POETICS: CHERILYN T. SARIGUMBA

MALÍGNO NG MORADJE

Naging malaking palaisipan sa akin ang pagkawala ng uncle ko. Gabi, magkakasama pa kami noon. Masaya. Puro kuwentuhan. Walang problema at alalahanin sa mga mukha. Galing pa nga kami nu’n sa sayawan. Siya ang bantay namin. Natulog kami ng may ngiti sa labi at puso. Pero sa pagsapit ng liwanag at pagkawala ng dilim, naglahong bigla ang kaligayahang naramdaman namin. Ang init na nasa puso namin ay biglang napalitan ng panlalamig. Nawawala si Uncle. Umalis. Hindi nagpaalam. Isa man sa amin ay walang makapagsabi kung saan siya nagpunta. Wala namang nakaramdam na binuksan niya ang pinto at lumbas. Basta’t parang bula siyang naglaho. Walang iniwang clue o pahiwatig. Hindi tuloy namin malaman kung saan kami magsisimula. Wala kaming katiting mang ideya kung saan siya nagpunta. O kung bakit siya umalis. Hindi naman kasi ito umaalis ng basta-basta. Lagi itong nagpapaalam. Malabo man sa amin ang nangyari, hindi man namin alam kung saan kami magsisimula pero hinanap pa rin namin siya sa abot ng aming makakaya. Pero wala talaga e. Nawala siya. Walang nakaaalam kung saan siya nagpunta. Walang makapagsabi. Lahat kami, nagtataka. Nahihiwagaan.

Hindi iyon ang unang beses na nawala ang uncle ko. Nangyari na ito noon. Bata pa ako. Eight, nine years old yata ako nu’n. Nagkagulo kami. Hindi malaman ng Papa ko kung anong gagawin. Kapatid niya iyon e. Kapatid niya ang nawawala. Lahat ng paraan, ginawa namin para mahanap ang uncle ko. Pati nga ang pagpapahula, sinubukan namin. Sabi nu’ng nilapitan naming manghuhula, kusa raw na uuwi si Uncle. Hintay-hintayin lang. At sa pag-asang uuwi si uncle, hindi nawawalan ng tao ang bahay namin. Kailangang may naiiwan para kapag umuwi ito, may maaabutan.

Makalipas nga ang dalawang taon, kusang nagbalik ang matagal na naming hinihintay at hinahanap. Ang kinsabikan ng aming mata’y biglang nagpakita. Nawalan na kami ng pag-asa nu’n. Pero bumalik siya sa panahong hindi namin inaasahan. At sa muli niyang pagbalik sa piling namin, hindi masukat ang ligaya sa aming mga puso. Tuwang-tuwa kami. Hindi ko nga lang matandaan kung naluha ba kami nu’n gaya sa mga palabas. Naluha man kami o hindi ng mga panahong iyon, ang importante bumalik si Uncle. Kapiling namin siya ulit.

At bakit siya nawala? Iyon din angitinatanong namin. Kabisadong-kabisado naman kasi niya ang pauwi sa amin, sa Batangas pa kami nakatira nu’n, kaya’t imposibleng maligaw siya. Pinagkatuwaan ng adik at tambay, ayon sa naghatid sa kanya. Pinaghahampas siya ng kahoy sa ulo hanggang sa mawalan ng malay. Kinuha ang wallet niya. Nagising siya sa isang ospital sa Mandaluyong, hindi makausap. Nakatulala lang. Nakatingin sa malayo.

Matagal na nakatira sa amin ang Uncle ko. Sa amin siya nagpagaling. At nang maging normal, umuwi siya sa probinsiya namin sa Mindanao. Gusto daw niyang makasama si Lola at ang iba niyang mga kapatid.

Pag-uwi niya sa probinsiya, walang naging problema. Nagtrabaho pa nga siya. Nanligaw din. Tapos nagpasiya din ang mga magulang kong umuwi kami du’n. Okey naman ang lahat. Kaya’t parang bombang sumabog ang katotohanang sa paggising namin isang araw, wala na si Uncle. Hindi siya namatay. Kundi nawala. Naglahong bigla. Nagkakagulo na kami. Nagsisisihan. Nagsisigawan. Halos mag-away-away.

Sa ikalawang pagkawala niya, walang katiyakan kong babalik pa siya. Kung makikita pa namin siyang muli. Mahigit sampung taon na siyang hindi nagpaparamdam at nagpapakita sa amin. Walang nakaaalam kung buhay pa o patay na siya. Sa tagal, tila namanhid na ang puso namin sa paghihintay. May mga pagkakataon din na ipinagtitirik na namin siya ng kandila. Ipinagdarasal ang kaluluwa. Kasi nga, pinagbigyan na namin ang posibilidad na patay na siya. Na baka patay na nga siya kaya’t hindi umuuwi sa amin.

Nangyari ang pagkawala niya sa probinsiya ng Mindanao. Naging bukambibig ng mga kakilala at kaibigan namin, pati na rin ng aming kamag-anak na patay na si Uncle. Pinatay, napatay, kung alin man doon, hindi namin masasagot. Hindi namin alam. Mayroon din namang nagsasabing kinuha raw ito ng engkanto, ng mga nilalang na hindi natin kauri, mga nilalang na hindi nakikita ng ating mga mata. Kasi nga, wala namang natagpuang bangkay o katawan niya.

Guwapo kasi si Uncle, maputi, kulot ang buhok, tama lamang din ang taas nito—hindi pandak, hindi rin matangkad. At dahil daw sa hitsura nito, puwede daw na nagustuhan ng mga engkanto kaya’t ayon nga, kinuha. Dinala sa kaharian nila. At kung paano babawiin, walang makapagsabi ng solusyon.

Natural, kapag probinsiya, hindi talaga maiiwasan ang maniwala sa mga kababalaghan. Kakabit na yata ang mga kuwentong kababalaghan sa mga probinsiya, lalo na du’n sa mga tagong pook o barangay. Kapag may malaking puno, may naninirahan kaagad na ibang nilalang. Pero wala namang makapagpatotoo na may mga engkanto nga. Basta’t kapag may nawala at hindi nakita, kung hindi man pinatay o napatay at itinapon ang katawan sa kung saan-saan, asahan mong ang kakalat na balita ay kinuha ng engkanto, ng maligno, ng lamang lupa.

Ilang beses akong dinadalaw ni Uncle sa panaginip. Hindi ko alam kung bakit. Sa pamilya, ako lang ang binibisita niya habang tulog. Hindi ko alam kung ako lang ba ang naapektuhan sa pagkawala niya. Sa panaginip ko, lagi siyang nakatingin sa malayo. Tahimik. Hindi nagsasalita. Hindi niya ako tinitingnan. Lagi ring madilim at halos hindi ko maaninag ang mukha niya. Pero alam kong siya ‘yon. Si Uncle ‘yon. Siguradong-sigurado ako kahit na hindi ko mabanaagan ang kabuuan ng kanyang mukha.

At dahil sa kuwento niya, nabuo ang Malígno ng Moradje. Isang nobelang naka-dedicate sa kanya.

Pinagbasehan ko man sa nobelang ito ang kuwento ng pagkawala ng uncle ko, malaki ang binago ko sa mga pangyayari. Oo nga’t ginamit ko ang mga totoong lugar sa Mindanao, may ilan naman akong inimbento lang, kagaya na lang ng Semenario de San Francisco sa Ozamiz na may itinatagong lihim. At sa kalaunan, lalabas ang koneksiyon nito sa karakter na si Uncle Armando.

