ni Leo Baltar

“Paumanhin sa mga pagkukulang namin,” mensahe ng dati kong propesor na ngayo’y isa ring peryodista sa Messenger group chat namin, isang araw matapos lumabas ang resulta ng eleksyon kung saan nagbabadya na namang bumalik sa kapangyarihan ang isang Marcos. 

Mahaba ang mensahe at tuloy-tuloy lang ang pagluha ko habang binabasa ito. Kauuwi ko pa lamang noon mula sa isang pagkilos para kundenahin ang malawakang dayaan sa halalan na ginanap sa harap mismo ng opisina ng Comelec sa Palacio Del Gobernador, Intramuros. Nagtuloy ito sa isang kampuhan sa Liwasang Bonifacio.

Habang nagbabasa, background noise ko pa ang ulat ng GMA News tungkol sa bilangan ng boto. Edi mas lalong naging halo-halo, labo-labo ang emosyon ko. Lungkot. Pagod. Pagkadismaya. Takot. Galit. Lahat na.

Buong-buo pa ang pag-asa ko bago ang araw ng eleksyon. Kasama ang ilang kaibigan, nagtungo pa nga ako sa miting de avance ni Leni Robredo sa Makati. Sa tala ng mga organisador, humigit-kumulang isang milyon ang tao sa rally. Ipinagmamalaki kong isa ako sa bilang na iyon. Katunayan, simula alas kwatro ng umaga ay naroon na kaming magkakaibigan.

Ang ending, durog na mga damdamin. 

Sa totoo lang, nasabihan na kami ng isa pang propesor sa Maskom na tiyak ngang mananalo si Marcos Jr. sa halalan. Base raw ito sa isang closed-door meeting. Pero hindi ko pa rin lubos maisip na umabot na tayo sa puntong ito. 

Lalo pa akong nanggagalaiti matapos mapanood ang isang video kung saan patay-malisya ang tagapagsalita ni Marcos Jr. na si Vic Rodriguez sa tanong ng Rappler reporter na si Lian Buan habang nasa isang panayam. Hindi pa man nakauupo ang anak ng diktador, ganito na ang kalakaran, ganito na ang trato sa mga nasa hanay ng midya.

Isang tanong ang paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ko: “Ano pa’ng silbi ng pag-aaral ng peryodismo o ang maging peryodista sa ilalim ng rehimeng Marcos?” 

Hindi naman sa hindi ko alam ang sagot. Mas pag-aalinlangan ito kung nasa tamang lugar pa ba ako, kung papaano gamitin ang pagsulat para sa mas malaki at posibleng madugong laban. 

Sa panahon ni Duterte, lantad ang paulit-ulit na pasismo ng estado sa hanay ng midya. Tinanggalan ng prangkisa ang ABS-CBN. Tinarget ng atake ang alternative press tulad ng Bulatlat at Pinoy Weekly. Ikinulong ang mga mamamahayag na tulad nina Frenchie Mae Cumpio at Lady Ann Salem. Pinatay ang nasa 22 kawani ng midya simula 2016, ayon sa ulat ng National Union of Journalists in the Philippines. Hanggang ngayon, tuloy-tuloy ang panggigipit sa mga manggagawa ng midya sa porma ng gawa-gawang kaso at malalang red-tagging na pinangungunahan ng NTF-ELCAC. 

Maging ang sinusulatan kong publikasyon na Vox Populi PH na bahagi ng malayang midya ay hindi nakaligtas sa mga galamay ng estado. Makailang ulit na pinutakte ng trolls at cyber attacks ang website namin. Biktima rin ng red-tagging ang Tinig ng Plaridel, ang lokal na pahayagan ng Maskom, kung saan din ako kabilang. Sa bagay, kung nagawa ngang paralisahin ng estado ang malalaking media network sa mukha ng “chilling effect,” paano pa kaming maliliit lamang? Inilalarawan lamang nito kung gaano katakot ang mga nasa kapangyarihan sa midyang kritikal at progresibo. 

Noong nasa gitna ako ng protesta sa Liwasang Bonifacio, napansin kong kalakhan ng mga dumalo sa pagkilos ay mga kabataan. Ang iba sa kanila’y hindi na nga pumasok sa klase upang makilahok sa mobilisasyon. May ilan pang iyon ang unang beses na sumali sa pagkilos na lampas sa mga kampanya tuwing eleksyon.  

Bagaman bakas pa rin ang lungkot at galit sa mukha ng lahat, nangingibabaw ang kasikhayan na madireksyunan ang mga damdaming ito para sa mas organisadong pagkilos. Na-miss ko ang ganoong uri ng ingay. At doon ako mas lalong naliwanagan sa lugar ko bilang batang peryodista, sa esensiya ng aking panulat. 

Alam kong hindi magiging madali ang susunod na mga araw, linggo, buwan at taon. Lalo pa ngayong mabilis na manipulahin ang katotohanan at baluktutin ang kasaysayan sa pamamagitan ng higanteng makinarya at propaganda ng estado, partikular sa social media tulad ng Tiktok, Facebook at YouTube. 

Sa ilalim ng ilehitimong rehimen ni Marcos Jr., tiyak na walang kasiguraduhan ang lahat. Ngunit araw-araw naman tayong nasa panahon ng kawalang-katiyakan, gaya nga ng palaging sinasabi ng mga kasama. Ang mahalaga, mapagpasya nating tinatanganan ang kolektibong pakikibaka laban sa hamon ng panahon. 

Halos isang taon din akong hindi nakalahok sa mga pisikal na pagkilos at kampanyang masa dulot ng mga personal na pagsubok at ng mapaminsalang pandemya. Pero kung may isang bagay akong natutuhan sa lahat ng lektura sa klase, pisikal man o online, tungkol sa gampanin ng peryodismo at panulat sa mga panahong gaya nito, ito ay ang katotohanang tunay lamang na magiging mapagpalaya ang midya kung dadalhin ito sa lansangan at naglilingkod ito sa masang api. 

Kahapon, dumalo ako sa oryentasyon ng isang pangmasa’t kultural na organisasyon upang umanib bilang miyembro nito at muling bumalik sa aktibong pagkilos sa mga komunidad at lansangan. Unang hakbang pa lamang ito sa pagpapanagot sa lahat ng inutang na dugo at ninakaw ng gobyernong ito hindi lamang mula sa hanay ng midya kundi sa iba’t ibang sektor ng lipunan, lalo na sa uring sinasamantala. 

Tiyak kong maraming tanong at alinlangan ngayon ang mga mag-aaral ng midya na tulad ko o maging ang mga nasa propesyon na. Hindi naman masamang magduda o panghinaan ng loob. O kahit na sumuko paminsan-minsan. Mahalaga ang pahinga sa anumang pakikibaka. 

Ngunit sabi nga ng aktibistang si Omid Siahmard, “patay na paninindigan lang ang iniiyakan.” Isa pa, quota na ako sa pag-iyak. Panahon na para maningil.