ni Khristian Ross Pimentel

Mensahe mula sa Lumang Sapatos
Sa unang tingin pa lang,
alam mong ako’y gusto mo na.
Mata mo’y kuminang nang
sinabi mong ako’y mahalaga.
Ako’y iyong sinukat
at sinubok ilakad—
Pinakamatibay sa lahat,
kulay ay di masyadong matingkad.
Matapos bilhin,
akoy’ iyong ginamit,
Nirampa sa liwanag at dilim—
malayo man o malapit.
Magkasama tayo sa lahat ng biyahe
at sa lahat ng okasyon.
lumakad tuwing walang pamasahe—
panglakad lalo na ‘pag bakasyon.
Nakita natin ang kulay ng mundo—
magkasalo sa hirap at ginhawa.
Minsan ma’y hindi magkasundo,
tayo’y walang kasawa-sawa.
Iniwas kita sa dumi ng lupa,
prinotektahang ‘di magkasugat,
inibig, kinalinga,
at ibinigay ang lahat
Subalit ano ang nangyari?
Ako’y iyong kinahon.
Nalimot ang mga pangyayari,
pagsasama natin ay ibinaon.
Ako’y iyong iniwan
sa mga biyahe ay ‘di na isinama.
Bakit pinabayaan
at hinayaang maluma?
Hangad kong ika’y maging masaya,
maabot ang langit,
pagsubok ay makaya
kahit hindi na ako kasama.

Pambura

Akala ko’y tama ka
‘yun pala’y tama na
sa isang pagsusulit
ng pusong punit.
Ang aking pagkakamali
ay ang pumili ng mali—
sagot na mahirap isulat
sa alaalang may pilat.
Ewan ko ba kung tama o mali—
mahirap ang maiwan muli
habang tapos na ang lahat,
ako ang maglilinis ng kalat.
Nais ko lang ay palakpak
pero ako’y pumalpak
tanong na kay hirap
tila walang kasing saklap.
Teka. Naiwan ko ang pambura
at ako’y napamura.
tiyak na ako’y babagsak
at uuwing may sapak.

Elevator

Nang sumakay kami
sa elevator ng ospital,
napuno agad ito.

“Kaya pa iligtas
‘yung tatay niya,”
sabi ng isang naka-lab gown.

“Oo nga.
Sigurado ako
kaya siya nasa Amerika ngayon
dahil pinag-aral siya ng tatay niya,”
katwiran ng isa pang naka-lab gown.

“Paano magagawa
ng isang anak ang ganoon
sa kaniyang magulang?
Ako,
kahit malaki ang galit ko sa tatay ko,
hindi ko iyon gagawin,”
dagdag ng isa pang naka-lab gown.

Binalot ang elevator
ng katahimikan
at tila bang bumagal ang andar nito.
Bumaba silang apat sa ikaapat na palapag.

Nagkatinginan kami
ng aking asawa
na karga-karga ang aming anak—
Iisa lang ang iniisip.

Naramdaman namin ang bigat
habang kami ay lumalaban,
prinoproblema
kung saan kukuha ng pera pampaopera
upang madugtungan
ang buhay ng aming anak.