ni Jillian Gaiety Siervo
hawak ang bolo sa isang kamay
tinatantiya ang pwesto
gumegewang pa sa saliw ng
hindi paglaki sa sakahan
pinanood kitang magtabas
ng gabaywang na damo
sa gitna ng maingay na lungsod
dito sa makuliglig na bukid
nakadungaw ang nagtataasang
mga condo sa malayo
habang nililinis mo
ang lupa para sa pagtanim
halos malasahan sa hangin
ang sinabawang pechay
matamis sa panlasa
ang pagtanggap ng masa
dito, sa gitna ng lungsod at
ng kawalang pag-unlad
dito, sa gitna ng pagkapoot
ng nag-aari at naglilinang
dito kita inibig
sa gitna ng masukal na sakahan
kasama ng abang mambubukid
sa pagsibol ng ating pakikibaka
dito kita inibig
habang tirik ang araw sa bukirin
habang hawak mo ang bolo
at nakadungaw ang mga gusali sa malayo
dito kita inibig
at nais kong ibigin ka
hangga’t aking yayakapin
ang paglaban para sa lupa
(Photo credits: Angelo Vince Marfil)