POETICS: Usapang Maliit (Jerome Hipolito)

Sa koleksiyon ng mga rawitdawit na, Sadit na Bagay (Maliit na Bagay), gusto ko ikwento ang maliliit para maikwento ko ang malalaking bagay. Di ba nga, lagi’t laging nag-uumpisa talaga sa maliit ang lahat? At ang taong hindi nga natitiwalaan sa maliliit na bagay, paano titiwalaan sa mga malalaki? Magkukwento ako ng mga maliliit na naratibo at hindi ng grand narrative, hindi ito nag- aambisyon na bumuo ng grand narrative, kundi sangsaglit na pasilip sa isang tagpo, maiiksing sandali, at payak na naratibo. Sabi nga ni Edith Tiempo, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, sa kanyang tulang “Bonsai”, iyong kasya lamang para maitago sa karton ng sapatos o sa isang pigeon hole. Pwede ngang sabihin, walang ibang sinasabi ang rawitdawit bukod sa sarili nito, halimbawa kung tinutukoy nito ang isang ilog, wala itong ibang bagay na tinutungo liban sa tinutulaan nito, ang ilog, kung kaya’t pwedeng tanungin ng kritiko, may rawitdawit ba sa koleksiyon, rawitdawit nga ba ang mga ito, e ni walang metapora. Pwede bang magkaroon ng rawitdawit na walang metapora? Meron naman, itanong pa natin kay William Carlos William. Mga ordinaryo, maliliit at simpleng bagay ang tinutulaan ko sa koleksiyong ito dahil mas kilala ko sila, mas may alam ako sa kanila, mas malapit sila sa aking puso, sa aking pusod, kaya sila ang kaya kong laruin para maisabi ang mga hindi sinasabi ng mga rawitdawit. Malinaw sa akin na ang sinasabi (the said) at ang hindi sinasabi (the unsaid) sa rawitdawit ay kapwa mahalaga.

Iyong alam kong alam ko, ang sinusulat ko. Hindi ko kasi kailanman masusulat ang mga bagay na hindi ko alam at wala akong alam. Kaya ang siste, nagmamasid-masid ako sa paligid, binubuksan ko ang aking mga mata sa iba-ibang mundo na nakikita ko sa paligid. Dinadama ko ang mga maliliit, para kasi sa akin, ang ordinaryo, maliliit at simple ay parang tropa lang, iyong andyan lang sa harapan ko, o katabi ko, at dahil nga ordinaryo, maliliit at simple lamang, ang maliliit ang gusto ko talagang magbasa sa akin. Sa madaling sabi, para sa karaniwang tao ang mga rawitdawit ko.

Kamakailan, hinangaan ko ang anim na tauhan na naghahanap ng manunulat sa dulang “Six Characters in Search for an Author” ni Luigi Pirandello na isinalin sa Filipino ni Rody Vera na itinanghal ng Dulaang UP. Hinangaan ko sila dahil binigyan nila ako ng ideya na mapalad ako dahil bilang tao, marami akong nakikita o kinabibilangan o dinaraanang mundo. Sa kaso ko, iba ang mundo ng titser, iba rin ang mundo ng isang kuya at iba naman ang mundo ng isang kaibigan, na malamang mas nakakapatingkad sa aking pagpapakahulugan sa mundo, at hindi tulad ng anim na tauhan na may iisa lamang na ginagalawang mundo, sa gusto man nila o sa ayaw.

