Ivan Jon Gentolizo

Alam ko namang mali. Kung makakakuha lang ako ng isang libo sa bawat taong nagsasabing itigil ko na, malamang sa malamang mayaman na ko. Kung ganun lang sana ang sitwasyon, siguro hindi ko na gagawin kung ano ang pinagkakaabalahan ko nitong mga nakalipas na buwan. Pero wala eh, kailangan. Kung hindi ko gagawin, mamamatay ang Tatay ko. 

Nakakatawa nga eh, naturingan akong Iskolar ng Bayan. Dangal at Husay. Honor and Excellence. Iyan ang turo sa amin. Putangina. Mapapakain ba kami ng prinsipyong dapat ay isinasabuhay at isinasapuso namin? Mapapagaling ba ng dangal ang tatay kong pabalik-balik sa ospital? Kung may pagkakataon lang, hindi ko naman pipiliing talikuran ang kinagisnan kong prinsipyo. Kung makakapili lang sana ako, hindi naman ako kakapit sa patalim. 

Mahigit limang buwan na rin mula nang unang isugod ang Tatay sa ospital. Inatake. Barado raw ang ugat sa puso, hindi makadaloy ang dugo, kailangang i-bypass. Kulang-kulang isang milyon ang kakailanganin para maisagawa ang operasyon. Isang milyon. Saan naman kami kukuha ng isang milyon? Nag-aaral pa ang mga kapatid ko, maski na ako. Saan kami hahagilap ng ganun kalaking halaga sa gitna ng pandemya? 

Isang araw habang nagbabanat ako nang buto sa pagtatrabaho sa isang fast food malapit sa Elbi ay tumawag ang kababata kong si Jepoy. Nabalitaan daw niya sa kanyang Nanay na inatake ang Tatay ko at kinakailangan namin ng malaking halaga para ma-operahan siya. Nagbigay naman siya ng kaunting tulong kahit papaano kaya minabuti ko nang tanungin kung ano ba ang trabaho niya ngayon. 

Sa papel, wala. Unemployed.”, napakamot ako ng ulo sa sinagot niya. “Wala ka palang trabaho, bakit binigyan mo pa kami ng pera?” mariing tanong ko sa kanya. “Tanga, patapusin mo muna kasi ako.

Yung trabahong ginagawa ko ngayon, hindi siya yung normal na trabahong makikita at mahahanap mo sa dyaryo. Palihim kami magtrabaho, pare. Haharap ka lang sa computer, bubuksan ang mga cellphone na ibibigay sa’yo, magre-react, magco-comment, magshe-share, kikita ka na. Ganun kasimple. Ganun kabilis.” nanlamig ako sa sinabi niya. 

Totoo pala talaga ang mga kwento tungkol sa kanila. Halo-halong pagtataka, takot, pangamba, at pagkadismaya ang naramdaman ko, iba pala talaga kapag kaharap mo na mismo ang diablo. Hindi ko na napigilang murahin siya, “Tangina mo, troll ka?”. Rinig na rinig ko ang tawa at ngiti niya sa telepono. “Huwag mo nang ilagay ang sarili mo sa pedestal, pareho lang tayong nangangailangan. Kinailangan kong kumapit sa patalim, sigurado ako’ng kailangan mo na rin.” Napatigil ako, tama siya. Hindi na kayang buhayin ng paniniwala’t kabutihan ang Tatay ko, kung ito lang ang paraan para mabuhay siya, gagawin ko nang walang pag-aalinlangan. 

Matapos ang ilang linggong training ay isinabak na nila ako sa bakbakan. Madali lang naman ang gagawin, lahat ng kailangang materyales ay naka-compile na sa isang file. Naroon ang ilan sa mga caption, comments, at iba pang paraan kung paano inisin ang mga tao sa Social Media at mga oras kung saan babad sila sa kanilang mga telepono dulot na rin ng work-from-home setup. Isang comment, instant pera para sa amin. Pero kahit na oras-oras akong makipag-bardagulan sa Facebook at Twitter, hindi pa rin sapat. Kulang na kulang pa rin. 

Dumating na ang kinatatakutan ko. Inatake ulit ang Tatay. Sa pagkakataong ito hindi na niya kinaya, unti-unti nang pumalya ang iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Parang ilog na umaagos ang luhang inilabas ng aking mga mata. Hindi ako umabot. Hindi ko man lang siya nagawang iligtas. Ang masakit pa rito’y isinangla ko ang kaluluwa ko sa demonyo para sa wala.

Habang inaayos namin ang mga papeles sa ospital ay kaliwa’t kanan ang coverage ng media sa bagong iniluklok na Pangulo ng Pilipinas, ang taong nakinabang sa aming makinarya’t panahon. Masakit mang isipin pero isa ako sa mga dahilan kung bakit laganap ang maling impormasyon na siyang lumalason sa utak ng maraming Pilipino. Isa ako sa dahilan kung bakit sa mga darating na taon at dekada ay mas lalong malulugmok ang marami nating kababayan sa nakasusulasok na kahirapan. Isa ako sa mga dahilan kung bakit nahalal ang anak ng pasista’t diktador. 

Alam ko namang mali at alam ko rin na panahon na para isiwalat ang katotohanan. Matagal ko na dapat itong ginawa. Hindi ko na dapat hinayaan pang makabalik sa Malacañang ang pamilya ng taong bumaboy at gumahasa sa Pilipinas. 

Bago ako mamili ng isusuot ng Tatay sa kanyang ataul ay agad kong sinet-up ang camera para gawin ang isang FB Live kung saan ilalabas ko ang baho ng mga pulitikong walang ibang hangad kundi gawing mangmang ang masa. Tapos na ang paghahari-harian ng mga elitista’t burgis. Tapos na ang paggamit nila sa akin, kailanman ay wala na silang mahihita. 

*You are now LIVE* “Magandang Gabi po sa lahat, panahon na para malaman ng Pilipinas kung ano ang totoo. Hindi na dapat humantong sa pagkakaluklok sa pinakamataas na pwesto ang isang sinungaling at kurakot na anak ng diktador. Ako po si Jann Rey Calimag, isa akong troll.