by Jamil Figuracion

Lalo na sa Utang. 

Matapos ang nakaraang eleksyon, ilang beses kong pinagmasdan ang mga larawang may pamilyar na mga mukha na naka-upload sa Facebook page ni VP Leni Robredo. Kitang-kita ang mga tagos-pusong mga ngiti ng mga taga-isla. Walang pagkukunwari. Tunay at walang kinikilalang kulay.

Nobyembre 2019 nang pumunta si VP Leni sa aming baranggay sa Isla Talim. Wala pang pandemya noon. WALA PA. Gulatan ang nangyari at walang inanunsyo sa barangay namin na bibisita ang pangalawang pangulo ng bansa. Nagsulputan na lang bigla ang mga tao sa covered court nang malaman nilang paduong na si VP Leni. Labing-limang sewing machine ang naipamahagi sa mga miyembro ng Samahan ng mga Kababaihan. Nagbahagi rin siya ng P200,000 sa Samahan ng mga Mangingisda para sa pagbili ng lambat at iba pang kagamitan.  Nakalulungkot man pero hindi ko siya naabutan dahil pauwi pa lang ako mula sa trabaho. Sa isip ko: Makikita ko rin siya balang-araw.

Hulyo 2020 nang bumalik siya sa isla nang walang pasabi. Sa pangalawang pagkakataon, hindi ko pa rin siya nakita dahil sa mismong pag-atras ng bangkang sinasakyan namin ay siyang duong naman ng bangka na kinalululanan niya. Sayang pero okay lang. Dinalaw niya ang mga kababaihang bahagi ng samahan na nananahi ng mga PPEs. Nakapaninibago man dahil walang maraming taong sumalubong sa kanya, sa tingin ko, sinadya nilang biglaan ang kanilang pagdating dahil bawal ang mass gathering.

Bago ang eleksyon, tiwala ako sa mga taga-isla na boboto sila ng tamang tao. Maraming pink na tarps sa Subay. Nakagagaan ng pakiramdam. Nakatataba ng puso. Nang malapit na ang botohan, nabigla na lang ako nang nabago ang nakasabit na tarps sa bahay ng mga tita ko. Tinanong ko siya sa personal.

“Tita, bakit naiba tarps nyo?”

Hindi siya umimik.

“Eh ‘di ba, nagpunta pa si VP sa Subay. Wala pang eleksyon noon tapos nakadalawa pa siya.”

“Tumulong nga, hindi naman kami ang nabigyan.”

“Kami rin naman hindi nabigyan, ang mahalaga, tumulong.”

“Ah basta, kapag babae, mahina. Tsaka hindi kasalanan ng anak ang kasalanan ng ama.”

Sumagi sa isip ko ang ginawa niyang panloloko sa akin. Umutang siya sa akin noong 2016 ng sampung libo dahil gagamitin daw niya sa sinisimulang business. Hindi ko alam kung nakalimot siya matapos ang naipangako niyang petsa ngunit wala pa rin siyang naiaabot sa akin. Nabalitaan ko na lang sa Nanay ko na hindi na raw iyon babayaran ng tita ko. Naikwento na rin ng Nanay ko na nag-abot noon ang tita ko sa Tatay ko ng sampung libo upang ipang-invest sa fish cages ng mga Lolo ko ngunit naipatalo ito ng Tatay ko sa sabong. Nang tumambay ako sa kanilang bahay, waring pinaririnig nila sa akin ang kanilang biglang naging usapan. Hindi alam ng mga tita ko na alam ko na ang dahilan ng kanilang hindi pagbabayad.

“Love, ang utang natin kay Jam, kelan natin babayaran?”

“Ha? Yung sampung libo? Akala ko ‘yun na ‘yung bayad sa pinangsugal ng tatay niya.”

Halata ang paglakas ng kanilang mga boses. Alam kong pinariringgan nila ako. Umuwi akong nawalan ng gana sa pakikisama sa kanila. 

“Hindi kasalanan ng anak ang kasalanan ng ama.”

Ang lakas ng loob nilang sabihin sa akin iyon. Sa isip ko: Eh bakit ako ang siningil nila noon? Bakit ako ang nagbayad ng sampung libong iyon at hindi ang tatay ko? Nakakalimot na ata sila.

Dumami ang pulang tarps sa daan. Ang huling narinig ko bago ang botohan, may nagpakalat ng forms sa baranggay namin. May kalakip itong pangakong ayuda.

Nang natapos na ang eleksyon, ramdam ko pa rin ang tensyon. Habang nililimot na ng iba ang nakaraang botohan at nagpatuloy ang iba sa kani-kanilang mga buhay, patuloy pa rin ang iba sa pagpapakalat ng fake news at ang mga panatiko’y sigi pa rin sa pakikipagtalo sa Facebook. Sa tingin ko, isa ang tita ko sa naabutan ng form kalakip ang pangakong ayuda mula sa pulang pulitiko. Siguro ito ang dahilan ng kanyang dali-daling pagpapalit ng tarps na nakasabit sa kanilang bahay. Sigurado akong nawala na rin sa isip ng ibang taga-isla ang sinagutang mga forms. Nakalimot na sila sa UTANG na pangako sa kanila. Ang mahalaga, nanalo ang manok nilang pula. Kumbaga, mas importante ang yabang kaysa dangal.

Mabilis makalimot ang mga taga-isla. Nang tinignan ko muli ang mga larawan sa Facebook page ni VP Leni, ang mga taong nakipag-unahan sa pagpapa-picture sa kanya ay sila ring mga unang umayaw sa kanya. Sila ang pinakamaingay sa Facebook. Mabilis na nabura ang mga tagos-pusong mga ngiti ng mga taga-isla. Nabahiran na rin ng pulang kulay ang kanilang mga kamay.

Nakapanghihina. Nakapanghihinayang.

Pero hindi tulad ng ibang taga-isla, matandain ako. Sabi nga, “Ang namulat, hindi na muling mapipikit.” Sigurado akong hindi ako makakalimot. Kasama ang ibang mga taga-islang nanatiling naniniwala sa kanya, ang mga kababaihan at ang mga kabataan, titindig kami katulad ni VP Leni.  Hindi ko pa man siya nakikita nang personal, tiyak akong magkikita rin kami:

SA DAAN.