ni Christian Ason

Gaano kabigat ang buhay, para hindi mabuhat ng mga kamay.

     March 13, 2020. Friday. 3pm. Isang ring sa telepono ang gumising sa akin mula sa himbing ng pagkakatulog. Nang sagutin ko ang tawag, narinig ko sa kabilang linya si Mama. Ang sabi niya, nandoon raw siya sa beterenarya, agad daw namin isugod si Brixter doon pag-uwi ni Papa. Pagkababa ng telepono pinagmasdan ko ang asong hindi na gumagalaw. Humihinga. Dilat ang mata. Bulag ang kaliwa. Tadtad ang katawan ng mga bukol na kulay itim. Tumor.  Hinihimas ko si Brixter, ngunit wala siyang reaksyon o maski maliit na galaw na isinukli. O baka wala na siyang pakiramdam o maramdaman noong mga oras na yon, dahil manhid na ang kaniyang katawan. Pagkaraan ng ilang saglit may bumusina galing sa labas ng bahay, nakauwi na si Papa. Pinagtulungan naming balutan ng kumot ang laylay na katawan ng aso. Tinignan ko siya sa mga sandaling iyon at nakita ko na para bang tinatanggap niya na ang kaniyang kahihinatnan.

     Buhat-buhat ko siya, buhat-buhat nang makaalis ng bahay, buhat-buhat habang umaandar ang sasakyang motor sa gitna ng kalsada. Ngunit sa mga sandaling buhat-buhat ko ang katawan ng asong naghihingalo, wala akong maramdamang kay bigat. Napandaan kami sa parokya ng Maysilo sa bayan ng Malabon, ang simbahan na minsan ko ring pinagsilbihan sa halos na limang taon bilang isang dating sakristan. Kailan ba ako huling nanalangin? Bakit sa mga ganitong pagkakataon ko na lamang naaalala ang Diyos, kung kailan mayroong nag-aagaw buhay na malapit sa akin. Mamamatay na kaya si Brix? Kaparusahan ko ba ito bilang isang makasalanang nilalang? Hindi ko alam.

     Pumikit ako at nag-antanda, sinikap kong manalangin, sinikap kong kausapin ang Diyos kahit nasa kalagitnaan ng biyahe. Panalangin para sa isang kaibigan na sana’y bigyan pa ng pagkakataong ipagpatuloy ang buhay. Habang nananalangin hindi ko na namalayang nalagpasan na namin ang simbahan. Narinig kaya ng Diyos ang dasal ko? Hindi ko alam. Kalungkong ng kaliwang kamay ko si Brixter, samantalang hawak naman ng kanang kamay ko ang kinakapitang pag-asa na mabubuhay siya. 

     Nang makarating kami sa beterenarya, nandoon si Mama, kita ko ang lungkot at pag-aalala niya kay Brix, kita ko ang mga matang namamaga bunga ng pag-iyak. Hindi ko na siya tinanong. Ayoko siyang tanungin noong mga sandaling yon, dahil alam kong mayroong hindi magandang nangyari o mangyayari. Tinulungan ako ni Papa na buhatin si Brix, walang pa rin bigat, o baka mabigat si Brix noong mga sandaling iyon ngunit wala na sa isip ko ang timbangin pa ang bigat niya sa kalagitnaan ng pag-aagaw buhay nito. Mainit pa si Brix at umaasang buhay pa ang asong matagal nang nakikipaglaban sa sakit. Nang tinanggal ang talukbong na kumot na bumabalot sa aso, bumungad sa amin ang hitsura ng aso na labas ang dila, matigas na, mainit pa ngunit wala ng buhay. Sinubukan pa ng Doktor na buhayin ang aso na kanina pa pala nagpapahinga sa gitna ng biyahe. Wala ng tibok, wala ng paghinga. Ano pa ba aasahan mo sa mga ganitong pagkakataon kundi ang umiyak, magsisi at manghinayang. Tanging mga hagulgol lamang namin ni Mama ang naririnig sa pinasukan naming kwarto.

     Naramdaman ko na parang may nawalang parte o bahagi  sa akin, parang hindi ako buo. Nawalan ng paniniwala, ng pag-asa. Nawalan ng kasama, ng makakasama. Sa kauna-unahang beses sa buong buhay ko, noon ko lang naramdaman ang hindi maipaliwanag na sakit. Sinisi ko ang sarili dahil sa pagiging pabaya. At habang sinisisi ang sarili dahil sa mga ilang pangyayari noong nabubuhay pa si Brix, di na namin namalayan na lumubog na pala ang araw, gabi na. Kailangan na naming umuwi. Iiwan na namin ang aso na dumating lang ng isang araw, ngunit mamahalin namin panghabambuhay. Niyakap ko ang aso bago kami tuluyang umalis, na para kahit saan siya maparoon, kasama niya ako. Wala na siya, ang buhay, pero hindi ang mga alaala. Bago tuluyang umuwi, kinausap ko siya. Niloloko ko ang sarili sa pag-aakalang maririnig ko pa sa huling pagkakataon ang tahol niya.  Ang sabi ko “Gabi na. uuwi na kami ni mama. Mahal kita brix. Hanggang sa muling pagkikita.” 

     March 15, 2020. Makalipas ang dalawang araw, naiuwi na rin si Brixter. Mabuti na lamang ay nairaos pa dahil umpisa na ng lockdown. Mabuti na lang din sa loob ng dalawang araw ay naasikaso ang labí niya. Hindi natagalan sa mga proseso gaya ng kremasyon niya. Kahit masakit, mabuti na rin siguro ang nangyari. Hindi niya na kailangan pa magtiis nang matagal sa iniindang karamdaman. Ngayon, mas makakapagpahinga na siya.

Ngayong nasa loob ka na ng urna. Lagi na tayong magkasama.

Para kay Brixter.

úr·na

png |[ Esp ]

1: espesyal na lalagyan ng abó ng sinunog na bangkay : URN2: ballot box.