Message from the Workshop Director Anna Sanchez

Mensahe mula sa director ng 58th UPNWW  (Anna Sanchez)

Ako ang naging workshop director ng 58th UP National Writers Workshop. Dahil isa akong kwentista, sisimulan ko ang programa gamit ang pagkuwento.

Noong buwan ng Abril sa taong 2002, habang ang buong Pilipinas ay ipinagluluksa ang maagang pagpanaw ni Rico Yan, ginanap ang UP National Writers Workshop sa maliit na Hotel Veneracion sa Loakan Road, malapit sa Nevada Square. Kasali ako noon bilang fellow for fiction in English. Tatlong semestre bago noon ay nag-shift mula sa kursong BS Physics patungo sa BA English Studies, at magtatapos na sa paparating na taon. In retrospect, nasa crossroads ako noong Abril: may pag-asang makapag-aral sa ibang bansa kung mag-a-apply sa Japanese Government, or Monbugakusho, Scholarship Program; sa isang banda rin, mayroon akong masugid na manliligaw: isang dekotseng businessman na anim na taon ang tanda sa akin. ‘Ika nga nila, the future looked bright, at heto, heto na, natanggap pa sa pinakaastig na national writers’ workshop ng bansa.

Bago pa man natapos ang dalawang linggong workshop ay tinawagan na ako ng nanay ko sa cellphone upang awayin, dahil sinabi ko sa kanyang ayoko na habulin ang scholarship sa Japan, at ang masugid ko namang manliligaw, na umakyat dito sa Baguio upang bigyan ako ng puting rosas at i-date sa isang Italian restaurant na hinding-hindi afford ng kahit sino sa aming workshop fellows, ayun, nabasted ko siya.

Sa UP writers workshop kasi ay natuklasan ang isang mundong hindi ko inasahan: ang maliit ngunit kagila-gilalas na mundo ng mga manunulat. Ang mundong ito ay magulo ngunit masaya ngunit mahirap ngunit exciting, at ang pakiramdam ko noon ay hindi ko na ito nais na lisanin pa. Tatak ng UP workshop, noon at ngayon, una: ang pagpasok sa ating diskurso ng iba’t ibang perspektiba sa lahi, uri, at kasarian; ikalawa, ang pag-cultivate sa mga manunulat hindi lang sa Inggles at Filipino kundi sa iba pang rehiyonal na wika; at pangatlo, ang pag himay sa mga akda hindi lamang sa teknikal na aspekto kundi pati sa nilulugar ng mga ito sa lipunan.

Maliit man ang mundo ng mga manunulat ay pinalawak nito ang mundo ko. Umibig akong muli sa wikang Filipino at natutong kilalanin ang wika’t kultura sa labas ng katagalugan; namulat ako sa aking posisyon bilang middle class at babaeng manunulat na produkto rin ng state university na may mataas na responsibilidad sa taumbayan, at nahasa ko lalo ang technique at imahinasyon dahil sa mga workshop panelist at co-fellow na hindi lamang kumakatha ng mga mahahalagang uri ng panitikan kundi naging lifelong source na rin ng guidance at pagkakaibigan.

Natuklasan ko kung gaano talaga kahirap at kasaya ang pagsusulat, at dahil doon, for better or for worse, binago ng UP writers workshop ang buhay ko.

Binabago ng pagsusulat ang buhay nating mga manunulat. Kung ganoon, may kapangyarihan ang panulat na baguhin ang isang buhay. Kung ganoon, may kapangyarihan ang panulat na baguhin ang maraming buhay.

Sa workshop na ipinagdiriwang natin ngayon, nadiskubre natin kung ano ang pagsusulat para sa mga workshop fellows. May ilan na kinailangan ng “pusher” para simulan o ipagpatuloy ang mga proyekto, dahil unless napakaswerte mong nilalang, sadyang mahirap ang writing life. Napakaraming bayarin na hindi kayang sagutin ng ating panulat. May pamilya, kaibigan, career, o lovelife na higit kailangan ng ating atensyon. May anak o magulang na kailangang alagaan, sira-sirang bahay na kailangang ayusin, mga platong kailangang hugasan, tambak ng labadang marahil ay inaamag na dahil nakakaligtaan. Paglabas ng ating tahanan ay rumoronda ang mga naka-unipormeng hindi na natin alam kung kaibigan o kaaway, ang mga korporasyon ay nangunguha ng lupa, ang mga manggagawa’t magsasaka ay hinaharass at pinapatay, tuloy pa rin ang martial law sa Mindanao, tuloy ang pandadahas sa mga babae, bata at nabubuhay sa laylayan ng lipunan, at tila hindi na natin alam ang ibig sabihin ng hustisya. Sa dami ng iba pang priority o mga bagay na tila mas nangangailangan ng ating pag-aksyon, bakit pa paglalaanan ng oras ang pagsusulat?

Dahil tulad ng ilang beses nang nailahad ng fellows sa workshop, nagsusulat tayo para malaman kung paano mabuhay. At kung sa ating pagsusulat ay may maabot tayong mambabasa, kung dahil sa ating mga hamak na pagkukwento’t pagninilay ay lumawak nang kaunti ang kanyang pang-unawa sa mundong tumatangis, marahil ay ito nga ang landas para sa atin.

Sinasabing pinipili tayo ng pagkakataon upang magsulat, pero tayo rin mismo ang pumipiling magsulat. Sumulat tayo para sa sarili, at sumulat dahil hindi tayo nag-iisa.

Sa puntong ito ay gusto kong pasalamatan unang-una si Dr. Roland Tolentino. Hindi ang mga kaibigang si Vlad o si Francis ang rason kung bakit tinanggap ko ang imbitasyong mapabilang sa Institute of Creative Writing, kundi ikaw. Gayunpaman ay salamat, Vlad, Francis, at Gabby, dahil kayo ang lunas sa palagian kong sakit. In the same way ay pinasasalamatan ko ang lahat ng mga faculty ng ICW, na naging instrumental sa sarili kong panulaan. Walang humpay na pasasalamat din sa napakabait na deputy at coordinator na si Loujaye, at sa secretariat staff—sina Ate Glo, Jade, Kevyn, at Manolet—na naging masayang katrabaho, maliban sa natiis nila ako bilang direktor.

Isang milyong pasasalamat din kina National Artist BenCab at Miss Vina, kina Prof. Junley at sa UP Baguio, at lalo na sa Baguio Writers Group para sa lahat ng tulong at pagkakaibigan.

At huli, salamat sa mga fellows ng 58th UP National Writers Workshop. Salamat at nakasama kayo sa paglalakbay na ito.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *