Naging madilim ang mga nakaraang araw, at may pangamba sa ating malilikhang bukas. Marapat na ang ating ikalawang bahagi ay nasa direksyon ng pag-alala at pagpapaalala. 

Ipagpapatuloy natin ang paglulunsad ng bagong Likhaan, sa “bagong” normal na hinahanapan natin ng katuturan at kabuluhan. Muli naming ipapakilala ang ika-15 issue ng Likhaan: Journal of Contemporary Literature. Kasabay nito ang tatlo sa mga espesyal na aklat mula sa aming Philippine Writers Series, at mga handog na pagtatanghal mula sa ating mga Isko at Iska. Itatampok din ang mga napiling iskolar para sa Likhaan Scholarship 2022. 

Ito ay mapapanood sa Sabado, ika-21 ng Mayo, 6 n.g.

Para sa Likhaan 15, makakasama natin sina Adrian Pescador, na magbabasa ng kanyang akdang “Eye of the Petalstorm,” at si Stefani Alvarez na nagsulat ng “Transfinity Diary.”

Nais din naming ipagdiwang ang mga manunulat na nagtiyaga hanggang sa mailunsad ang kanilang mga proyektong libro. Tampok dito ang mga aklat mula sa tatlong siklo ng Philippine Writers Series. Para magkuwento tungkol sa kanilang libro at magbasa ng mga sipi nito, sasamahan tayo nina Alfonso Manalastas at Nico Pablo (mula sa koleksiyong Busilak), Eliza Victoria (What Comes After), at ICW fellow Cristina Pantoja-Hidalgo (What I Wanted To Be When I Grow Up). 

Bukod sa Likhaan Scholarship at ang pagpapakilala ng mga iskolar at ng mga kasama mula sa Likhaan Foundation, ihaharap ang  mga Isko at Iska na nanalo sa ating patimpalak na Life UPdates. Inilunsad ang contest na ito para makiugnay sa mga estudyante mula sa buong UP system, maitala ang kanilang mga danas ngayong panahon ng pandemya, at bigyan sila ng espasyo para lumikha at magpahayag. Sa premiere na ito, sasamahan tayo ng limang nanalo mula sa unang round ng patimpalak: sina Dolly Ann Mina at Khristian Ross Pimentel mula sa UP Diliman, Jazz Reformado mula sa UP Manila, at Robin Yankin at Mark Dorado mula sa UP Visayas.

Bilang tagapagpadaloy, makakasama natin ang isang premyadong aktres sa teatro, ang Amanda Bartolome ng Dekada ‘70 the Musical–si Stella Canete Mendoza.

Andaming good news, ‘di ba? Tamang-tama. <3 

Marami tayong matutunghayang pagtatanghal mula sa iba’t ibang henerasyon ng manunulat. Huwag itong palagpasin sa darating na Sabado. Magkita-kita tayo dito sa ating online community, at mag-ingat palagi!