ni Darren Josef Sarmiento

“Sigurado po ba kayong nariyan sila ngayon?” pabulong na tanong ng isa naming kasama habang kami’y nakalinya’t gumagapang. 

“Oo, hijo, lalo na’t noche buena,” pabulong na isinagot ng aming kapitan. Sa katunayan, hindi ako nakasisigurong ang kapitan nga ang nagsalita. Sa kapal ba naman ng putik sa mukha namin, at sa hina ng boses na napapaibabawan pa ng kaluskos ng damo’t dahon, mahirap na talaga ang kumilala. Hindi ko rin nga alam ang pangalan ng marami sa aming kasamahan. Ni hindi ko na rin maalala kung ilang araw na kaming naglalakbay. Ang alam ko lang ay malapit na ang hinihintay namin; natatanaw ko na ang Lawa ng Paoay. “Huminto muna tayo,” bulong ng katabi ko kasabay ng kanyang pagluhod. Tinutok niya ang kanyang flashlight sa timog ng lawa, binuksan, at pinatay rin agad. 

Napakapayapa ng lawa; tila ba walang problemang bumabalot sa bayan. Ngunit kaya naman tahimik ay dahil dinadakip ang mga nag-iingay. Kalmado, dahil ang mga nangunguwestiyon ay bigla na lamang nawawala. Kahit ano pang ningning ng mga bituin sa gabi, hindi nito maliliwanagan ang dilim at takot na dala ng mga kalsada. Hanggang ang matira na lamang ay ang mga mamamayang bulag at sunud-sunuran. Tahimik at kalmado — nakapag-aalala. 

May umaninag na ilaw mula sa timog. “Handa na raw ang kabila,” bulong ng kapitan, at nagsimula muling gumapang ang mga tao upang magkatabi-tabi. Binuksan ko ang dala kong bag at sinimulan ang pamimigay. 

Sa bawat itak at baril na aking inaabot, mas nararamdaman ko ang bigat ng mangyayari. Nakapanghihina ng loob na maaaring hindi ko na muling makasama ang aking pamilya sa huli kong Pasko, ngunit bumabalik din ang paninindigan kapag aking naisip na marami pa ang mawawalan ng Pasko kung hinayaan lang silang maghari. Nakapanggagalit na mala-pista ang kanilang Pasko dahil ninakaw nila ang dapat na pamasko ng bayan, at tinatanggap lang ito ng

mamamayan! Kaya ngayong Pasko, imumulat namin ang mga bulag sa kung bakit ba namin ito ginagawa. “Handa na rin kami.” 

Umalulong nang malakas ang kapitan. Umalulong din ang nasa kabila, pati na rin ang nasa timog ng lawa. Pumwesto ang lahat paharap, pasugod sa palasyo ng Malacañang. Hindi na muli matatahimik ang lawang ito. 

Maligayang Pasko, mga putang ina niyo!