WORKSHOP SUMMARY: DAY 6, APRIL 6

Romeo P. Peña

Tinatangkang iguhit ni Peña ang mapa ng kaakuhan at pag-uwi sa mga imaheng may kaugnayan sa Bondoc Peninsula.  Itong proyektong “Mulang Bondoc Peninsula Patungong Maynila,Mulang Maynila Pabalik ng Bondoc Peninsula at Iba Pang Mga Tula” ay pagpapatuloy ng mga nasimulan niya sa kanyang pagsusulat para sa kanyang kursong masterado. Sa mga tulang may kaugnayan sa imahen ng pag-uwi, may tangka rin si Peña na magtalakay sa ideya ng kaakuhan ng bayan.

Lungkot ang pangunahing emosyong nabasa ni Vim Nadera sa mga tula ni Peña.  Nakapakete ang emosyong ito sa mga baryasyon ng mga salitang “galak” at “gunita,” May interogasyon sa linaw ng tunguhin ng mga tula.  May emosyon pero may kulang sa konkretisasyon, sa pagpapatingkad ng mga larawang ipinipinta ng tula.  May paghahagilap din ng katangian ng balance at pagbuo ng naratibo sa planong koleksyon ni Peña.  May ilang tula na masyadong malakas ang imahen, gaya ng imahen ng “umaalingasaw ang mga bangkay na hindi naililibing,” na hindi pa pumapantay o umuugnay nang mabuti sa ibang mga tula sa koleksyon.  May tendensiya ding makalunod ang lungkot, kaya hinahanapan ang koleksyon ng bakas ng ligayang nakamapa rin sa Bondoc Peninsula.

Habang hinahanap pa ng ilang nagbasa tulad ni Joi Barrios ang linaw ng pagpapakahulugang makikita sa linaw ng disenyo sa pagtula, may kontra-interogasyon din mula sa ibang nagbasa kaugnay nito.  Inilatag ni Che Sarigumba ang paggalugad sa ambag ng tulang nakabase sa emosyon at hindi sa linaw ng imahen.  Para sa kanya, “Kailangan bang ang isip lang lagi ang makakaintindi ng mga tula? Hindi ba ang puso din ay maaaring umintindi?”  Pinagtalunan din sa pagbabasa ng koleksyon ang katangian ng wika—may ilang tumitindig na maaari pang gawing mas malapit sa lugar na pinagmulan ang paggamit ng Filipino/Tagalog, pero sa iba ay hindi ito primaryang pangangailangan pagkat kinakatawan ng wika ni Peña ang uri ng Filipino ng isang personang nagmula sa Bondoc Peninsula at nakapunta sa Maynila.  Maaaring naroon ang intensyon sa gamit ng wika.

Sa paglalagom, may mungkahing lubusin ang paggamit sa persona ng bata at imahen ng kabataan sa rebisyon pagkat narito ang ilan sa nakitang lakas ng koleksyon.  Kinilala ang kapangyarihan ng hiwaga, ngunit napagkasunduan naman ng mga naroon na may mga hiwagang nangangailangan din ng kasagutan sa mga tiyak na panahon.  Nangako si Peña na sisikapin niyang lagyan pa ng dagdag na linaw at bias ang mga hiwagang nais niyang itawid sa kanyang mga tula.

Carlito P. Casaje

Para sa proyektong Creative Non Fiction ni Casaje, ang “Reimagining Bienvenido: Scenes from a Borrowed Life,” pinasimulan ng moderator na si J. Neil Garcia ang talakayan sa paglalatag na maaaring pinakamahirap na klase ng CNF —ang pagsulat ng biography.  At sa panimulang pagbabahagi ni Casaje, lumitaw na agad ang isa sa pinagmumulan ng kumplikasyon—ang pagtitimbang sa kung kaninong alaala ba ang magiging mas matingkad sa pagbabalik-tanaw.  Sa iba, may panawagang ilayo muna ni Casaje ang kanyang sariling mga alaala sa pagsasalaysay ng buhay ni Bienvenido M. Noriega, Jr.  Kung hindi man mailayo, may panawagang maging malinaw ang pagdidisenyo, o maging mas tiyak kung sa anong mga bahagi itatampok ang ginagawan ng bayograpiya at kailan naman ibabalik ang sarili.  Sa mga isyung nabanggit, may pagkilala rin naman sa karagdagang kumplikasyon na may personal na ugnayan si Casaje sa manunulat na ginagawan ng bayograpiya.