Sa pagkawala ni Uncle Armando, umugong ang samu’t saring kuwento. Kesyo pinatay siya. Kesyo kinuha ng engkanto, mga nilalang na hindi natin nakikita. At ang maliit na barangay ng Moradje, sa bawat kuwentong maulinigan, kaagad na naniniwala. Walang tanong-tanong, basta’t pinaniniwalaan nila ang kung anumang kuwentong umugong sa kanilang lugar. Dahil maliit lamang din ito, bagwis sa bilis kung kumalat ang mga pangyayari. Tsismoso’t tsismosa ang mga tao. Laging naghahanap ng mapagkukuwentuhan. Maya’t maya kung mag-imbento ng mga wala namang katuturang istorya. At dahil madaling maniwala ang mga tagaroon, isang bahing lang, tila usok itong kaybilis kumalat sa buong lugar.

Nais kong maging daan ang nobelang ito upang maipakita sa nakararami kung paano kumalat ang isang napakaliit na pangyayari sa isang maliit ding barangay na kalaunan ay lumamon dito ng buong-buo. Ang kung ano ang magiging epekto nito sa mga tao, at maging sa lugar mismo.

May pagkakatulad ang nobelang Malígno ng Moradje na binubuo ko sa pangyayari ngayon lalo pa’t lulong na lulong sa social media ang karamihan sa atin. At sa pamamagitan ng social media gaya ng Facebook, mabilis kung kamalat ang kuwento nang hindi man lang inaalam kung totoo o hindi. Mas pinaniniwalaan nga ang sabi-sabi kaysa sa nakikita ng mga mata. Mas pinaniniwalaan ang narinig o ikinuwento kaysa sa mga inilalabas na pruweba.

Kung titingnan natin, ang bansa, ang Filipinas ay parang isang maliit na barangay na kaydali-daling nahuhulog at naniniwala sa fake news. Kaydali kung mahumaling sa mga mabubulaklak na salita.

Bakit ko ba nais isulat ang nobelang ito?

Pagbibigay sa sarili ng kaligyahan, isa iyan sa dahilan. O mas akma yatang sabihing pagbibigay ng katahimikan sa sarili. Kumbaga, sa pamamagitan ng pagsulat ko ng kuwentong ito na hango sa pagkawala ng uncle ko, maipakikita ko kung gaano siya naging importante sa akin. Na hindi man namin siya makita, nananatili ang pagmamahal namin, pagmamahal ko sa kanya. At kahit na imposible, maniniwala ako na isang araw, muling magbabangga ang landas namin.

Nais ko rin siyempreng manatiling buhay, kahit na ang alaala man lang ng uncle ko sa pamamagitan ng pag-ukit ko ng kanyang kuwento.
Bukod sa sariling kapakanan o sariling kaligayahan, ikalawang dahilan ay nais kong ipakita ang maaaring kahinatnan ng isang lipunang kaydaling maniwala sa hindi naman totoo. Isang lipunang kinatamarang gamitin ang utak para mag-isip at magtanong. Iyong naniniwala lang basta-basta. Oo lang ng oo.

Ang nobelang Malígno ng Moradje ay isang pagtingin at komentaryo sa lipunan. At ang pinaghugutan, ang isang masaklap na pangyayaring hangang ngayon ay hindi pa natutuldukan. Hanggang ngayon, nananatiling bukas na libro.
At sana, maging dahilan o daan ang nobelang ito upang magsara ang nakabukas na pahina sa aking puso. Masagot ang katanungang kaytagal nang bumabagabag sa akin, sa amin.
Inilagay ko sa katauhan ni Basáng, ang story teller, ang aking sarili. Sa tingin ko kasi, mas mabibigyan ko ng hustisya ang kuwento kung ako mismo, kung ang bawat paghinga ko ang magiging gabay upang mabuo at matapos ang nobelang ito.
Dahil din sa naghahabol ako ng deadline, hindi ko pa nailalagay ang mga tuldik sa bawat salita. Hamon din kasi ang pagtatrabaho sa diyaryo tapos araw-araw, magtatapos ka ng dalawang pahina. Minsan, petiks ka kasi may writer ka o OJT. Kaso madalas, walang nagpapasa kaya’t gagawa ka ng paraan para kinabukasan, lumabas ang diyaro. Kesehodang tumambling-tambling ka sa newsroom o sa field para lang makahanap ng ilalagay mo sa pahinang hawak mo. Hindi dahilan ang kawalan ng istorya o balita para hindi matapos ang pahina. Pero sinisiguro ko namang matutuldikan ang dapat tuldikan kapag nabuo ko na ang nobelang ito. Kapag natapos ko na.

