Hindi gaanong kahabaan ang mga tulang nakapaloob sa koleksiyong ito. Sa aking pagkakatanda’y tatlong tula lamang ang nagtataglay ng dalawa o higit pang saknong na nangangahulugang mayorya sa mga tulang narito’y binubuo lamang ng isang saknong. Masasabi na kayang tula ang mga ito gayong binubuo lamang pala ng isang saknong? Ang sagot ko riyan ay “oo.”

Sumandig ako, sa madaling sabi, sa tradisyon ng sukat at tugma [ hindi pagtutugma ng mga titik ng anumang patinig sa huling bahagi ng salita kundi pagtutugmang nakabatay sa tunog] na nakabalangkas pa rin sa katutubong anyo ng pagtula gaya ng diona at tanaga na pawang walang pinagkaiba sa mga sinauna nating bugtong at salawikain. Sa aking paniniwalang mahalaga ang dekolonisasyon sa panitikan, minarapat kong bumalik sa katutubong tradisyong ito upang ihayag ang aking mariing na pagsang-ayon sa diwa at esensiya ng nasabing paraan ng pag-iisip [gayong masalimuot na proseso ang nais ng dekolonisasyon.] Sa halip na sundin ko ang mga banyagang anyo ng tula gaya ng ghazal, soneto, at haiku, hindi ba mas mainam na ang gamitin ko’y ang pamana ng lahing aking pinagmulan?

Yaman din lamang ang pagbabandila ng lahing kayumanggi ang tunguhin ko bilang makata, masasabing hind inga nagkataon kung bakit ang sentral na naratibo ng aklat na ito’y ang buhay ng sakada at unyonistang si Pedro Calosa ng Tayug, Pangasinan. Makasaysayan at hitik sa datos ang kaniyang buhay kaya naman pahirapang ilagay ito sa isang tula na maliban sa bubuoin lamang ng isang saknong, ay may sukat at tugma pa’t idagdag mo pa ang sesura sa pagitan o internal na bahagi ng mga linya sa loob ng isang saknong. Masasabi ngang pinag-isipan ang ganitong anyo ng pagtula, dagdag pa ang mala-epiko nitong daloy subalit sa isang partikular na yugto lamang ng buhay ni Calosa. 

Akin ding isinalin sa Ilokano ang mga tula upang mas lalong mabigyan ng lokal na panlasa, katangian, at oryentasyon ang koleksiyon. Masasabing matapat at otentik ang ginawa kong pagsasalin, maliban sa talaga namang ako’y nagsusulat at nagsasalita ng Ilokano ay nananalaytay sa aking mga ugat ang dugo ng isang samtoy o Ilokano. Hindi rin dumaan sa anumang tagapamagitan ang mga tekstong isinalin. Mula lamang din ito sa basbas ng aking musa at katawang ipinaglihi sa bagoong at saluyot. Sa kabilang banda, ang ginawa kong hakbang sa pagsasalin ay akin na ring pagtalima sa mga simulain ng KWF na palakasin at pagyabungin ang paglalathala ng mga babasahing nasusulat sa anumang anyo ng rehiyunal na wika. Ito marahil ang ambag ng librong ito sa pambansang kaban ng wikang Filipino.

Sa kabilang banda’y babaliin ng pagsasalin ang sukat at tugma sa kadahilanang natural o likas na hindi pareho ang sukat at tugma ang paraan ng/sa pagbigkas sa pagitan ng wikang Filipino at Ilokano. Mahahaba ang salitang Ilokano na maaaring tumbasan lamang ng dalawa o tatlong pantig naman kung sa Filipino. 

Ang mga tulang narito’y aking mga takda na aking ipinasa sa Palihang LIRA para sa taong ito, na nangangahulugang kabilang sa mga tulang aking isinulat sa loob ng anim na buwan. At sa binuo kong estruktura ng koleksiyon, sinadya kong walang mapasamang banyagang anyo ng tula sa kadahilanang ito na ang palasak sa kasalukuyan, dagdag pa ang kaligayahang makapagsulat ng tula gamit ang istriktong pamantayan ng sukat at tugma sa panulaang Filipino. Kaya, ito marahil ang nakita ng mga umupong kasapi ng hunta ng mga inampalan na sina Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at dating Komisyoner ng KWF na si Virgilio S. Almario, makatang Fidel Rillo, at Ateneo Professor Danillo M. Reyes na gawaran ang koleksiyong ito ng Karangalang Banggit para sa unang taon ng Premyong LIRA. 

Ito ang ilang sipi mula sa ginawang pagsusuri ni Almario: 

O upang higit na mapatingkad ang aral ng kasaysayan, ang kabuluhan ng alaala para magabayan ang pagpapahalaga sa salimuot ng kasalukuyan. Ano nga ba ang nása ísip ni Pedro Calosa noon?

  Nagwala’t sumalpok ang sangkawang tuksó
         nagsayaw ang dahon ng paaning tubó;
         lasa ng amiha’y pawang sa ’sang apdó’t
         sumundot sa ilong ang sunóg na butó.

Natatangi ang pangwakas na larawang ito hindi lámang dahil sa may antas na tudlikan ang tugmaan sa naturang saknong. Nakagigimbal din ang atmospera ng sinusúnog (?) na tubuhan at nasusúnog ding katawan ng mga busabos na sakada—upang usisain pa natin ang Kolorum nang higit kaysa pekeng sasakyan ng poot. Sa tulong ng katutubong tugma’t súkat, ipinasasaliksik pa sa atin ng makata ang ating lumípas.

Nananalig ako sa dunong ng aking mga mambabasa. Kayo na ang humatol kung naabot ko bilang makata ang kahingian ng ating panahon. Alam kong masasapul ninyo ang dahilan kung bakit ko piniling tulaan si Calosa, kahit pa puwede namang tulaan ang isang pumpon ng mga langaw at rosas.

Non omnis moriar! Saan nga amin kaniak ket mapaksiat!

R.B. ABIVA
Disyembre 16, 2021
Siyudad ng Cabanatuan
Nueva Ecija