ni Marren Adan

1. Mula sa likod, may dalawang kamay na dumapo sa aking baywang. Hindi pa man mariin na nakalalapag, umusad ang mga kamay papunta sa aking harapan. Ano pa’t parang lagnat na dumapo ang pagnanasa na imbes na tignan ang mga kamay, kilalanin kung kanino ang mga iyon, napaliyad na lang ako at napatingala. Nang mapansing wala ang langit sa itaas, doon ako nagising.

2. Doon ko unang nakita ang multo sa may paanan ng tinutulugang sofa. Nakatayo ang hugis-tao, hindi maaninag ang mukha, pinaghalong kulay puti at abo. Hindi ko man maaninag ang kabuuhan nito, naisip kong lalaki ito. Nakatingin ang ulong walang mukha sa ‘kin. Baka naman panaginip din ‘to. Naglakbay ang aking tingin sa paligid ng kuwarto. Nakaramdam din na naiihi. Gising na nga ako. Naroon pa rin ang multo sa may paanan ng tinutulugang sofa. Saka lamang gumapang ang takot nang matiyak na ito ay bangungot na walang pagtakas.

3. Hindi gumagalaw ang multo. Naisip ko ring baka siya’y isang magnanakaw. Bumangon ako mula sa higaan. Nakatayo pa rin ‘to na walang kagalaw-galaw. Magnanakaw ng katinuan!

4. Habang nagtitiklop ng kumot, pumikit ako. Nagdasal sa walang pangalan na Diyos. Pagdilat ko, pagtingin sa kaliwa, wala na ang multo. Salamat! Simula na naman ng bago’t karaniwang araw. Hindi. Naiiba ang umagang ito. Gumising at may kasama na. Multo.

5. Kinuha ko ang diyaryo sa may pintuan. Bumalik sa kusina. Ipit na pagtili ng takore. Parang ayaw ko pang isara ang tangke ng LPG at hayaang lumikha ng ingay ang kumukulong tubig. Pinihit pakanan ang nguso ng tangke. Muling pagtahimik ng umaga. Ibinuhos ko ang mainit na tubig sa tasang may lamang kape, asukal, at creamer. Lumabo ang kulay ng tubig. May naglutangang pulbos sa mukha ng umaasóng tubig. Hinalo ng kutsara. Musika na sa akin sa umaga ang tunog ng kutsarang sumasagi sa porselanang tasa. Nakita ko ang ‘sarili’ ko sa mukha ng kape. Madilim. Mukhang mapait.

6. Headline sa diyaryo ang nangyaring pamamaril ng hindi pa nakikilalang grupo ng mga terorista sa isang simbahan sa Quiapo. Habang nakaluhod daw ang mga tao’t nagdarasal at ang ostiya ay itinataas ng pari, siyang pag-ulan ng mga bala mula sa magkabilang entrada ng simbahan. 

Habang nagbabasa ng balita, bigla akong naging bahagi ng nakalahad na trahedya: Nakita ko ang isa sa mga armadong lalaki. Nakatakip ang bahaging bibig at ilong. Muli itong bumaril at bumulagta sa harap nito ang matandang babae at ang kasama niyang bata matapos na parehong tamaan ng bala sa bahaging ulo. Tumakbo ako sa takot kasabay ang ibang nagsisimba palayo sa kaliwang entrada ng simbahan. Maririnig ang mga pagputok ng baril, sigawan ng mga mananampalataya, pagbagsak ng ilan sa sahig. Tuloy lamang ako, kaming mga buháy sa pagtakbo. Napatid ang taong nasa harap ko sa taong nasubsob sa sahig. Nabangga ko s’ya at tatlo na kaming nakabulagta sa marmol na sahig ng simbahan. Malakas akong itinulak ng taong nadaganan ko, naiitsa sa gilid at tuluyang napasubasob sa tigas ng sahig. Doon nagtapos ang malagim na gunitang hatid ng balita.

7. Binuksan ko ang telebisyon. Bumungad ang balita na nabasa bilang headline sa diyaryo. Labing-pito na ang bilang ng nasawi at madadagdagan pa. Inilipat ko ang palabas sa ibang istasyon.

8. Sa isang talk show sa TV, iniinterbyu ng host ang tatlong eksperto tungkol sa paksang “multo”. Ang sabi ng isang psychologist, nililikha lang daw ng imahinasyon ng tao ang anumang nakikita nitong aparisyon o multo. Nangyayari ito bilang pagtugon ng utak sa matagal na panahon nitong pagkainip o pagkawala ng sapat na aktibidad. Kung gayon nagiging distraksyon ang multo o isang nalilikhang panibagong interes bilang sadyang malikhain ang isip.

Hindi naman daw malilimitahan sa pagpapaliwanag gamit ang siyensiya ang katotohanan ukol sa mga multo, sabi ng isang espiritista. Tanda raw ang mga multo ng isang espiritwal na dimensyon na hindi pa lubusang nauunawaan ng mga tao. Kung gayon, ipinagpapalagay na mayroon ngang “kabilang buhay” kung saan maaaring maglakbay ang kaluluwa ng tao matapos mamatay ang katawang-lupa.

Pinag-iingat naman ng pari ang lahat ng mga manonood sa ganitong mga klase ng mga paniniwala. Diyos lamang daw ang tanging nakaaalam kung ano ang mga posibilidad sa kabilang-buhay at ang ganitong mga pagpapaliwanag ay pag-uudyok lamang ng mga demonyo. Inanyayahan ng pari na mag-alay ng panandaliang dasal ang lahat ng nasa studio maging ang mga manonood sa kani-kanilang mga bahay. Sandaling naging tahimik ang lahat. Maya maya pa’y pinatugtog na ulit ang jingle ng talk show. 

9. Nagmadali ako sa paliligo nang maalala na kailangan ko pang magbayad ng bill ng kuryente bago pumasok sa opisina. Habang nagbubuhos ng mga huling tabo ng tubig bilang pagbabanlaw, may narinig akong kumalabog sa labas ng banyo. Bahagya kong binuksan ang pinto ng banyo at sumilip. Nakapasok na naman ang itim na pusa at kasalukuyang palakad-lakad sa ibabaw ng mesa. Napatakbo ako papalabas mula sa banyo dala ang tabo na may lamang kakaunting tubig. “Sshhhhh!” Nagpaikot-ikot sa pagtakbo ang itim na pusa sa paligid ng bahay bago nito maalalang lumabas ng bintana kung saan ito pumuslit. May muling kumalabog sa bandang sala. Lumingon ako patalikod. Naroon ang multo. Hindi. Naroon ako. Naghahanda sa pagpasok sa opisina. Suot ang aking uniporme at pulang backpack. 

10. “Saan ka pupunta?” Napasigaw ako. Wala itong naririnig. Humarap ito sa akin na parang walang nakikita. Hawak nito ang lagi kong ginagamit na suklay. Nagsuklay ito sa harapan ko. Wala ‘kong magawa, nagpati-anod ako sa mga nagaganap. Bahagya itong nag-ayos ng suot na polo. Kumapa sa mga bulsa sa harap at likod. Sandaling tumitig ito sa akin na parang nakaharap sa salamin. Nakita ko ang biglang pagdaloy ng takot sa kanyang mga mata na parang may nakita. 

May nakitang multo.