Bakit ba ako nagsusulat? Ano ba ang pagsusulat para sa akin?

Simple lang, ito ang isang bagay na nakapagpapaligaya sa akin. Sa pakikipagkaibigan sa mga letra, natatalunton ko ang isang lugar na ako lamang ang nakararating. Nakabubuo ako ng isang daigdig na alam kong sa pamamagitan nito, maaaring makapag-isip at matauhan ang bawat mambabasa. Ito rin ang ginagamit kong paraan upang maipakita ang nararamdaman, ang pagtingin ko sa mga bagay-bagay, ang pagpansin sa mga nangyayari sa paligid.
Sabi nga, hindi lahat ay kayang magsulat. Pero kung nasa puso mo ang pagsusulat, ikalulumpo mo kong mawala ito sa iyo. At dahil diyan, nagsusulat ako at patuloy na magsusulat. Para sa pagpapalawak ng aking kaalaman at talento. At para na rin magurlisan ang puso ng makababasa ng aking mga isinusulat.

Bata pa lang ako, pinangarap ko nang makita o mabasa ang pangalan ko sa libro. Iyon bang sa cover nakasulat ang pangalan ko. Sabi ko sa sarili ko, isang araw ay maaabot ko rin iyon. Makikita ko rin sa libro ang pangalan ko. Nangyari naman. Nang mailathala ang kauna-unahan kong nobela. Iba ang dating. Kakaiba kapag nobela o libro ang nalalathala kumpara sa mga artikulo at balita sa diyaryo.
Mahigit limang taon na akong Travel at Lifestyle Editor ng Pilipino Mirror pero hindi ganoong katindi ang ligayang nadarama ko sa tuwing lalabas ang sinulat kong article sa diyaryo. Sa una, masaya. Pero kapag laging nakikita mo ang pangalan mo sa diyaryo, iyong tipong limang taon na, medyo nakauumay rin pala. Kaiba kung sa libro nakaukit ang pangalan mo, ang tagal mawala ng ligaya. Nakaaadik. Iyon bang gusto mong magsulat na lang ng magsulat at nang makapaglabas ka na naman ng panibago. Iyong tipong hindi ka makontento at gusto mo pa.
Kaya ang pagsusulat ng mga kuwento, sanaysay at tula ang isa sa gusto kong makasama hanggang sa pagputi ng lahat ng buhok ko. Siyempre, bukod sa pamilya ko. Mahirap naman iyong sulat ka lang ng sulat tapos wala ka namang pinag-aalayan ng sinulat mo. Wala ka namang karamay sa saya. Bukod sa pamilya ko, pagsusulat ang gusto kong makatabi hanggang sa pagtanda ko.
Sa totoo lang, excited ako sa nobelang ito. Sobrang excited ako. Hindi kasi ito kagaya nu’ng mga sinimulan kong nobela na hanggang title lang ang nagagawa ko o kaya unang kabanata lang. Pagkatapos ng title o kaya unang kabanata, wala na. Hindi ko na masulat. Hindi ko na malaman kung paano dudugtungan. Pero ito, siguradong-sigurado akong matatapos ko. Matatapos sa panahong gusto kong matapos. Nakatali kasi ito sa puso ko. At ang bawat tibok ng puso ko ang siyang nagbibigay ng hininga sa nobelang ito. Ang siyang nagbibigay ng buhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *