ni Lean Borlongan

Allysa,

Alam kong ayaw mo ng surpesang padala. Sasabihin ko sana pero baka magka-ansayeti ka pa.

Kakatapos lang ng ulan ngayong tanghali. Naririnig ko pa ang ilang kulog. Naiimagine kong nahihimbing ka sa pagtulog.

Sumusulat ako dahil seryosong bagay ito sa akin. Kahit pa nga ba wala naman akong bagong sasabihin. Naniniwala lang akong mas makakusap kita dito nang puso sa puso.

Tumataya lang ako. Parang nagcocombine o samon sa nilalaro nating online game na Mir4 para magka epic item kahit pa mas malamang na hindi palarin. At totoo, sa Mir4 may chance kahit paano. May burner pa nga. Alam kong sumusuntok lang ako sa buwan.

Nagkamali ako. Nagsinungaling. Sinira ko ang tiwala mo. Sinabi kong may danas ako sa seks kahit wala pa. Ipinagpapalagay ko kasing ayaw ng mga babae sa virgin, na baka hindi ka makipag seks sakin tho isang parte lamang ito. Ang mas malaking parteng nagtulak sakin magsinungaling ay dahil napepressure ako. Masyado akong mapride para umamin.

Nagsinungaling ba ako to trick you to have seks with me? Alam kong hindi. Pero siguro nga. Kung ikaquantify iyon ay gabutil lang ng bigas sa isang sako. Mas napepressure ako kaya ako nagsinungaling. 

Nahihiya ako sa totoo. Kahit pa gabutil na dahilan lamang iyon. After all these years na nirereject ko ang macho culture at inaadvocate ang women’s rights, pakiramdam ko, isa’t kalahating manyak lang pala ako.

May trust issues ka at nagsinungaling ako. Hindi ko pinahagalagahan ang bigat ng usaping ito sa iyo. Nahihirapan ka nang magtiwala at lagi nang may duda sa bawat sasabihin ko. Naiisip mong uulit at uulit lamang ako. Siguro kahit itong sulat pagdududahan mo. Magkagayon man man gusto kong malaman mong puso ko ang nagsasalita ngayon.

  Humihingi ako ng paumanhin. Nagkamali ako. Accountable ako sa nangyari. Paumanhin kung nagdulot ako ng kirot at sakit, ng pangamba at galit. Paumanhin kung naalala mo ang traumatic eksperience dahil sa ginawa ko. Lahat ng ito ay kasalanan ko.

Patawarin mo ako.

Sa mga pinagsamahan nating main quest, nadadapa ako at nadadapa. Ilang ulit akong namamatay sa mga boss ngunit lagi at lagi kang handang umalalay. Lagi at lagi kang nagtitiwalang kaya kong magtagumpay. Sa parehong paraan sana’y magtiwala ka na kaya kong magbago, that i can become a man worthy of your trust.

Siguro nga tama ka, pwede naman akong magbago mag-isa. Sa parehong paraan pwede ring ihiwalay ang chiswis sa tinapay, ang patatas sa giniling, ang niyog sa binatog. Pwede silang maging masarap sa sarili nila, pwede ring ihalo sa iba, pero iba pa rin pag magkasama. Ganoon din ako kung ilalayo sayo. Kasi Allysa, sadya lang talagang minamahal kita.

Gusto kong malaman mong naroon pa rin ako sa gabing ipinakita ko sayo ang buwan sa hills. Nilulure ko pa rin ang mob sa hog. Dumadausdos pa rin ako sa troso sa Phantom Woods. Sa isip ko’y patuloy pa ring kumakanta si Willie Revillame. 

Gusto ko pa ring simulan ang umaga sa pagsabing mahal kita at ire-affirm iyon bago matulog sa gabi. Pinapangarap ko pa rin ang after school dates, ang claw machine, ang panonood ng play, ang pagkain sa labas, ang paglalakad sa Espanya hanggang Petron. Namimiss ko ang kwentuhan at kulitan sa gabi. Namimiss ko nang patawanin at pasayahin ka. Namimiss na kita Allysa.

Alam ko nasira ko ang tiwala mo. Muli ay humihingi ako ng paumanhin. At kung sa puso ng puso mo ay may ligaw pang pintig para sa akin, kung sa isip ng isip mo ay may bulong na deserving akong patawarin, kung sa dibdib mo’y nadama mo ang katapatan ng lahat ng ito, sana ay patawarin mo ako. Bigyan mo ako ng chance at muli mo akong tanggapin. -Pablo