ni Angela Mae Pamaos

First reading break ko ito sa UP. Looking forward daw rito ang mga students, kaya na-excite rin ako na dumating ito. Walang klase. Walang Google Meet o Zoom. Walang pagmamadali na basahin ang readings. Walang kailangang isulat. Walang nakakakabang araw. 

Halos dalawang linggo rin yata ito, sumabay pa ang Semana Santa kaya dagdag sa pagtigil sa pagbabasa. Iyong iba nga nasa beach pa. Ako? Nasa bahay, iniisip ano kayang p’wedeng gawin maliban sa paghiga sa kama.

Inabutan na ako ng madaling-araw na wala pa rin akong ginagawa. Blangko ang isip ko sa mga akdang dapat kong basahin. Sige lang ako sa pag-scroll sa Facebook at YouTube. Panood-nood ng mga videos. Paano magmumukhang malaki ang bahay mo. Vinyl Tyles. How to be a Financial Advisor. Tutorial Services.

Dalawang linggo na lang, Mayo na. Magbabakasyon na sa paaralang pinagtratrabauhan ko nang full time. Problema na naman kung saan ako kukuha ng pambayad sa bagong bahay na kinuha namin gamit ang loan sa PAGIBIG.

May full time job ako at may part-time rin dahil na rin sa lumolobong pangangailangan namin sa bahay. Noong 2020 sa matinding pasakit ng COVID19, lalo kong nalaman na dapat na talaga kaming makawala sa pagrerenta ng bahay. Kaya noong nabigyan ako ng pagkakataon sa sumunod na taon, hindi na ako nagtumpik-tumpik pa. Ginhawa rin kahit papaano na magbabayad ka buwan-buwan sa PAGIBIG pero maituturing mo naman na sa iyo na.

Iyon nga lang, dalawang buwan na ang natapos hindi ko pa rin nakukuha ang sahod ko sa part-time na makatutulong sana sa mga gastusin. Kasalanan ko rin naman dahil natagalan din ako sa pag-aasikaso ng mga requirements sa pagkuha ng mga bagong dokumento. Ni panggastos sa pagkuha ng medical, pagkuha ng dokumento sa dating school, hirap ako. Nadamay pa pati pambayad ko sa tuition sa Masteral na hindi ko kaagad nabayaran. Nahihirapan ako dahil dalawang bahay pa ang binabayaran ko ngayon dahil hindi kami kaagad nakalipat sa kinuha naming bahay.

Ito iyong mga pagkakataong sinasagad ng pagkakataon ang isang tao.

Unang linggo ng reading break, tumawag ang PAGIBIG sa akin, bakit daw di pa ako nakakapagbayad. Monitored nila ang lahat. Kapag kaunting delay lang, tumatawag na sila. Dito ako nanghihina. Hindi ako sanay sa mga pagkakataong para ang turing sa akin (o baka pakiramdam ko lang) ay nagtatago sa obligasyon ko.

Pagbaba ko ng cellphone, hindi ko na napigilan, napahagulgol ako sa harap ng desktop ko sa workroom namin. Ito ang aking unang reading break. Ito ang isa sa hindi ko kinayang breakdown.

Kaharap ko ang desktop na walang pakiramdam. Ang mga sticky notes ng mga kailangan kong gawin. Ang keyboard at mouse na parang palaging nagsasabi na kailangang tumuloy sa pagtratrabaho. Inoobliga ng panahon sa gitna ng isang matinding krisis na hindi dapat magpahinga. Walang karapatang saglit na tumigil.

Ipinantakip ko ang dalawa kong palad sa mukha ko saka nakipag-usap sa Diyos.

At ito na, tulad nang sinabi ko, malapit na ang bakasyon. Limang taon na akong nagtuturo sa pribadong paaralan. Sa limang taong iyon, tuwing sasapit ang Abril at Mayo, dahil walang sahod, walang laman ang isip ko papaano ako magkakapera. Papaano kami magbabayad ng mga bills na hindi naman nadadaan sa pakiusapan

Sumakit na ang mga mata ko sa panonood ng kung ano-anong videos. 2:00 na ng madaling-araw. Ilang araw na lang babalik na ulit kami sa Google Meet at Zoom. Ilang araw na lang ang mayroon ako para maghabol ng mga kailangang tapusin. Sana ay may alternatibong kurso na magtuturo sa iyo kung papaano pagsabay-sabayin ang lahat: guro, mag-aaral, at anak.

Di bale, malapit na ang Mayo. Sa unang linggo nito, makakalipat na kami ng bahay. Gumaan na sana ang lahat sa pagbitbit namin ng mga gamit sa lilipatang lugar.

Pero sa ngayon, ang pinakamainam sigurong p’wede kong gawin ay walang iba kundi ang matulog. Mabigyan sana ako nito ng lakas sa mga iisipin ko para bukas.