Ang koleksiyon ay isang pagbibigay pugay sa “Ode to Common Things” ni Pablo Neruda. Sa nabangit na libro, tinulaan niya ang mga ordinaryong bagay ng kanyang panahon. Tulad ni Neruda, pinipilit ko rin unawain ang sarili kong panahon, ang panahon kung saan ako kasali. Kasali ako sa Bikol. Ang mundo ko ay Bikol, ang wika at ang lugar. Kaya’t politikal na desisyon ang paggamit ng Bikol sa mga rawitdawit bagaman isinalin ko ito sa Filipino at isinulat na rin sa Filipino ang poetics, para maintindihan ng mas nakararami. Hindi naman usapin sa akin kung saan nakasulat ang isang akda, ang mahalaga naman ay kung maganda ba ito. Hindi usapin kung saan nakasulat kasi nandiyan naman ang posibilidad ng pagsalin sa mga wika na may mas maraming nakakaintindi. Mapalad ako dahil nabuhay ako ngayon sa panahon kung kailan namumukadkad ang panitikang Bikol at ang mga rawitdawit sa koleksyon ay ang ambag ko sa panitikang Bikol.

Bilang nagsusulat ng mga tula sa Bikol, hindi ko nararamdamang nag-iisa lang ako, bagaman, nag-iisa lang ako tuwing nagsusulat, alam ko suportado ako ng aking dalawang organisasyon, ang Kabulig Bikol, ang pinakamatandang organisasyon ng mga manunulat ng Bikol at ang Parasurat Bikolnon, na samahan ng mga bagong boses sa Bikol na nangangasiwa ng taonang Saringsing Writers Workshop sa rehiyon, ang Saringsing Writers Workshop ay ang program ng PB para sa mga baguhang manunulat sa Bikol.

Mahirap ang simple, at maganda ang simple. pero ang simple ang hindi napapansin o hindi pinapansin, sa kasimplehan siguro, kung bakit hindi na sila napapansin ng karamihang tao. Ang ordinaryo ay madalas nababaliwa. Pero kahit ganun, patuloy kong tinutulaan ang mga ordinaryong bagay dahil patuloy silang hindi pinapansin at hindi binibigyang halaga ng lipunan, tulad ng mga karaniwang tao, kung saan ako kasali. Pero ano ba ang masasabing ordinaryo, maliliit at simple sa aking panahon, iyon, ang mga iyon ang tinutulaan ko.

Binuhusan ko ng mahaba-habang panahon ang pagtipid ng mga salita sa rawitdawit. Hindi kasi katumbas ng haba ang lalim para sa akin, ‘di porke maiikli o maliit, wala ng halaga. Ang magandang rawitdawit kasi para sa akin ay nagpapahiwatig nang hindi literal at hindi rin madaldal. Bukod dito, ang magandang rawitdawit para sa akin ay iyong kayang i-kristalize ang danas o kayang dakpin ang kaluluwa ng isang saglit o ng isang panahon kung kaya’y masasabing phenomenological ang mga rawitdawit sa binubuong koleksiyon. Ang malalaki ay ikinubli sa maliliit na bagay. Hinayaan ko na ang mga maliliit ang magkwento ng malalaking bagay tulad halimbawa kung paano na-ikweno ng agiw sa rawitdawit na “An Alpog sa kwarto” “Ang Agiw sa Kwarto” ang isang lumalamig na relasyon. Dagdag pa, naikwento ng rawitdawit na “Warak na Sinsilyo”, “Nagkalat na Barya” ang hindi pagpansin ng karamihan sa maliliiit na barya kung kaya hinahayaan ang mga iyong nakakalat lamang kung saan saan lang sa bahay.

Gusto ring sabihin ng koleksiyong ito na ang mundo ay hindi lamang para sa malalaki, dahil mundo rin naman ito ng maliliit. Tulad sa nobelang, Etsa-pwera ni Jun Cruz Reyes kung saan ang kasaysayan ay muling isinalaysay gamit ang mata ng mga tinuturing na maliliit o etsa- pwera ng lipunan o kaya sa nobelang Banal na Aklat ng mga Kumag ni Allan Derain isang modernong mito na ang tauhan ay ang maliliit o mga kumag. Kaya sinisikap ko na bumalik sa sariling panahon, sa sariling lupa, sa sariling danas, at sa sariling lugar para hagilapin iyong maliliit, para dam’hin sila, para unawain sila, at para bigyan din sila ng boses, ng halaga.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *