MENSAHE PARA SA PAGTATAPOS NG 57th UPNWW: PROF. VLAD GONZALES

Bukod sa pagiging workshop director, ako rin ay estudyante sa PhD Pagsasalin na may pokus sa mga salin ng dulang pang-entablado. Sa maraming pagkakataon, ang iba kong mga gawaing inuuna ay nangangahulugan ng kabawasan sa oras para maisulat ko ang aking disertasyon at mabuo ang aking pag-aaral sa doktoradong antas. Ang ginagawa kong pampalubag-loob ay ipakete ang ilang pagkakataong magsalita sa mga pananaw na natutuhan ko sa aking mga pag-aaral. Kaya heto, ang mensaheng ito ay kalahating mensahe ng pagbati at kalahating lecture series.

Sa pagsasalin, paulit-ulit na lumilitaw ang ideya ng pagtawid. Itinatawid ang isang punto patungo sa ibang punto. Ibang wika sa ibang wika. Kultura sa panibagong kultura. Medium sa isa pang medium at genre sa iba pang genre at iba pang baryasyon. Para sa ating magtatapos sa workshop na ito, napakadaling hanapan ito ng koneksyon sa ating buhay-manunulat. ‘Di iisang beses na nasabi na ang gawain ng manunulat ay maghatid o magtawid ng mga pinaninindigan sa pamamagitan ng wika. Language is the first poetry, writing is always a translation. Ganito ang inaalingawngaw ng ilan sa quotable quotes ng ating mga panelista.

Nahumaling ako sa praktika at mga pananaw tungkol sa pagsasalin ng dula lalo noong nalubog na ako sa mga prosesong pinagdaraanan ng pagbuo ng palabas. Isa sa punto ng pagsasalin at pagtatanghal ay iyong salitang nasabi na—ang proseso. Sa proseso, nakikita at nabibigyan ng diin kung anu-ano ang papel ng bawat isa. Nililinaw at binabantayan kung maisasagawa nang maayos ang bawat itinakdang papel. Inaasahang ang workshop director at staff ay maninigurong hindi maaabala sa mga teknikal na pagkatalisod ang isang linggo ng palihan. Dapat walang late o lihis sa schedule, dapat walang nagugutom o walang hindi maayos na matutulugan, dapat may susuporta sa pagkakataong may isang fellow o panelist na magkakasakit at mangangailangan ng kalinga. Ang workshop panel ay inaasahang nakapagbasa ng manuskrito at magbigay ng kanilang mga komentaryo. Inaasahang may sapat silang kaalaman at kahandaan, mas lalong inaasahan ang kanilang pagiging tapat—kung may nakikitang suliranin sa akda at manunulat, kailangang tukuyin at pag-usapan. Kung hindi kasi, bakit pa sila nabuhay at kinailangang isama sa pagtitipong ito.

Ang workshop fellow, kung ibabalangkas sa pananaw ng pagsasalin at palabas, ang bahagi ng produksyong may espesyal na papel. Kung teatro ito, kayo ang aktor na papanoorin ng audience. Kayo ang tagapagpaganap ng mahabang panahon ng diskusyon, pre-prod, mga pagsasanay o rehearsal. Kayo ang nakasentro ‘pagkat kayo ang patunay at bunga ng proseso ng pagtatangkang magtawid. Kayong mga manunulat na fellow ng 57th UP National Writers Workshop ang inaasahang maging patunay na may talab at ambag ang best practices ng writing workshop scene. Kayo ang magpapatunay o magpapawalang-bisa sa mga isinagawa at isinasagawa nating proseso.

Sa sistema ng panitikan at malikhaing pagsulat, nabanggit na ang existence o pag-iral ng isang “patronage system.” May gabay at ginagabayan. May patron at may binibiyayaan ng patron. Interesanteng tatak at imahen at patron pagkat nagpapakita ito ng dalawang mukha ng kapangyarihan—sa una, ang patron ay tinitingala, parang diyos, hinahangaan at sinasamba (kung minsan, patungo sa bulag na pagsunod); sa pangalawa, wala namang diyos na na nababagabag ng mga tambak ng labadang naiwan sa bahay, walang poong sinisingil ng adviser dahil sa wala pang maisumiteng draft ng disertasyon, walang idolong kinakalampag ng panawagan tungkol sa kanyang pangangasiwa sa pinagsisilbihang institusyon. Interesante ang ideya ng patron dahil ipinapamalas nito ang sabay na pagkakaroon at pagkawala ng kapangyarihan nitong mga panelistang manunulat na inaasahang maggawad ng tatak na manunulat.

Pagkat hindi nga ba iyon ang sintesis ng ebalwasyon ninyo kaninang umaga? Na sabay-sabay tayong mga malaki at maliit na nilalang? Ihinihinto natin ang mundo natin para maramdamang may halaga ang pagsusulat kahit may pamilyang naiwanan, trabahong ‘di pa matugunan, o mundong nasisira nang nasisira kada segundo. May pagtingin tayong napakawalang-halaga ng mga nagawa at ginagawa natin, pero nakakita tayo ng mga kaibigang may mas masalimuot na danas at naisip nating, kung kinaya nga nila, ano’t hindi ko kayang kayanin? At ang subtext nito, napagtanto man natin o hindi, ay ang paninigurong sa isang sulok ng ating malaki-maliit na mundo, may isang nilalang na makakabasa ng ating lilikhaing piyesa. Isang nag-iisang malungkot at nag-aalinlangang nilalang. May alinlangan pagkat iniisip niyang walang nakakaunawa ng kanyang mga nararanasan. May duda pagkat halos naniniwala na siyang walang nakakakita o nakakakilala sa kanyang pag-iral. Siya, isang araw, ay makakabasa o makakapanood ng ating mga inakda, ang ating mga isinaling danas, mababasa niya ito at iisiping, “ayan, eksakto, ayan nga ako.” At doon sa saglit na iyon ay nagtagumpay na tayo.

Sa huli, kung hindi pa rin sapat ang linaw, ang inaasam-asam na produkto, ang bunga ng proseso, ay kayo mismo—ang pagpapatuloy sa mga nasimulang proyekto, ang pagpapatotoo na nagkamali o naging angkop ang aming mga pagbasa at payo. Kayo ang mga aktor na tagapagpaganap ng palabas at pagpapalabas. Sa huli, kayo ang mapapanood, ang mababasa, ang tatayuan at papalakpakan. Hanggang sa magdesisyon kayong nais ninyong tumawid patungo sa mga bagong produksyon, at muling mangahas na sumubok at magsanay, at sumubok pa at magsanay pa nang paulit-ulit.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *