ni Ezjae Yao Zemana

Natutulog na ako sa puwesto ni Papa. Nakahiga sa unan niya, gamit ang kumot niya, tangan ang gula-gulanit niyang t-shirt. Amoy fab con itong damit, pero nakaukit sa ilong ko ang totoong amoy ng aking lolo: magkahalong bakal, uling, langis, pawis. Gabi na, at amoy-araw pa rin sa aking isip. Iyan ang tatak ng Papa Gorio ko! 

Amoy shop si Papa. Alanganing mabaho at alanganing mabango ito. Sadyang natatangi itong samyo na gustung-gusto kong langhapin pagkauwi niya sa hapon. Kahit na madungis, kahit na malagkit, kahit na matindi ang kapit ng alikabok, mas masarap yakapin si Papa pagkauwi niya gáling sa shop. Masarap singhutin ang bakal at makina na tila nakadikit sa damit. Tila binitbit niya ang talyer sa bahay. Kulang na lang, marinig ko din sa yakap ang paglalagari, ang pagpupukpok, ang pagbubutingting, ang pagwe-welding. 

Imbentor ang aking Papa Gorio. Manlilikha ng iba-ibang kasangkapan, depende kung ano’ng pangangailangan ng kliyente. Polvoron molder, bread slicer, meat slicer, vacuum sealer, induction motor, pili nut cracker— mani lang sa kaniya, káyang-káya! Nakabubuo siya mula sa pira-piraso at pinutol-putol na parte ng kung anu-anong makina. Tunay siyang panday na malikot at malawak ang imahinasyon.

Hindi lang mga gamit ang naiimbento niya. Mahusay din siyang mag-imbento ng mahika sa pagkukuwento. Malakas ang datíng ng mga istorya at biro ni Papa, tila nalalangisan ng hiwaga ang mga salita. Nakamamangha na nga ‘yung mga nagagawa niyang piyesa, pero mas namamangha ako sa kakayahan niyang maghabi ng aliw sa anumang bagay! Walang ordinaryo sa mga kuwento ng lolo ko. Siya ang Lola Basyang namin. Ang Lola Basyang na amoy talyer ang t-shirt at maong na kupas, na masarap pa ring yakapin. Kay tamis ng tunay na tahanan.

Pílit kong inaalala ang yakap at mga kuwento ni Papa, lalo na nitong lockdown. Ilan ito sa mga pinakapaboritong bagay ko sa mundo. Ang yakap ni Papa, ang pinakapaboritong lunan ko sa buong sansinukob. Pinanghahawakan ko ang pag-asa na mararamdaman, maririnig, at mararanasan ko muli, ang maging apo ni Gorio— pagkatapos ng pandemya. Hindi puwedeng mapanghinaan ng loob. Kailangan ko pang mag-thesis defense, makapagtapos, sumablay. Alam ko, sabik na sabik na siyang makita ako (sa flash mob ng) graduation!

Kung tutuusin, hindi naman talaga malayung-malayo ang tinitirhan ko sa bahay nina Papa. Nasa bayan ng Bacood pa rin naman kami, ilang kanto lang ang layo. Wala pang sampung minutong paglalakad. Walang isang kilometrong nakahadlang. Malas lang, kasi hikain ako. Immunocompromised. Pinagbawalan muna akong dumalaw. Delikado na daw. Hintayin na lang daw hanggang maging ligtas nang lumabas. Napakalapit lang namin, ngunit napakalayo din. Napalayo, salamat sa pandemya. Ngayon, masyado na siyang malayo. Hindi ko na siya makita, o makikita. Hindi na uuwi si Papa. At hindi pa rin tapós ang pandemya.

Pílit kong inaalala ang masasayang araw namin ni Papa, pero sumasapaw ang mapait na alaala: ang huling araw niya sa ospital. Suwerte na rin siguro na kanser ang nagnakaw sa búhay niya. Kung sakaling covid ang sakit niya, abo sa isang sisidlan na lang ang madaratnan namin. Suwerte na rin, kahit papaano, na nayakap ko ang bangkay niya kaysa wala talaga.

Sa huling akap, sumisigaw ang utak ko, nagmamakaawa, nagngangangawa sa matigas at malamig na katawan. Gumising ka na, Pa! Bumangon na, Pa! Gagradweyt pa ako. Hindi pupuwedeng wala ka sa graduation ko, Pa! PAPA, ANO BA! TARA, UWI NA TAYO, PA!

Isang taon nang namayapa si Papa. Ito pa rin ang hinihiyaw ng utak. Sinabi ko dati, isang sem na lang. Sinabi ko din, matatapos na. Pauilt-ulit na ako nag-aapila ng residency at nagpapa-tag na Graduating. Pagdating sa dulo ng semestre, matatagpuan kong puro salita lang ako dahil mas punô ako ng lungkot para magpatuloy o makapagsulat. Lagi’t laging umaagos ang pagsisisi. Putang inang anxiety! Napakahaba na nitong bangungot. Nandito pa rin ako.

Nandito pa rin ako, nagsusulat ng pahimakas para sa tao na matagal nang naglaho. Umuusad ang mundo. Ilang semestre at taon nang nagdaan. Nandito pa rin ako. Dapat thesis ang inaatupag ko, hindi paghagulol. Nandito pa rin ako. Naliligaw. Nawawalan ng gana. Napag-iwanan. Nalulugmok. Nangungulila. Pinagkait din nitong pandemya ang kapirasong pag-asa, ano?

Kung nandito lang si Papa, baka mag-imbento na siya ng laruan para mapangiti ako. O magkukuwento siya ng pabula na puro kalokohan. O yayakapin niya ako at mapapanatag ang puso’t isip ko. Pílit kong inaalala ito, pinanghahawakan. Kahit papaano, nababawasan ang sakit. Nakakabangon ako para kumilos. 

Ito na. Nag-apila ulit ako. Nakapag-enroll ulit. Inaasikaso ko na ang mga papeles. Thesis at defense na lang ang kulang. Gagapangin ko ito. Ito na ang huli. Papa, ito na. 

Papa, magtatapos ako. Hintayin mo po. Panoorin mo lang diyan, kung nasaan ka man. Payakap na lang din kapag natawid ko na itong kalbaryo. Hindi na lang thesis at graduation ang kalaban ko dito, alam mo na po. Mahirap magtagumpay, pero pangako! Magtatapos ako, kahit hindi ka na uuwi.