ni Khristian Ross Pimentel

Hindi pa nangangalahati ang synchronous class ni Edward ay pinindot na nito ang leave meeting button. Isang desisyon na hindi na niya nagawang pag-isipan. Isinilid sa bag ang kakaunting damit, laptop, at mga toiletries para sa kaniyang pag-uwi sa Tacurong. Noong nakaraang buwan lang siya ulit bumalik sa Maynila para sa face-to-face reporting sa trabaho, pero heto siya ilalapat na naman ang mga paa pauwi. 

Hindi pa sumusulyap ang araw nang lisanin ng eroplano ang Maynila. Nakakapagtaka dahil nagawa nitong iangat si binata sa kabila ng bigat na bagaheng dala. Hindi na niya nagawang makatulog kahit ilang araw na siyang tinatakasan ng antok. Hindi rin namayapa ang nararamdaman. Bakit ba kasi nagklase pa sila gayong lahat naman sila ay hindi handang tamnan ang isipan ng kahit anumang pang-akademya. 

Parang binabarena ang ulo ni Edward kapag naalala niyang mas pinili ng mga Pilipino ang magnanakaw ayon sa balita ng partial at unofficial results kinagabihan pagkatapos mismo ng eleksiyon kahit pa nagkaaberya ang ilang mga makina. Kaduda-duda talaga. Makailang sambit ni Edward sa sarili. Parang may isang malaking bato ang dumagan sa kaniyang dibdib. Hindi siya makapaniwala na sa kabila ng araw-araw na pagha-house-to-house at linguhang pakikilahok sa mga rally, hindi naabot ang pinapangarap na malinis na pamamahala. TATLUMPU’T ISANG MILYONG KABOBOHAN.

Mas lalong nawalan ng pag-asa si Edward ng mag-video call sila ng mga kaibigang nagtuturo sa public school at umupo sa eleksiyon. 

“Grabe mga beb. Ang hirap tanggapin dahil nang niluwa ng vote counting machine ang election return, 500 plus votes ang sa magnanakaw habang 100 votes lang ang atin. Gusto kong buhusan ng tubig ang papel o bilangin isa-isa ang individual ballots,” sabi ng kaibigan niyang si Encar habang humahagulgol. Kung may gabing hindi na gustong gumising pa ni Edward, ito ay yung gabing iyon.  Walang milagro. Wala. 

Madilim pa rin nang dumating si Edward sa Davao. Imbis na sa Gen San, mas pinili niya ang Davao dahil mas masaya ang biyahe mula rito. Isa pa, may mas magandang mga ala-ala sa mga madadaanan. Bumabangon pa lang ang mga tao habang siya naman ay papauwi. Mahaba-habang biyahe na naman ito. Apat na oras na pag-iisip. Mas mabilis pa ang biyahe mula Luzon hanggang Mindanao kaysa mula Mindanao patungong ibang bahagi ng Mindanao. Ayaw naman lubayan ng mga demonyo ang kaniyang dibdib. Hindi niya na nakain ang biniling pastil sa terminal. Pati ang pagkain ay nabalot ng lungkot.

May mga matang nagmamatyag sa kaniya habang nakangiti. Nakaumbok ang malalaking bisig at balikat ng binata. Batak na batak sa gym itong si Edward. Kahit na puyat, maaninag ang kaniyang kaguwapuhan. Takaw tingin kahit saan pumunta. Sanay na siya, pero ngayon, hindi niya ibinalik ang mga sulyap.  Sa halip, nagsuot siya ng sombrero, dinukot nito ang cell phone, at muling pinanuod ang video na isang daang beses na yata niyang nakita. 

“Bawal po yan ha!” sigaw ng babae sa video na halos magmakaawa.

“Kung ayaw mo malintikan, ibigay niyo sa amin ang ballot box,” sabi ng lalaking naka-bonnet na may malaking tato ni Kristo sa kanang braso. 

