ni Rodmar Arduo

Sa Lamat, May Lamay 

martes 

hindi maibubulas ng kampana ang malalamig na panalangin 

nang itinanghal mismo 

ni kamatayan ang sarili 

sa mukha ng kaibigan. 

tangan ang salamin 

sa hambalos ng titig 

na nakaamba sa iyong kaluluwa, nanapabuntong-hininga ang mga agiw: sa lamat, may lamay 

ngunit walang paabiso. 

nilulunod mo ang atungal 

ng pagkabalisa sa yelo ng inumin at sinasalat ang katinuan. 

tingnan mo ngayon, 

hindi kalupitan ang hawak 

ng kamay kundi isang  

relikya ng kahapon.  

huwag mo nang iwala 

ang iyong pangalan. 

Ilagay sa tabi ng mga labing 

marilag at tawagin itong bughaw. simutin na ang lahat ng sigasig nang sa wakas, humilagpos ang katarsis.

Garden Meditations  

Ngayong araw, pinapayagan ko ang aking sarili na maging isang ilang-ilang, At batiin ang bawat dinaramdam na dumarating sa aking pampang. Masidhi kong naamoy ang pag-ibig mula sa dambuhala at hamak na nilalang, Sa gayong ang mundo ay pansamantalang mapagtitiisan. 

Ngayong araw, pinapayagan ko ang aking sarili na maging isang saluyot. Sa pagtitimbre ng oras nakakapagal ang mga munti kong talulot. Sa samyo ng hanging marahas, mga daho’y ipupulupot, 

Pagkat walang paghinog yaong binabalot ng lungkot. 

Ngayong araw, pinapayagan ko ang aking sarili na maging isang uod. Hindi ko dinarama ang pagbagsak ng lupa sa’king likod, 

Ako naman ngayon ang bubusabos sa mga inaagnas sa puntod, Upang masukol ang hapis ng mga banal na nakaluhod.

Pagsilang II 

I. hindi ka man lang nila pinagsabihan 

na magkakaroon ka pala ng pangalawang 

pagbibinata nang tumuntong ka ng biente-anyos 

kaya’t nagpedal ka sa iyong bisikleta 

pababa ng burol, nagdeklara ng digmaan 

sa hanging humahati sa init ng iyong hingal 

hinahabol mo ang araw habang humihiyaw 

siya ng kulay ngunit hindi mo mawari 

kung may lugar ka sa kanyang paghipig 

II. sabi nila, “maaari kang maging anumang nais mo” 

ngunit ano ang papasuking pasilyo 

sa bawat magarbong pintuan na inalok sa’yo? 

tumutol! palayain! umapaw! 

nalingat ka sa aklasang kumukulo sa loob  

na nakalimutan mong may mapangyamot na daigdig 

natagpuan ng pag-ibig ang daan sa giwang ng nakakuyom mong kamao at sino man ay maaaring maging iyong ina— 

ngayong takipsilim, maari ka nang maging kaibig-ibig.