Mayaman sa social commentary ang mga dula ni Noriega, maaaring doon pumunta ang proyekto ni Casaje.  Literary Criticism sa ambag ni Noriega sa mundo ng panitikan at dula.  Sa kabilang banda, nasa direksyon naman ng memoir ang melankolya at pagkataong pinagmumulan ng lakas sa panulat ni Casaje sa proyekto.  Para sa ibang nakapagbasa ng mungkahing proyekto, nakikita nilang mas may dating ang pagbabalik-tanaw kay Noriega sa usapin ng personal na interaksyon niya kay Casaje.  Sa iba naman, kailangan pa rin ng pagtataya sa mga usapin ng etika, pagbabalanse sa ideya ng “totoo” at “chismis,” hanggang sa pagsasakonteksto ng proyekto sa kabuuang kasaysayang pampanitikan kung saan nakapag-ambag si Noriega.  May panawagan din para kay Casaje na pag-isipang isulat ang proyekto sa Filipino, ang wikang mas gamay niya.

Sa paglalagom, nilinaw ni Casaje na totoong mas madali para sa kanya kung ibalik ang pagsusulat sa pagkakabit sa sarili, sa paggawa ng isang memoir, pero ayon din sa kanya, “, but where’s the homage for Boy there? I want to make this for Boy.”  Sinusugan ito ni Garcia sa pagsabing “this is a person who have produced works of such brilliance in our theater history that in fact, we may say his influence endures, and we may say that he, in fact, is still in us.”

Mark Anthony Daposala

Sa koleksyon niyang “Basâ-Basa and Other Poems,” tinangkang tulaan ni Daposala ang libog sa perspektiba ng isang lalaking may posibilidad na maging kaiba sa mga dominanteng pananaw ng pagkalalaki.  Bilang koleksyong isinulat sa Cebuano at binabasa sa pamamagitan ng salin sa Filipino, una nang lumutang ang mga isyung may kaugnayan sa wika at pagsasalin.  Ang mga usaping ito ay nabanggit na rin sa mga akda ni Romeo Peña, Bernardo Aguay, at Januar Yap.

Sa pagbasa nina Yap at Noreen Capili, may pagtatalo sa kung paano nahuhuli ng wika ang mga pananaw sa libog.  Kay Capili, bata ang persona at tinig sa Cebuano at naging mas matanda na mala-DOM ito noong isina-Filipino; kay Yap, hindi bata ang Cebuanong ginagamit—hindi millennial kundi lumang Cebuano ang pakiramdam sa pagbasa ng wika ng orihinal.  Ang wikang gamit ni Daposala na “Old Cebuano” sa paglalarawan ni Yap ay mas gustong tawagin ni Daposala bilang Binisaya.  Itong gamit ng Binisaya ay nakita naman ni Neil Garcia na lumilitaw sa istruktura ng mga salin, bagamat hindi niya matitiyak kung taglay din ng salin ang iba pang mas malalim na partikularidad ng mga orihinal.  Napunto ni Roland Tolentino na may nawawalang enerhiya kapag sa saling Filipino na binabasa ang mga tula.  Pinaiiwasan naman ni Eugene Evasco ang mga salitang “siyokoy,” isang konseptong nasipi niya mula kay Virgilio Almario.  Ang mga salitang ito ay iyong mga salitang hindi tapat sa orihinal na pinagmulan, katulad ng paggamit ng “imahe” imbes na “imahen” na mas matapat sa orihinal na Espanyol.

Ibinahagi ni Vlad Gonzales ang ilang mga pananaw na may kaugnayan sa translation studies.  Nilinaw niya na may ilang mga pag-aaral na nananawagang lumayo sa usapin ng “tama” o “maling” pagsasalin, at may pagdidiin na lang sa pagpansin ng para saan o para kanino ginagamit ang isang salin.  Sa pagpansin sa intensyon ng tagasalin at isinasalin, nagiging mas malinaw ang kaligiran ng produktong salin, at nagkakaroon din ng linaw sa kung paano ito dapat basahin.  Nabanggit din ni Gonzales ang mga puntong may kaugnayan sa pulitika ng pagsasalin, na minsan ang pagsasalin ng isang wika sa Filipino o sa Ingles ay babasahin bilang pagkilala na mas mataas na wika ang mga ito.

Sa usapin ng nabubuong tinig ng mga tula, inimbestigahan ng mga nagbasa ang halaga ng libog sa koleksyon.  May pagkakasundo ang mga nagbasa na ang anyo ng libog sa koleksyon ni Daposala ay isang libog na nagpapasintabi.  Kinikilala ang presensya ng pananabik at pagnanais na umugnay, pero may pagtitimpi at pagtatangkang huwag ipuwersa ang persona at ang mga tula sa mambabasa.  Habang may tangkang dalhin pa ang pagbasa sa usapin ng babae at libog bilang imahen ng Inang Bayan, may kontra-pagbasa na baka overreading na ito.

Sa pagtatapos ng sesyon, ibinahagi ni Daposala ang paniniwala sa tindig na “there is no masculinity, only masculinities.”  Ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa mga naging pagbasa, lalo sa partisipasyon ni Luna Sicat Cleto na nakakita ng maraming dimension ng posibilidad sa mga akda ni Daposala.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *