago pa marating ang panahon na iyon—bago ang inaasahang paglubog na magaganap, batid kong manunuluyan muna nang malubha sa ating mga balat ang lagitik ng init kung hahayaan ang labis na paglikha ng plastik. 

Paglabas ng grocery ay naabutan ko ang pagparada ng trak ng basura sa aming purok. Hindi pa ito nakararating sa dulong bahagi ng aming barangay subalit dinudumog na ng mga kapitbahay na may bitbit na mga basura. Balde-balde, sako-sako. Pinapasakan. Walang-tigil. Napatitig tuloy ako sa mekanikal na pagnguya ng kinakalawang nitong bunganga. Nangungusap.