ni YiaMarie Abejuro

Pininta ko na sa isipan ang mga gagawin ko kapag nanalo ang tanging karapat-dapat na maging pangulo ng Pilipinas. Kung sakali siyang maihalal, magpo-post ako sa Facebook—hindi para magmayabang at sabihin sa mga sumasalungat na “talo kayo” kundi sabihing ito ang simula ng hayagan kong pagiging kritiko sa kaniya. Marami akong pinangarap na gawin: Pagkatapos ng ika-siyam ng Mayo, baka naroon kami sa mga lansangan, hindi para magprotesta kundi magdiwang kasama ang mga kaibigan, kasama sa sektor ng kabataan, mga pesante, at mga manggagawa. Tingin ko, iyon ang pinakamasayang pagtitipon kaysa sa mga inilunsad na campaign rally bago ang halalan. Nakikinita ko na noon ang mas aktibo kong pakikilahok sa mga pagkilos ng mga sektoral na grupo sapagkat mayroon nang namumuno sa pamahalaan na uunahin ang magmahal kaysa manakot. Ang dami kong binuong pangarap bago ang eleksyon pero sa isang iglap, nawasak lamang ito.

Tinigilan ko nang tingnan ang balita online at mga pag-uusap sa Messenger. Nakatulala na lamang ako sa kisame habang tinitipon ang paubos nang pag-asa. Walang lumabas na luha sa mga mata ko kahit na hindi ko sila pinigilan. Marahil wala na akong lakas para umiyak pa.

Napakatagal ng gabing iyon. Hindi ko alam kung ano ang maaari pang gawin. Minsan binibisita ko ang Messenger kung makakanataw ako ng liwanag pero maging iyon ay tuluyan nang nilalamon ng dilim. Sunod-sunod ang padala ng balita tungkol sa mga botanteng hindi na nakaboto dahil lagpas na sa itinakdang oras, 1,800 na sirang vote counting machines, mga depektibong SD cards, mga kaso ng harassment sa mga poll watchers, system glitch, mga ilegal na kampanya, at pagbili ng mga boto. Gusto kong makahugot ng lakas mula sa mga kausap ngunit pati sila ay naubusan na.

Umaga ng ika-10 ng Mayo nang opisyal kong tapusin ang internal na pagdadalamhati. Bumangon ako sa higaan, huminga ng malalim, at naligo. Kasabay ng paglinis sa katawan ang pagtanggal sa sarili ng mga ideyang mangibang-bansa at hayaan ang bayan. Tinapalan ko ng matingkad na kulay pula ang ibabaw ng mata para mapagtakpan ang pagkalamya nito. Nagsuot ako ng itim na long sleeve shirt at naghanda para sa pagbyahe.

Sa nakasabit na monitor sa loob ng bus pa-Monumento, naririnig ko na ang lakas ng sigaw ng mga kabataan, grupo ng mga pari, at mga militanteng grupo. Binabalita sa mga oras na iyon ang pagbarikada ng mga pulis na nakasuot ng riot gear sa mapayapang pagpoprotesta. Bahagya akong natakot, tila nabawasan na naman ang inipon kong pag-asa, pero nagpatuloy ako. Sumakay ako ng LRT at kalaunan ay sumakay ng padyak papuntang Manila Cathedral. Hindi ko sinabing tutungo ako ng COMELEC batay na rin sa payo ng mga kasama para raw sa kaligtasan. Nalungkot ako dahil ibig sabihin, kailangan ko pang llihim ang pagdalo sa mga protesta kahit karapatan naman ito.

Dumating ako sa tapat ng opisina ng COMELEC kung saan naroroon ang tipunan ng mga kabataang estudyante at mga progresibong sektor. Maririnig sa lugar ang sigaw ng pagkontra sa pag-upo ng grupo ng mga magnanakaw, mapang-abuso sa karapatang pantao, at ang tagapagpalimot ng madilim na kasaksayan. Kasabay din nito ang panawagang sagutin ng COMELEC ang lahat ng iregularidad sa nangyaring halalan. Umalingawngaw sa lugar na iyon ang pagsigaw ng mga rallyista ng “COMELEC, Duwag!”.

