Boac, Marinduque – Tuwing sasapit ang buwan ng Mayo, maliban sa Santa Cruzan, halalan at Flores De Mayo ay ipinagdiriwang ang Pambansang Buwan ng Pamana, Para sa taong 2022, ang tema ay “Pamanang Lokal: Binhi ng Kulturang Pilipino,” kung kaya nitong nakaraang Mayo 16, ay nagkaroon ng usapang pamana kasama ni Dr. Randy T. Nobleza, ang director ng Marinduque State College (MSC) Sentro ng Wika at Kultura. Kaugnay nito ang paghahanda sa ika-70 Anibersaryo ng pagkakatatag ng MSC ang pagbubuo ng Historikal na Koleksiyon at Pagpapanatili nito. Nagsamasama ang mga arkitektong Marinduqueño: Ar. Beda Magturo, Ar. Maynard Muhi, Ar. Roy Manrique, Ar. Giles Sol, at Ar. Marjonier Malabanan para sa pagdaraos ng  “Conversation on Conservation” bilang suporta sa Buwan ng Pamana at at pagdiriwang ng pitumpong taon ng Marinduque State College sa MSC Learning Resource Center main campus.

Kanilang tinalakay ang mga usaping pamana, particular ang mga Built Heritage na matatagpuan sa MSC na dating Marinduque School of Arts and Trades. Pinagusapan din ang kung paano mapapanatili ang kasalukuyang mga pamanang hindi natitinag sa kabila ng mga pagbabago at paglapit sa pagiging ganap na Pamantasan nito.Inalam ang legasiya ng MSC, lalo na ang mga built heritage simula pa noong 1950s gang sa kasalukuyan. Isang tampok na pamanang hindi natitinag ang “machine shop” at Automotive Building sa MSC main campus na lampas na sa 50 taon. Minungkahi ng mga arkitekto na magkaroon ng “living museums” kahit pa magtayo ng iba at mas bagong gusali sa Pamantasan na siyang magiging pamana ng MSC para sa komunidad. 

Magkakaroon pa ng serye ng mga usaping paman sa pagdiriwang ng MSC hindi lamang ng anibersaryo ng pagkakatatag nito kundi maging ng Buwan ng Pamana at pandaigdigang araw ng mga museo. Ginaganap ang “international museum day” tuwing Mayo 18, mahalaga para sa pagkilala ng papel na ginagampanan ng mga museo sa kontemporaryong panahon.

By:

Chenie Anne Jaculbia

SWK Intern