“Sa ngalan ng Diyos, maawa kayo. Alam niyong hindi puwede ang gusto niyo,” pagsusumamo ng babae. Suot nito ang ID na bigay ng COMELEC. JANET MONTILLA. Guro sa Tacurong National High School. 

“Masyado kang nagmamagaling,” sabi ng isa pang lalaking balot din ang mukha. Hinampas nito ng baril si Gng. Montilla. 

Tumulo sa lupa ang luha at dugo ng guro habang walang humpay ang paghagulgol nito. Masahol pa sa isang baboy na kinakatay.

“Maawa kayo! Maawa kayo! Pakiusap!” sambit ni Gng. Montilla na parang mas mahalaga pa ang tungkulin kaysa sa sariling buhay. Sa halagang walong libong piso at pagkain sa pagsasanay upang maging opisyal ng COMELEC, katumbas ay ang buhay niya.  

Mas lumakas ang boses ng mga lalaki at nagsalita ng wika na sila-sila lang ang nagkaunawaan. Nawala sa hagip ng kamera ang mga tao nang biglang may tatlong putok ng baril ang umalingawngaw. Dinig na dinig ang mga yabag ng paang nagsitakbuhan.

  Nang bumalik ang lente ng kamera sa komosyon, nakahandusay na si Gng. Montilla sa lupa at walang malay. Wala na ring hininga. Patay din ang dalawang kasamang bantay. Nagsitago na ang ibang mga opisyal na kanina’y kasama sa pakikipag-agawan. 

“Masyado kang mahirap kausap,” bulalas ng lalaking unang nagsalita sa video at ang nagpaputok ng baril. Naipokus ang video sa lalaki. ISANG DEMONYO. 

Nanginginig ang mga kamay ni Edward habang papalayo na ang mga lalaki sa video at nagsilapitan ang mga tao sa mga bayaning kailanma’y hindi maaalala. Kahit pa may video na ganito. 203K views. 

Kaagad pinigil ni Edward ang mga luhang nagsimulang tumulo nang mag-ring ang kaniyang telepono. 

“Magandang araw po, ito po ba si Sir Edward Montilla?” tanong ng nasa kabilang linya. 

“Opo—” 

“Kaano-ano niyo po si Ma’am Janet at Sir Christian?” 

“Anak po ako, Ate Bing. Malapit na po ako—” 

“Ah sige anak. Nakikiramay ako ulit. Mag-ingat ka. Magkita tayo mamaya. Nandito na sa chapel ang nanay at tatay mo,” tugon ng ale na kahit pa matagal na niya itong trabaho’y tila ba mahirap pa rin ang ganitong pag-uusap. Mahirap pagkatiwalaan ang mga salitang papakawalan sa bibig. 

Pagkatapos ng tawag, binuksan ni Edward ang huling mensahe ng ina:

“Anak, huwag mo kalilimutang bumoto ngayon ha. Kagabi pa kami ng papa mo dito sa paaralan. Huwag kang mag-alala sa amin. Sana naman hindi na maulit ang nangyari noong nakaraang eleksiyon. Sumalangit nawa ang kaluluwa ng tiya Christine mo. Umupo pa rin kami ng papa mo dahil wala namang iba pa na aasahan dito. Mag-iingat ka. Mahal na mahal ka namin…”

Parang isang malakas na dam ang umagos sa gitna ng malakas na bagyo ang mukha ng isang binatang nagluluksa sa bus papuntang Tacurong bago ang pagsikat ng araw. Kung totoong may siyam na buhay ang ina katulad ng pusa, sigurado si Edward na ubos na ito.  

Dalawang oras pa ang biyahe, kaya kinuha ni Edward ang laptop habang sumisinghot-singhot. Hindi man niya kayang baguhin ang nangyari kahapon, inisip niya na kayang-kaya niyang ituloy ang ngayon. 

Hindi pa lang niya alam kung paano.