Kalaunan, nagmartsa kami tungo sa Liwasang Bonifacio. Doon pinagpatuloy ang mga talumpati ng mga progresibong lider hanggang sa tapusin ang protesta sa umaga sa pamamagitan ng pagkanta ng “Bayan Ko”. Itinuloy ito hanggang gabi at hanggang sa mga susunod pang mga araw, hindi lamang sa Maynila, kundi sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Sa tanghaling iyon matapos ang pagkanta, nakita ko si Tatay Elmer ng Piston 6, may edad na 74 na kinasuhan noong 2020 dahil sa pagpoprotesta na makapasada sa gitna ng GCQ. Noon nagprotesta siya para sa pamilya. Ngayon ay nakikisama siya sa protesta para sa pangmatagalang layunin hindi lamang sa pamilya, kundi para sa bansa.

Bagaman nahaharangan ng face mask ang ibabang parte ng mukha ni Tatay Elmer, kita ko pa rin sa kaniyang mga mata ang enerhiya. Mabigat ang dibdib ko sa mga oras na iyon. Nahiya ako sa kaniya dahil palagay ko ay nabigo ko siya—nabigo naming mga kabataan ang mga sektor ng mga tsuper na nagnanais lamang na maisakatuparan ang kanilang mga karapatan. Nahiya ako dahil tila nabigo ko ang mga magsasakang ilang taon nang pinaglalaban ang kanilang mga karapatan sa lupa, ang mga katutubong naninindigan noon pa man para sa lupang ninuno at kapaligiran, ang mga manggagawang nakikibaka nang halos labing walong oras sa isang araw, at ang mga kabataang mas bata pa sa akin na biktima ng mga maling impormasyon. Mula gabi ng ika-9 ng Mayo hanggang umaga ng kinabukasan ay paunti na nang paunti ang naipon kong lakas…ngunit alam kong hindi ito mauubos.

Tuwing may di magang nangyayari sa akin, madalas akong tumulala sa kisame at umiyak. Tinitipon ko ang mga reyalisasyon at gumagawa ng desisyon. Tinitipon ko rin ang kakarampot na pag-asa. Noong gabi ng eleksyon, napagdesisyonan kong lumaban. At iyan ang binanggit ko kay Tatay Elmer, “Tuloy ang laban,” sapagkat hindi naman natatapos sa halalan ang pakikibaka. Hindi ko alam kung nakatulong ito. Marahil marami nang nagsabi nito sa kaniya, o maging siya sa sarili, pero gusto ko lamang dumagdag. Ganito kasi ang kailangan ko tuwing nauubusan na ng lakas, kailangan ko ng mga enerhiya sa pamamagitan ng mga paalala. Mas marami, mas mainam.

Iyan ang pinunta ko sa protesta sa COMELEC. Hindi lamang ako pumunta roon para sa layunin ng protesta, kundi ay makahugot ng lakas mula sa mga kasama. Ang nagagawa ng pagsama sa mga rally ay hindi lamang para maisakatuparan ang pinapanawagan o pinoprotesta, hindi lamang mapaabot sa marami na may matapang na tumitindig para sa isang kampanya, kundi ay magpaalab ng pag-asa sa lahat ng mga kasama. 

Mabigat ang epekto ng resulta ng eleksyon para sa atin. Hinihigop nito ang tapang at ang pag-asa na inipon natin sa matagal na panahon. Mapapaisip tayo sa umpisa: saan pa tayo kukuha ng lakas sa panahon na malayo ang distansya natin sa isa’t isa dulot ng pandemya? Pero kalaunan, malalaman din naman natin ang sagot dahil nasa atin mismo ito.

Habang mayroong mga magsasaka, manggagawa, katutubo, kabataan, at iba pang marhinalisadong sektor na tumitindig; habang may Tatay Elmer pang lumalaban, bakit natin hahayaang maubos ang tiwala sa ating sarili at sa pakikibaka?

Ang nagagawa ng protesta—napagtitipon-tipon nito ang mga taong nangangampanya lagpas sa sarili. Dito ako nakahuhugot ng pag-asa. At ito ang hindi dapat manakaw sa atin kailanman.